
Ikinagagalit ng Binata ang Pakikipagkita ng Ina sa Ama na Nanloko sa Kanila; Nang Ipagtapat ng Ginang ang Kaniyang Lihim ay Nagbago ang Tingin ng Binata
“Ma, parang awa niyo na po. Huwag n’yo nang ipilit sa akin ang makipagbati kay papa. Hinding-hindi na po ito mangyayari,” wika ni Jacob sa kaniyang inang si Trina.
“Anak, ang sa akin lang naman ay kalimutan mo na ang nagawa ng iyong ama. Matagal na iyon. Natanggap ko na rin ang lahat,” paliwanag ng ina sa anak.
“Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan ang lahat ng hinanakit na dinala niya sa akin at sa inyo. Ma, bakit ba ganoon na lang kadali sa iyo na talikuran ang lahat. Hindi ba ay nasaktan kayo?” giit ng binata.
“Oo nga, anak. Pero hindi p’wedeng mabuhay na lamang tayo sa hinagpis. Patawarin mo na ang papa mo. Makipagkita ka sa kaniya kahit isang beses para magkausap kayo nang masinsinan. Gusto ka niyang makita,” pakiusap ng ina.
“Ma, huli na itong pag-uusap natin tungkol kay papa. Mahal ko kayo at gagawin ko ang lahat ng nais niyo pwera lang sa makipag-ayos sa dati niyong asawa!” galit na sambit ni Jacob.
Bata pa lamang ay nagtataka na si Jacob kung bakit dalawang beses lamang sa isang linggo kung makasama nilang mag-ina ang kaniyang amang si Melchor. Gayong ang mga kaibigan niya ay kasama palagi ang kanilang ama sa kanilang tahanan.
Madalas na sabihin ng kaniyang ina na ito ay dahil sa trabaho ng kaniyang ama. Maswerte pa nga raw siya na nakakasama niya ng dalawang beses sa isang linngo ang ama dahil may ibang bata na hindi man lamang ito maranasan dahil malayo ang trabaho ng kanilang ama.
Ngunit kahit ano ang sabihin ng ina ay hinahanap-hanap ni Jacob ang pag-aaruga sa kaniya ng kaniyang Papa Melchor. Lalo pa madalas kung nariyan ang kaniyang ama ay hindi rin nila magawang lumabas bilang isang pamilya.
Sampung taong gulang noon si Jacob nang matuklasan niya ang nililihim ng kaniyang ama nang makita niya ito sa isang mall minsan na umalis sila ng kaniyang ina.
May kasama itong ibang pamilya at nang makita sila ng ama ay hindi man lamang sila pinansin nito na tila hindi sila nito kilala. Tumindi pa ang galit ng bata sa ama ng minsan ay sugurin ng tunay na asawa ng kaniyang ama ang kaniyang ina at sinaktan ito sa sarili nilang pamamahay. Hindi na nagawa pa ng kaniyang ina na lumaban dahil sa kahihiyan.
Mula noon ay tumindi na ang hinanakit at sama ng loob na naramdaman niya sa kaniyang ama. Ipinangako niya noon sa sarili na kahit kailan ay hindi na siya magkakaroon ng kaugnayan dito.
Lumaki si Jacob sa piling ng kaniyang ina. Dalawa lamang silang laging magkasama. Nasaksihan niya ang hirap ng kaniyang ina sa pagkayod para lamang mabuhay silang dalawa at mapag-aral ang binata. Kaya nang makatapos ng pag-aaral at makapaghanapbuhay ay pinatigil na ni Jacob ang ina sa pagtatrabaho.
Ngunit sa paglipas ng panahon ay nagbabalik si Melchor at nais nitong magpakaama sa binata.
Madalas na ipakiusap sa kaniya ng ina na kitain nito ang ama ngunit patuloy ang kaniyang pagtanggi. Dahil dito ay tinigilan na rin siya ng ina dahil alam nitong kahit anong pilit niya ay matigas pa rin ang puso ni Jacob para sa ama.
Naging palaisipan naman kay Jacob kung saan nagtutungo ang kaniyang ina gayong matagal na itong umalis sa kaniyang trabaho.
“Ma, saan na naman po ang punta niyo?” tanong ng binata.
