Inday TrendingInday Trending
Sinisiraan ng Ina ang Kaniyang mga Anak sa Isa’t Isa Dahilan ng Pag-Aaway ng mga Ito; Tinalikuran Siya ng mga Ito ng Malaman ang Kaniyang Ginagawa

Sinisiraan ng Ina ang Kaniyang mga Anak sa Isa’t Isa Dahilan ng Pag-Aaway ng mga Ito; Tinalikuran Siya ng mga Ito ng Malaman ang Kaniyang Ginagawa

“Anak, pasensiya ka na kung sa iyo ako lalapit. Nakalapit na kasi ako sa mga kapatid mo pero wala raw silang maibibigay sa akin, e. Sabi ni Arnel may kailangan daw silang ipagawa sa bahay nila,” bungad ni Aling Marta sa kaniyang panganay na anak na si Robert.

Ito namang si Hilda ay wala raw kapera-pera dahil nagbayad ng matrikula ng mga anak. E, kailangan na talagang mabayaran ang upa dito sa bahay kung hindi ay baka mapalayas kami ng tatay mo,” dagdag pa ng ginang.

“Medyo gipit din po ako ngayon, ‘nay. Pero may maipapadala naman ako sa inyo kahit paano. Hindi po ba nagpadala ang dalawang kapatid ko? Hindi ba nagsabi na sila na hahati sila sa upa ninyo sa bahay?” tanong ni Robert sa ina.

“Ayun na nga. Minsan lang nagpadala ang kapatid mong si Arnel tapos ay wala na. Kapag hiningan mo naman si Hilda ay malakas pa ang daing sa akin,” sambit muli ni Aling Marta.

“Sige po, ‘nay. Ako na po ang bahala sa bayad n’yo sa bahay. Basta sabihan n’yo sila na sa susunod na buwan ay makihati rin sila dahil iyan ang pangako nila,” saad ng anak.

Lumaking malalayo ang loob sa isa’t isa ng magkakapatid na Robert, Arnel at Hilda. Bata pa lamang kasi sila ay kinailangan ng mga magulang na magtrabaho kaya ang tiyahin at tiyuhin na mga kapatid ng ina at ama ang nag-alaga sa kanila habang ang kanilang mga magulang ay nagpapadala lamang ng panggastos sa kanila.

Nakatapos ng pag-aaral sina Arnel at Hilda samantalang si Robert naman ay maagang nag-asawa at nagnegosyo na lamang upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang sariling pamilya. Pawang may sari-sarili na silang pamilya at nang tumanda na ang kanilang mga magulang ay wala naman silang naipon dahil sa na rin sa bisyo nilang pagsusugal.

Mahirap mang lumapit sa kanilang mga anak dahil hindi sila ang nagpalaki rito ay wala ng ibang malalapitan pa ang mag-asawa. Matanda na rin sila at hindi na kaya pang makapagtrabaho. Idagdag mo pa riyan ang sakit na tuberkolosis ng ama.

“Arnel, baka naman may dalawang libo ka riyan ipangdadagdag ko lang sa upa ng bahay,” tanong ni Marta sa anak.

“Nagpadala na po ako sa inyo para sa pambayad ngayong buwan, ‘di ba?” tugon ng anak.

“Kailangan ko kasing ibili ng gamot ang tatay n’yo. Saka nung lumapit kasi ako kay Hilda ay kailangan daw ng anak niya ng pangmatrikula kaya naipahiram ko ‘yung iba sa kaniya. Pasensiya ka na, anak,” sambit niya sa anak.

“Ano ba naman ‘yang si Hilda. Alam na wala kayong trabaho ay kayo pa ang kinuhaan. Sige, magpapadala po ako riyan ng pera para pambayad sa upa. Pero singilin n’yo sa kaniya ang kinuha niya kasi sa inyo ko iyon ibinigay,” giiit ni Arnel.

“Oo sige, anak. Makakaasa ka,” pangako ng ina.

Nang sumunod na araw naman ay kay Hilda nanghingi ng tulong itong si Aling Marta.

“Anak, baka may kahit magkano ka lang diyan? Ipangdadagdag ko lang sa pangbayad ng bahay. Walang-wala na talaga kami ng tatay mo. Hindi ko malapitan ang dalawang kapatid mo dahil marami raw silang kailangang bayaran. Kahit na anong pagmamakaawa ko ay wala raw silang maibibigay. E, sabi ko nga marami ka ring gastusin. Pasensiya ka na, anak. Kailangan lang talaga at baka mapalayas kami ng tatay mo dito sa bahay,” pahayag ng ina.

