Nagmamadali sa Pag-uwi ang Babae Dahil sa May Karamdamang Anak; Isang Kakatwang Pangyayari ang Nakatakdang Maganap

Nagmamadaling umuwi si Teresa dahil bibili pa siya ng gamot para sa may sakit niyang anak. Bago siya dumiretso sa sakayan ng bus ay dumaan muna siya sa botika para bumili ng gamot.

“Miss, pagbilhan mo nga ako ng gamot sa sipon at sa ubo, ‘yung pangbata,” aniya sa tindera.

“Sige ma’am! Ilang taon po ba yung batang iinom ng gamot?” tanong ng babae.

“Anim na taon, miss,” aniya.

Maya-maya ay iniabot na sa kaniya ang binili niyang gamot at nagmamadali siyang pumila sa paradahan ng bus ngunit puno na ng mga pasahero ang unang bus kaya umalis na iyon. Sayang at hindi siya nakaabot, maaga sana siyang makakauwi sa bahay.

“Sayang naman!” bulong niya sa sarili.

Wala siyang nagawa kundi mag-abang ulit ng susunod na bus.

Gaya ng inasahan ay maraming nakapila. Uwian na kasi ng mga empleyado at mga estudyante kaya walang nagawa si Teresa kundi ang magtiyaga sa pila.

Advertisement

Habang naghihintay ay may bigla na lamang lumapit sa kaniyang matandang lalaki.

“Ineng, pasensiya ka na ha, pero maaari bang ako na ang mauna sa iyo. Nagmamadali kasi ako. Kailangan kong makauwi agad dahil may sakit ang anak ko,” wika ng matanda.

Nakaramdam ng awa si Teresa sa matanda. Nakita niyang may kapansanan pa ito, may dala itong saklay at halatang hirap na sa paglalakad. May bitbit din itong plastic na sa tingin niya ay gamot din ang laman.

“S-sige po, manong. Kayo na po ang mauna sa akin,” aniya.

Hindi naman nagreklamo ang iba pang pasahero na naroon at pinauna na nila sa pila ang matanda.

‘Di nagtagal ay tinawag na sila ng konduktor ng bus at pinasakay na ang mga pasahero.

“Salamat naman sa Diyos at makakasakay na tayo!” sabi ni Teresa.

Habang nasa biyahe ay biglang nagtanong sa kaniya ang matandang lalaki.

Advertisement

“May sakit din ba ang anak mo?” bigla nitong tanong. Nakita kasi ng matanda ang hawak niyang gamot na nasa plastik.

Nagtataka si Teresa kung bakit naisip ng matanda na ang anak niya ang may sakit.

“A, e, opo manong. May trangkaso po ang anak ko at may ubo at sipon pa po siya kaya nagmamadali po akong umuwi para mapainom ko na siya ng gamot,” paliwanag niya.

“Huwag kang mag-alala, hija. Makakauwi ka rin. Gagaling din ang anak mo,” anito.

“Salamat po. Kayo rin po, sana gumaling na rin po ang anak niyong may sakit,” sabi niya.

Tanging ngiti lang ang isinagot ng matandang lalaki.

Wala pang sampung minuto ay biglang huminto ang sinasakyan nilang bus. Naki-usyoso kasi ang driver nito sa isang bus na tumigil sa may highway. May mga nagkakagulong tao roon. Hindi naman naiwasang sumilip ni Teresa sa bintana at tanungin ang isang babaeng pasahero kung ano ang nangyari.

“Miss, ano bang nangyari diyan?” tanong niya.

Advertisement

“May sumakay kasing holdaper kanina sa bus na sinasakyan namin, kinuha ng holdaper iyong cell phone nung lalaking pasahero. Nang pumalag iyong lalaki ay biglang binaril ng holdaper. Tumalon pababa iyong holdaper habang umaandar ang bus at mabilis na nakatakas. Kawawa nga iyong lalaking pasahero, balita naming hindi na umabot ng buhay sa ospital,” kuwento ng babae.

