Inday TrendingInday Trending
Swerte na Raw ang Ale na Ito sa Lahat ng Kaniyang Anak at Manugang, Maliban Lamang sa Isa, Ano Kaya ang Problema?

Swerte na Raw ang Ale na Ito sa Lahat ng Kaniyang Anak at Manugang, Maliban Lamang sa Isa, Ano Kaya ang Problema?

“Napakaswerte mo talaga, Mareng Mona, sa iyong mga anak! Bukod sa lahat ay maganda ang tinapos, nakapangasawa pa ng mababait at magaganda! Masyado ka nang pinagpala,” wika ni Aling Rita, kumare ng ale habang kumakain ang mga ito.

“Hay naku, Rita, mabuti at nabanggit mo! Maswerte na talaga ako sa lahat ng bagay, bukod sa idinasal ko talaga ang lahat ng iyan ay sinamahan ko pa ng mga pampaswerte! Pero hindi raw talaga pwedeng ibigay yata sa akin lahat ng dahil minalas ako sa isa!” inis na sagot ng ale sabay krus ng kaniyang mga braso.

“’Wag mo sabihin sa aking kay Dhalia ka minalas?” tanong naman ni Aling Ellen, isa pang kaibigan ng ale.

“Aba, kanino pa ba? Sa lima kong manugang, sa kaniya lang ako bukod tanging nabu-bwisit nang sobra! Wala na silang ginawa kung ‘di mag-away ng anak ko. Alam niyo naman na paboritong anak ko si Mark kaya nag-iinit talaga ang ulo ko sa tuwing sinisigaw-sigawan niya ang anak ko sa bahay namin,” baling pang muli ni Aling Mona.

“Minsan gusto ko na lang palayasin at bawiin ang anak ko. Alam kong kakapanganak niya lang pero ginagawa naman lahat ng anak ko ang dapat na gawin bilang tatay pero ang gusto niya yata ay gawing aso si Mark na susunod sa lahat ng gusto at sabihin niya. Bawat kibot ng anak ko ay galit siya. Ako ay nagtitimpi lang talaga, baka pag ako hindi nakatiis ay bibigyan ko siya ng buhay na hindi niya hihilingin,” dagdag pa ng ale.

“Uubra ka ba roon e ‘di ba mataas ang katungkulan nun sa bangko?” singit naman muli ni Aling Rita.

“Aba! Kahit presidente pa siya ay hindi siya uubra sa akin!” baling pang muli ni Aling Mona saka sila sabay-sabay na nagtawanan ng kaniyang mga kaibigan.

Bunsong anak ni Aling Mona si Mark at ito ang paborito niya sa mga anak dahil ito lamang ang kaniyang unico hijo. Wala namang problema ang ale noong magkasintahan pa lamang sina Mark at Dhalia dahil mabait naman ang babae at magalang din sa kaniya. Ngunit pagkatapos manganak ng babae ay nagbago ito at naging mainitin ang ulo sa anak niya na siya rin namang kinabu-bwisit ng ale dahil magkasama sila sa bahay.

“Lumayas ka rito! Lumayas ka! Wala kang kwentang lalaki! Wala kang kwentang asawa! Wala kang kwentang tatay! Lumayas ka!” sigaw ni Dhalia. Hindi pa man nakakapasok ang ale sa kanilang pamamahay ay naririnig na niya ang pagtatalo ng dalawa.

“Sobra naman na yata ito, Dhalia, sobra ka na!” sigaw rin ni Aling Mona at talagang nakipagtaasan kaagad siya ng boses.

“Ano na naman ba ginawa ng anak ko na mali sa’yo at bakit ikaw pa may ganang magpalayas sa kaniya e bahay namin ‘to? Sorry ha, alam kong kasal kayo pero bahay ko ‘to, kung may lalayas man ay ikaw ang lumayas at hindi ‘yung kinakayan-kayanan mo si Mark!” dagdag pang muli ng ale.

“Huwag ho ako ang tanungin niyo, tanungin niyo ‘yang anak niyo!” galit na sagot ni Dhalie rito.

“Bastos ka talaga! Sinisigawan mo pa ako! Ikaw ang lumayas, leche! Akala mo kung sinong perpekto ‘tong babaeng ‘to!” gigil na sinabi iyon ni Aling Mona at naghanap ng ipangbabato sa babae.

“Ma, tama na!” pigil ni Mark sa kaniyang nanay at doon na bumagsak ang luha ni Dhalia.

“May babae ako,” dagdag na sabi ni Mark.

“E ano kung may babae?! Normal na mambabae ang mga lalaki!” bwelta ni Aling Mona.

“May babae ang anak niyo at kamag-anak niyo pa!” sigaw ni Dhalia na hindi na niya napigilan pa at sabay na bumagsak ang kaniyang mga luha.

Doon na hindi nakagalaw sa pagkakatayo si Aling Mona at tila nabingi siya sa kaniyang narinig. Umalis si Dhalia bitbit ang anak nito saka umuwi sa pamilya niya habang si Mark naman ay inaayos ang kinasangkutan niyang gulo.

Nagkarelasyon ang lalaki sa malayong pinsan nito ngunit kahit malayo na ay hindi pa rin makukunsinti ni Aling Mona ang pangyayaring iyon kaya naman labis niyang pinasabihan ang anak. Makalipas ang ilang buwan ay sinamahan niya ito upang humingi ng tawad ay Dhalia at sa pamilya nito. Nahihiya rin siya na pinagsalitaan niya ng hindi maganda ang manugang noong panahong may pinagdadaanan pala ito.

Ngayong kahit na nanay na si Aling Mona ay mas naintindihan niyang may limitasyon ang pagiging nanay niya at ang panghihimasok sa buhay may asawa kahit pa nga anak niya ito. Hindi rin masusukat sa pinagdaanan o sa panglabas na pangyayari ang tunay na relasyon ng isang mag-asawa. Kaya naman simula noon ay hindi na siya nanghimasok pa sa away ng kahit sino pa man sa kaniyang mga anak at asawa nito pwera na lamang kung talagang kailangan na ng pangingialam niya.

Advertisement