“Ako na nga po ang sumasagot ng panggastos niyo para sa pagkain at sa kuryente, ‘nay. Pati ba naman po sa bahay? Baka p’wede namang tulungan ako ng dalawang kapatid ko. May mga anak din po ako na pinapaaral,” giit ni Hilda.

“Ayan nga rin ang sinabi ko sa kanila na marami ka nang ginagastos para sa amin ng tatay mo. Wala, anak. Ikaw lang talaga ang maaasahan namin,” sambit ng ina.

Dahil sa awa ay binigyan ni Hilda ang ina ng pambayad para sa bahay. Ang hindi alam ng magkakapatid ay naloloko na naman ang ina sa pakikipagsugal sa kaniyang mga amiga. Madalas niyang maipatalo ang mga pinapadala sa kaniya ng mga anak kaya kailangan niyang siraan ang isa’t isa upang siya ay makahingi rito. Ang hindi niya alam ay lalo niyang pinaglalayo ang magkakapatid dahil lalong tinutubuan ng sama ng loob ang bawat isa.

Sa inis ni Hilda ay tinawagan niya ang nakatatandang kapatid na si Robert.

“Kuya, tulungan n’yo naman ako sa mga gatusin nila nanay. Hindi lang kayo ang may mga anak at pamilya,” sumbat ni Hilda.

“Anong sinasabi mo riyan? Kayo nga ‘to ni Arnel ang hindi nagbibigay sa kanila. Palagi na lamang ako ang hinihingan ng nanay. Malakas pa raw ang daing mo,” wika naman ni Robert.

Tinawagan niya ni Robert ang nakababatang kapatid na si Arnel at kinausap ito tungkol sa pangakong hindi niya tinupad.

“Ang sabi mo ay sasagutin mo ang bahay at ako na sa ibang gastusin, bakit hindi ka na nagbibigay sa nanay? Kayo itong mas nakaaangat sa buhay bakit ako itong pinapasagot niyo ng lahat,” ani Robert.

“Anong sinasabi mo, Kuya? Kakapadala ko lang ng pambayad sa bahay kay nanay. Nagpadala nga ako ulit dahil nagastos daw ‘yong hiniram ni Hilda para sa matrikula ng anak,” tugon naman ni Arnel.

Dahil sa pag-uusap na ito ng magkakapatid ay napagtanto nila na nililinlang lamang sila ng kanilang ina. Nang malaman nila ang panig ng bawat isa ay agad nilang pinuntahan ang ina upang malaman ang katotohanan.

Doon ay naabutan nila si Aling Marta na nakaupo sa sugalan at nakikipaglaro sa kaniyang mga amiga.

“‘Nay, hindi pa rin pala kayo nagbabago?” sambit ni Hilda sa ina.

Sinusubukan ni Aling Marta na magpaliwanag ayaw na ito pakinggan ng mga anak.

“Alam na namin ang totoo, ‘nay. Ang hindi lamang namin maintindihan ay bakit kailangan niyo pang siraan sa amin ang bawat isa. Mga anak niyo kami. Dapat nga ay kayo ang maging daan para magkalapit-lapit kami,” wika naman ni Arnel.

“Mula noon, hanggang ngayon, ‘nay ay pinaglalayo-layo niyo kaming magkakapatid. Pero hindi na kami makakapayag ngayon. Mabuti nga po ay kahit may pamilya na kami ay tinitingnan pa rin namin kayo ni tatay. Nagbibigay kami dahil sa pagmamahal namin sa inyo. Pero ano itong ginawa niyo sa amin,” pahayag ni Robert.

Lubusan ang paghingi ng tawad ni Aling Marta sa kaniyang mga anak. Natauhan siya sa lahat ng sinabi ng mga ito. Ngunit hindi na maibalik ng magkakapatid ang tiwala sa kanilang inang lulong pa rin pala sa sugal.

Napagdesisyunan ng magkakapatid na ipagpatuloy pa rin ang pagbibigay nila sa kanilang ama at ina pero hindi na nila ipagkakatiwala dito ang pera. Dinadalhan na lamang nila ang mga ito ng grocery at direkta na rin ang pagbabayad ng renta ng bahay at iba pang bayarin.

Nagsimula na ring mag-usap-usap ang magkakapatid at naging dahilan ito upang magkalapit-lapit sila.

Advertisement