Inday TrendingInday Trending
Sinumpa ng Dalagang Ito na Kailanman ay Hindi Siya Gagaya sa Ina Niyang Isang Kabit; Hindi Niya Akalaing Mapupunta Siya sa Parehong Sitwasyon

Sinumpa ng Dalagang Ito na Kailanman ay Hindi Siya Gagaya sa Ina Niyang Isang Kabit; Hindi Niya Akalaing Mapupunta Siya sa Parehong Sitwasyon

“Oh, ito na ang pera. Umalis ka na baka may makakita pa sa’yo rito,” pagsusungit ni Carla sa kaniyang ina habang inaabot nito ang ilang libong piso. Kahit na nagpasiya siyang humiwalay na sa ina, patuloy pa rin niyang sinusuportahan ang iba niyang kapatid na nag-aaral pa. Ngunit ayaw na niyang magtigil pa kasama ang ina dahil sa tatlo nilang magkakapatid, lahat ng iyon ay iba-iba ang ama at lahat ay may kani-kaniya nang asawa. Habang lumalaki at nagkakamalay na sa mundo si Carla, unti-unti niyang nalalaman ang mga baho ng ina. At dahilan ito upang tuluyan siyang magalit dito.

Nagtatrabaho siya bilang call center agent at nangungupahan lamang kasama ang kaniyang nobyo na pareho rin naman ang trabaho. Malaki-laki rin kasi ang sinasahod niya, kaya palagi siyang nakakapag-abot para makatulog sa mga kapatid niya. Naubos lang talaga ang kaniyang pasensiya sa ina kaya ayaw na niya halos makita ang mukha nito. Lingid sa kaniyang kaalaman ang trahedyang mangyayari sa kaniyang buhay.

Nagsimula ng magbago ang pakikitungo sa kaniya ng nobyo, isang taon matapos nila magpasiyang magsama na. Hindi na iyon tulad ng simula na malambing, inuuna siya, at palagi siyang hinihintay anumang oras siya matapos sa kaniyang shift sa trabaho. Nag-iba iba na rin kasi ang kanilang schedule at palagi na silang taliwas ng pagtigil sa bahay.

Isang umaga, maagang umuwi si Carla dahil maaga rin siyang pumasok nung hapon. Buong pagtataka niya dahil bukas ang pinto ng kanilang bahay. Pagbukas pa lamang ng pinto ay may naamoy siyang hindi pamilyar sa kaniyang pang amoy. Hanggang sa may makita siyang mga damit ng babae na nakakalat sa sahig kasama nito ang mga panloob. Narating niya ang pinto ng kanilang kwarto at bumulagta sa kaniya ang kaniyang nobyo na may kasiping na ibang babae. Kahit na wala pa halos gising ng mga oras na iyon, nagsisisigaw si Carla na bumulabog naman sa dalawang natutulog na magkayakap pa.

Walang pali-paliwanag, agad na hiniwalayan ni Carla ang nobyo at nanatiling matatag para sa kaniyang sarili. Muli na namang napuno ng galit ang dalaga dahil sa nangyaring iyon. Malayo sa kaniyang imahinasyon na mangyayari iyon sa kaniya. Nang mabalitaan iyon ng kaniyang ina, dinalhan pa siya nito ng paborito niyang ulam. Hindi man niya hinarap ang ina, habang siya ay kumakain, tuloy-tuloy naman ang luha na umaagos mula sa kaniyang mata dahil sa sakit na nararamdaman niya.

Lumipas ang ilang buwan at muling nakahanap ng lakas ang dalaga na humarap sa buhay ng mag-isa. Dahil sa kaniyang naranasan, hindi na muna niya pinansin ang sinuman na nagkakagusto sa kaniya. Sa isang saglit, lalong tumigas ang kaniyang puso nang hindi niya napapansin.

Patuloy na naging ganito ang buhay ni Carla. Pakiramdam niya ay paulit-ulit na lamang at parang robot lamang ang kaniyang araw-araw na buhay. Hanggang sa muli niyang maramdaman ang kilig at kakaibang saya mula nang makilala niya ang lalaking si Dan. Nakilala niya ito sa bilang bago niyang supervisor at simula pa lang noong una, nahulog na ang loob niya rito.

Muling binuksan ni Carla ang kaniyang puso. Unti-unting pinalambot ng pagmamahal ni Dan ang kaniyang noon ay matigas na puso. Masaya naman ang kaniyang ina na makitang masigla na ulit ang kaniyang anak. Kahit na hindi niya iyon nakakausap o nakakasama, alam niyang masaya ang puso nito sa unang tingin pa lamang.

Isang tanghali, muling nagkita ang magkasintahan sa bahay ni Carla. Subalit hindi nila maaaring isiwalat sa kahit na sinuman ang kanilang relasyon lalo na sa kanilang trabaho dahil ipinagbabawal iyon. Dahil sa labis na pagmamahal ni Carla kay Dan, hindi na siya nagpakipot pa at itinanong na ang nobyo na magsama na sila.

“Handa naman akong lumipat ng trabaho eh… Pati apartment pwede naman tayong lumipat para medyo malayo-layo sa opis ‘di ba? Sige na, please.. Namimiss kita palagi…” pangungulit ni Carla sa kaniyang nobyo na magsama na sila. Subalit imbes na ipanatag ni Dan ang kaniyang damdamin, nagalit ito sa kakulitan ng nobya at saka umalis na nang tuluyan.

Ilang araw din na hindi nagparamdam kay Carla ang nobyo. Ni mensahe o isang tawag, wala siyang natanggap mula rito. Hindi rin niya ito makontak kahit na ipagtanong-tanong niya ito sa mga katrabaho.

Isang gabi, naisipan ni Carla na bumili ng alak sa isang convenience store dahil hindi siya makatulog sa kakaisip. Nababaliw na ata siya habang iniisip kung paano niya makakausap ulit si Dan. Habang papasok siya sa tindahan, bigla siyang natigilan sa paghakbang at nanlambot ang mga tuhod nang makita ang nobyo na may kasamang ibang babae. Magagalit sana siya ngunit nakita niyang may kasamang bata ang dalawa at tinawag siyang “papa” nito. Nakita siya ng lalaki ngunit parang hindi sila magkakilala ng mga oras na iyon. Tumigil ang mundo ni Carla at muling nawasak ang kaniyang puso.

Buong gabi, nagpakalasing si Carla at inalala ang galit at inis niya sa kaniyang ina. Pagewang-gewang pa sa kalasingan ang dalaga nang bigla siyang nakita ng kaniyang ina sa kanilang pintuan.

“Ma… Sorry… Sorry…” paulit-ulit na sigaw ng dalaga sa bisig ng kaniyang ina. Patuloy lamang sa pagluha si Carla habang naroon ang kaniyang ina na iniintindi siya.

Simula noon, muli mang nawasak ang puso ni Carla, natutunan naman niyang maunawaan kung ano ang pinagdaanan ng kaniyang ina. Dahil doon ay mas tumibay at gumanda ang relasyon nilang mag-ina.

Advertisement