“Kikitain ko lang ang kaibigan kong si Mildred. May gusto lang siyang ipakita sa aking negosyo. Baka mamaya ay maganda. Sayang din, dagdag kita,” tugon ni Trina.
“Hindi niyo na po kailangan pang magtrabaho, ma. Ako na po ang bahala,” sambit ng anak.
“Hayaan mo na at naiinip kasi ako sa bahay. O siya, kailangan ko ng umalis, anak. Babalik ako kaagad,” saad pa ng ina.
Alam ni Jacob na may itinatago ang kaniyang ina. Dahil sa dalas ng pag-alis nito ay naisipan ni Jacob na sundan ang kaniyang Mama Trina.
Nagulat ang binata ng makita ang kaniyang ina na nagtungo sa isang ospital.
“Ang akala ko ba ay pinupuntahan niya ang kaibigan niyang si Mildred para sa kanilang negosyo? Anong ginagawa niya rito sa ospital?” tanong nito sa sarili.
Agad niyang sinundan ang ina. Pumasok ito sa isang silid at nang tangkain niyang pumasok din ay laking gulat niya ng makita ang ina na inaasikaso maiigi ang kaniyang amang nakaratay.
“M-ma, anong ibig sabihin nito? Sa buong pagkakataon na ito ay dito lang pala kayo nagpupunta? Bakit nagawa niyong magsinungaling sa akin?” galit na sambit ni Jacob.
“Anak, makinig ka muna sa akin. Patawarin mo ako kung naglihim ako sa’yo. Pero kailangan ako ng papa mo. Malubha ang kalagayan niya,” tugon ng ina.
“Matagal na akong nagsisinungaling sa iyo, anak. Hindi talaga ako nagtatrabaho noon. Pinupuntahan ko sa kaniyang bahay ang iyong ama upang asikasuhin siya noon. Ang lahat ng ginagastos natin at lahat ng pinangpaaral ko sa iyo ay galing sa iyong ama,” pag-amin ng ina.
“Nang maaksidente kasi ang iyong ama ay iniwan na siya ng kaniyang tunay na pamilya dahil pabigat na raw siya. Mabuti na lamang ay hindi naisalin lahat ng kaniyang unang asawa ang lahat ng ari-arian ng ama mo sa pangalan niya. Noong araw na maaksidente din ang papa mo ay babalik sana siya sa atin para tuluyan na niya tayong makasama. Ipinaglaban tayo ng papa mo,” wika pa ng ginang.
“Kaya madalas kong ipakiusap na patawarin mo na ang papa mo dahil palala na ng palala ang kalagayan niya. Ayokong maubusan kayo ng oras. Gusto kong maramdam mo na kahit paano ay buo ang pamilya natin at mayroon kang ama. Hindi ko magawang magalit sa kaniya dahil siya lang ang lalaking minahal ko at masaya ako na siya ang minahal ko dahil ikaw ang naging bunga ng aming pagmamahalan,” umiiyak na pahayag ni Trina.
Hindi na napigilan pa ni Jacob na tumulo ang kaniyang mga luha. Dahan-dahan siyang lumapit sa kaniyang ama at tinignan ang kalagayan nito. Nang makita ang ama ay hindi na napigilan pa ni Jacob na yakapin ang ama sa tindi ng kaniyang pangungulila.
“Kay tagal kong hinintay na muli kong mayakap ang bunso ko,” hirap man sa pagsasalita at paggalaw ay pinilit ni Melchor na hagkan din ang anak.
“Pa, patawad po kung hindi ko nagawang patawarin kayo kaagad. Nagsisisi ako na ngayon lang tayo nagkaroon ng panahon. Patawarin po ninyo ako, pa,” sambit ng binata.
Sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang nawala ang poot sa dibdib ni Jacob. Tinapos ng mga yakap na iyon ang mga taon ng pangungulilang natabunan ng galit at sama ng loob.
Mula noon ay nakatuwang na ni Trina si Jacob sa pag-aalaga sa kaniyang ama. Sa hindi maipaliwanag na pagkakataon ay unti-unting bumuti ang kalagayan ng kaniyang Papa Melchor at tuluyan na itong naiuwi sa kanilang tahanan.
Binigyan pa ng isang pagkakataon sina Melchor, Trina at Jacob upang mabuo muli ang kanilang pamilya.