
Iniwan ng Ginang ang Asawang Baldado Upang Sumama sa mas Batang Lalaki; Wala na Siyang Babalikang Pamilya ng Iniwan din Siya ng Lalaking Minahal
Larawan ng isang masaya at tila perpektong mag-anak ang pamilya nila Magda at Fredo. May magandang trabaho ang ginoo bilang isang manager sa isang kilalang bangko. Samantalang si Magda naman ay may sariling negosyo na tanim na mga halaman. Biniyayaan sila ng isang anak na babae. Dalaga na si Marie at nasa kolehiyo na rin. Malapit na itong magtapos sa kursong Nursing. Tila wala na ngang mahihiling pa ang mag-anak.
Marami ang naiinggit sa pagsasama ng mag-asawa. Itong si Fredo kasi ay ubod ng lambing kay Magda at talagang ipinagmamalaki niya na isa siyang “under da saya”.
“Kung ito naman ang paraan para patunayan ko ang pagmamahal ko sa asawa ko ay wala akong pakialam na tawaging “under”,” sambit ng ginoo.
Nakakakilig ang pagtrato ni Fredo sa kaniyang misis dahil kahit matagal na silang mag-asawa ay hindi pa rin ito nakakalimot na bigyan ito ng bulaklak at mga simpleng pasalubong tulad ng paborito nitong kakanin.
Hindi rin niya nalilimutan ang mga importanteng araw sa kanilang buhay tulad ng kanilang kaarawan at anibersaryo. Tunay ngang kinaiinggitan ng maraming kababaihan itong si Magda.
Ngunit isang araw ay hindi inaasahan ni Magda ang bubungad na balita sa kaniya.
“Magda, nasa ospital ang iyong asawa at malubha ang kaniyang kalagayan,” sambit ng malapit na kasamahan sa trabaho ng ginoo.
“A-anong nangyari sa kaniya?” natatarantang tanong ng ginang.
“Bigla na lamang siyang natumba sa trabaho. Ang sabi ng doktor ay na-stroke daw ang asawa mo. Magmadali ka at puntahan mo na siya dito sa ospital,” saad pa ng lalaki.
Agad na nagtungo si Magda at kaniyang anak sa ospital. Nang makita nila ang sinapit ni Fredo ay hindi nila maiwasan ang maiyak.
“May parte po sa utak ng inyong asawa ang matinding napinsala. May mga gamot na makakatulong sa kaniya pero hindi po ito ginagarantiya ang lubusan niyang paggaling. Mas malaki pa rin po ang tiyansa na manatili po siyang nakaratay,” pahayag ng doktor.
Labis na ikinalungkot ng mag-ina ang sinapit ng kanilang padre de pamilya.
Sa una ay handa pa si Magda na alagaan ang asawa ngunit pagtagal-tagal ay kapansin-pansin na ang panlalamig nito kay Fredo. Madalas ay iniaasa na rin niya ang pag-aalaga sa kaniyang anak na dalaga.
Nang madalas ay wala ang ina ay agad itong kinausap ng kaniyang anak.
“Ma, kailangan namin kayo ni papa dito sa bahay. Saan po ba kayo nagpupunta? Hindi po ba alas singko lang ay sarado na ang shop niyo?” sita ng anak.
“Ginagabi na ako sa pagtitinda ng mga halaman. Kailangan kong kumayod para may maipangtustos d’yan sa ama mo,” tugon ng ina.
“Bakit tila napapagod na kayo sa pag-aalaga kay papa, ma? Saka gaano po katotoo ang balita na may isang binata raw pong palaging nasa tindahan niyo?” muling tanong ng anak.
“Napagpapaniwala ka sa mga tsismis. Ang atupagin mo ay ang pag-aalaga mo sa papa mo. Saka ang binatang nakikita nila sa tindahan ay ang bagong tauhan ko. Malisyoso lamang ang isip ng ibang tao,” sagot ni Magda.
Ngunit hindi kumbinsido si Marie sa sinasabi ng kaniyang ina. Magmula kasi ng pumasok ang sinasabing binatang iyon sa buhay ng kaniyang ina ay bigla na lamang itong nagbago ng pakikitungo sa kaniyang ama.
Hindi nga nagkamali si Marie. Kitang-kita ng dalawang mata niya kung paano magharutan ang dalawa nang isang araw na hindi inaasahan na pumunta siya sa tindahan ng ina.
