Kinatakutan ang Bahay sa Kakahuyan Dahil sa Aswang; Ngunit Iba ang Natuklasan ng Dalaga

“Alam niyo na may aswang daw na nakatira diyan sa bahay na ‘yan?” bulong ni Lala sa mga kaibigan bago inginuso ang malaking bahay sa kakahuyan.

“Ano ba naman ‘yan, Lala, tigilan mo nga ‘yang pananakot at kinikilabutan ako!” natatarantang naglakad nang mabilis si Sierra.

Natawa na lang si Lala. Sa kanilang pagkakaibigan kasi, ito ang pinakamatatakutin.

Tumitiling nagtakbuhan ang magkakaibigan. Napatigil naman ang paa ni Lala dahil tila isang matandang mahaba ang buhok na nakasuot ng puti ang sumilip sa bintana.

Mariing ipinikit ni Lala ang kaniyang mata at nanindig ang balahibo niya nang makitang wala na ang babae sa kaniyang pagmulat. 

Takot na hinabol niya ang mga kaibigan na malayo-layo na ang distansya mula sa kaniya.

Simula pagkabata ay marami nang istorya ang narinig niya mula sa matatanda sa kanilang baryo. Mayroong istorya na alam niyang panakot lang, ngunit may mga istorya rin na pinaniniwalaang totoong nangyari.

Kagaya na lamang ng malaking bahay sa kakahuyan na nag-iisa lamang. Ayon sa mga kwento, isang matandang babae na pinaniniwalaang aswang daw ang naninirahan doon.

Advertisement

Paano ba naman, mukha talagang haunted house ang lumang bahay kaya talagang nakakatakot.

Walang kailanman na nagtangkang lumapit sa bahay na iyon dahil kung sinuman ang magtangkang gumawa ng masama doon ay napapahamak, ayon sa sabi-sabi. 

Ipinilig ni Lala ang ulo nang muling maisip ang babaeng nakita niya mula sa bintana.

“Marahil ay namalikmata lang ako.” Iyon ang nasa isip ni Lala bago siya tuluyang hinila ng antok.

Sabado kaya walang pasok. Naglalakad pauwi si Lala mula sa pagtitinda ng prutas sa palengke. Gusto niya kasi makatulong sa panggastos dahil matanda na ang lola niya at hirap na ito sa paglalabada.

Umihip nang malakas ang hangin. Muling nanindig ang kaniyang balahibo nang mapansing malapit na siya ng bahay sa kakahuyan.

May narinig siyang kaluskos mula sa kaniyang likuran. Kahit kabado ay dahan-dahan niyang nilingon ang likuran.

Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang isang matandang babae na hirap na hirap sa pagbitbit ng mga pinamili nito.

Advertisement

“‘Nay, tulungan ko na po kayo!” agaran niyang pag-aalok ng tulong sa matanda.

Agad siyang tiningala ito “Naku, hija, hindi na! Nakakahiya naman sa ‘yo.” Kimi itong ngumiti.

“Hindi po, ayos lang, malakas po ako!” Nginitian niya pa ang matanda upang tiyakin dito na bukal sa loob niya ang pagtulong.

Todo ang pasasalamat ng matanda habang inaaabot sa kaniya ang mga pinamili nito. 

“‘Nay, taga-rito po ba kayo? Parang ngayon lang po ang unang beses na nakita ko kayo dito sa baryo natin?” Maya maya ay ‘di napigilang usisa ni Lala sa matanda.

“Oo, matagal na ako rito. Hindi lang ako masyadong lumalabas dahil madalas na ako manghina,” sagot naman ng matanda. 

Akmang itatanong ni Lala kung saan nakatira ang matanda nang lumiko ang matanda papunta sa kakahuyan. Nanlaki ang mata ni Lala. Tila ito yata ang aswang na nakatira sa bahay.

Malakas ang kabog ng dibdib ni Lala habang binabagtas nila ang daan papunta sa bahay ng matanda.