Sa narinig ay biglang kinabahan si Teresa. Ang bus pa namang hinoldap ay ang bus na sasakyan niya dapat kanina. Hindi lang siya nakasakay dahil puno na. Naisip niya na buti na lang at hindi ang bus na iyon ang nasakyan niya, kundi ay baka siya ang nabiktima ng holdaper.

Nang muling umandar ang bus ay iniyuko ni Teresa ang ulo at saglit na nanalangin.

Ang hindi niya alam ay nakangiting nakatitig lang sa kaniya ang matandang lalaki.

Maya-maya ay pumara na ang matandang lalaki at bababa na ito. Bago tuluyang makababa ay nagpaalam na ito kay Teresa.

“Sige, ineng. Mauna na ako. Hangad ko ang mabilis na paggaling ng iyong anak,” nakangiting sabi ng matanda.

“Salamat po, manong. Hangad ko rin po ang paggaling ng inyong anak.”

Wala pang ilang minutong nakakababa ang matanda nang mapansin niyang naiwan nito ang bitbit na plastik na may lamang gamot. Nang tingnan niya ay gamot nga iyon sa ubo at sipon na pangbata rin.

Advertisement

“Kawawa naman ‘yung matanda. Naiwan itong gamot para sa anak niya,” nag-aalalang sabi ni Teresa sa isip.

Maya-maya ay napansin niyang bababa na rin siya sa bus. Nang makababa ay dali-dali na siyang sumakay sa traysikel papunta sa kanilang bahay.

Pag-uwi niya sa kanilang bahay ay bigla niyang napansin na naiwan niya pala sa sinakyang bus ang plastic na may lamang gamot na binili niya sa botika at ang naiuwi niya ay ang gamot na naiwan ng matandang lalaki. Laking panghihinayang niya sa naiwang gamot sa bus, mabuti na lang at naiwan ng matandang nakasabay niya sa bus ang dala nitong gamot. Dahil pangbata ang gamot ay iyon na lang ang ipinainom niya sa may sakit na anak. Kinaumagahan, nagulat siya dahil maayos na ang pakiramdam ng kaniyang anak. Wala itong lagnat, wala na ring ubo at sipon. Laking pasasalamat niya sa gamot na naiwan ng matandang lalaki kundi dahil sa naiwan nitong gamot ay hindi makakainom ng gamot ang kaniyang anak. Bigla naman siyang nakaramdam ng lungkot dahil nag-aalala siya kung nakainom na rin ba ng gamot ang may sakit na anak ng matanda.

Nang sumunod na araw, habang nakapila siya sa sakayan ng bus ay may lalaking lumapit sa kaniya.

“Miss, ikaw ‘yung isa sa mga pasahero namin kagabi ‘di ba? Naiwan mo itong gamot sa bus,” wika ng konduktor ng bus na nasakyan niya nang nagdaang gabi.

“Naku, salamat po, pero hindi ko na ito kailangan dahil magaling na ang anak ko. Mabuti na lang at naiwan din ng matandang lalaking katabi ko sa upuan ‘yung dala niyang gamot na pangbata,” tugon niya.

“Matandang lalaki?!” gulat na tanong ng konduktor.

“Opo, ‘yung matandang lalaking pilay na katabi ko kagabi sa bus,” giit niya.

Advertisement

Biglang nagkamot ng ulo ang lalaki.

“E,wala ka namang katabing matandang lalaking pilay kagabi, e, miss. Mag-isa ka lang na nakaupo sa bandang hulihan ng bus,” hayag ng konduktor.

“A-ano?!”

Hindi makapaniwala si Teresa sa sinabi ng konduktor, pero imbes na matakot ay nakaramdam siya ng kapanatagan dahil sa tingin niya ay isang ‘anghel’ ang matandang lalaki na nakilala niya sa bus na naging dahilan ng pagkakaligtas niya sa kapahamakan at sa paggaling ng kaniyang anak.

Minsan, ang tulong ay kusang ipagkakaloob ng langit sa pagkakataong hindi inaasahan.