“Kitang-kita ko kung paano kayo magyapusan ng lalaking iyon. Hindi na kayo nahiya, ma. Parang anak n’yo na lang ang binatang iyon. Saka bakit mo nagawa ang ganyang bagay kay papa? Kahit kailan ay hindi ka niya niloko!” sambit ni Marie.
“May pangangailangan din ako, Marie. At sa kalagayan ng ama mo ay hindi na niya iyon maibibigay sa akin. Narinig mo naman ang sinabi ng mga doktor. Halos imposible na ang magbalik ang ama mo sa dati. Hindi ko na makakayanan ang ganitong buhay. Ayokong mag-alaga na lamang ng asawa habambuhay!” sigaw ni Magda.
Labis na nasaktan si Marie sa kaniyang mga narinig dahil saksi siya sa wagas na pagmamahal ng kaniyang ama sa kaniyang ina.
“Sa katunayan ay umuwi lamang ako dito para kumuha ng gamit ko. Aalis na ako sa pamamahay na ito at sasama na ako kay Lando. Siya ang totoong makakapagbigay ng pagmamahal na hinahanap ko,” wika ni Magda.
Hindi na pinigilan ni Marie ang pag-alis ng kaniyang ina. Tuluyan na ngang lumayas si Magda at sumama sa kaniyang kalaguyong mas bata sa kaniya. Pinabayaan niya si Marie na mag-alaga sa ama nito habang patulyo siya sa pagre-review upang maging isang ganap na nars.
Naging isang ganap na nars si Marie at hindi pa nakuntento ang dalaga ay pinagpatuloy niya ang pag-aaral hanggang naging isang ganap siyang doktor. Pinagsabay-sabay niya ang pag-aaral, pagtatrabaho at pag-aalaga ng ama sa tulong na rin ng kaniyang tiyahin na kapatid ni Fredo.
Samantala, nalugi naman ang negosyo ni Magda at dahil wala na siyang maipantustos kay Lando ay iniwan siya nito at ipinagpalit sa isang matandang mas mayaman sa kaniya at maibibigay ang mga luho nito. Walang natira na kahit singko kay Magda. Ni wala na siyang mapuntahan pa dahil tinalukuran niya ang lahat para lamang sa binata.
Naisipan niyang umuwi sa kanilang tahanan at makipag-ayos sa kaniyang mag-ama.
Nagulat si Marie nang makita ang ina sa tarangkahan ng kanilang bahay. Lalo niyang ikinagulat ang itsura ng ina.
“Binabati kita sa lahat ng tagumpay na iyong nakamit. Mana ka talaga sa papa mo, parehas kayong matalino,” naluluhang wika ni Magda.
“Sana ay may babalikan pa ako sa bahay na ito. Miss na miss ko na kayo ng papa mo,” aniya.
Napabuntong hininga si Marie.
“Patawad ngunit matagal nang walang ilaw ng tahanan sa bahay na ito. Simula nang itinapak mo ang iyong mga paa paalis ng tahanan na nito noong araw na pinili mong sumama sa kalaguyo mo ay alam mo na dapat na wala ka nang puwang dito. Dahil sa kalagayan ni papa ay pinagpalit mo siya kahit na ibinigay niya sa’yo ang lahat. Minahal ka niya ng buong-buo ngunit ang iginanti mo sa kaniya ay pagtataksil. Kaya pasensiya ka na, pero wala ka nang babalikan sa pamamahay na ito. Makakaalis ka na,” pahayag ni Marie.
Kahit na anong pagmamakaawa ni Magda sa anak ay naging matigas na ang puso nito para sa kaniyang ina. Hindi kasi niya matanggap na sa panahon na mas kailangan siya ng kanilang pamilya ay mas pinili niyang sumama sa isang lalaki at isipin lamang ang kaniyang sarili.
Kaya ngayong naghihirap ang ina at babalikan sila ay tila hindi patas para sa kaniyang ama.
Sinarado ni Marie ang pinto ng kanilang bahay pati na rin ang kanilang buhay sa kanilang ina. Pinatawad man niya ito ngunit hindi na niya ito matatanggap pa sa kanilang buhay.
Lubusan naman ang pagsisisi ni Magda dahil sa kaniyang nagawa. Naging palaboy-laboy na ito sa lansangan hanggang sa masiraan na ito ng bait. Hindi rin nagtagal binawian ito ng buhay na malungkot at nag-iisa lamang.

Sinumpa ng Dalagang Ito na Kailanman ay Hindi Siya Gagaya sa Ina Niyang Isang Kabit; Hindi Niya Akalaing Mapupunta Siya sa Parehong Sitwasyon