Advertisement

Nahihiya naman siyang bawiin ang tulong na inalok sa matanda. Isa pa, may kabigatan talaga ang dala nito at alam niyang mahirap ito para sa isang matanda.

Maya-maya pa ay nakarating na sila sa bahay ng matanda. 

“Naku, hindi na po, kailangan ko na din po umuwi.” Alanganing tanggi ni Lala nang ayain siya ng matanda na pumasok sa loob ng bahay.

“Ay, ganun ba, hija? Nakakalungkot naman, napakatagal na kasi na panahon ang lumipas simula nang magkaroon ako ng bisita…” Hindi naitago ng matanda ang lungkot sa tinig nito.

Tila kinurot naman ang puso ni Lala. Bago pa man niya mapigilan ang sarili ay napaunlakan niya na ang imbitasyon ng matanda.

Agad na nanlaki ang mata ni Lala nang makita ang loob ng bahay. Malayong-malayo ito sa itsura ng bahay mula sa labas.

Pawang mamahalin at antigo ang mga kasangkapan at dekorasyon sa bahay ng matanda.

“Wow! Ang ganda po ng bahay niyo! Malayong-malayo sa panlabas na anyo ng bahay, ‘nay!” tuwang-tuwa puri ni Lala sa bahay.

Advertisement

“Gusto mo ba makita ang buong bahay?” nakangiting alok ng matanda.

Excited na tumango si Lala.

Mula sala hanggang kusina ay lulang-lula si Lala sa mga nakikita. Lumaki kasi siya sa hirap.

Bagaman antigo ang mga kasangkapan ng matanda ay hindi iyon nakabawas sa ganda ng bahay.

Nang mapadpad sila sa kwarto ng matanda ay hindi niya maiwasang mapagtuunan ng pansin ang mga larawan na maka-frame sa mesa.

Naagaw ang atensiyon niya ng isang litrato. Sa hinuha niya ay iyon ang pamilya ng matanda. May mag-asawa at tatlong bata sa larawan.

“‘Nay, pamilya niyo po?” di mapigilang usisa ni Lala.

“Oo.” May lungkot na sumungaw sa mga mata ng matanda.

Advertisement

“Nasaan na po sila?”

“Matagal nang pat*y ang asawa ko. Ang mga anak ko ay may kaniya kaniyang pamilya na. Nalimutan na nila ako.” Pagak na tumawa ang matanda.

Binalot ng lungkot ang puso ni Lala. Ramdam kasi niya ang pangungulila ng matanda sa mga mahal nito sa buhay.

Ang lahat ng silid ay napasok ni Lala maliban sa isa. Ang sabi ng matanda ay iyon lamang daw ang kaisa-isang silid sa buong bahay na hindi napapasok ng bisita.

Muling naalala ni Lala ang usap usapan na aswang ang matanda subalit agad niya iwinaksi iyon.

“‘Nay, bakit po pala hindi niyo ipagawa ang labas ng bahay?” kuryosong tanong niya.

“Lala, nag-iisa lang ako dito, at ayoko naman na pag-interesan ng masasamang loob ang bahay ko. ‘Pag nangyari iyon, walang tutulong sa akin,” malungkot na paliwanag ng matanda.

Tumango-tango si Lala, agad na naunanawaan ang ipinupunto ng matanda.

Advertisement

Marami pa silang napagkwentuhan ng matanda. Napagtanto niya na hindi ito isang aswang, kundi isang matanda na nalimutan na ng pamilya nito kaya namumuhay mag-isa.

Nang araw na iyon, isang magandang pagkakaibigan ang nabuo sa pagitan ni Lala at Nanay Mila.

“Palaging bukas ang pinto ko para sa ‘yo, hija. Sana ay bisitahin mo akong muli.” Wika ng matanda nang magpaalam si Lala.

Nakaramdam ng awa si Lala sa matanda na nag-iisa sa buhay. Kaya naman sa tuwing may oras siya ay binibisita niya ang matanda upang makinig sa mga kwento nito, o ‘di kaya ay kwentuhan ito. 

Tinutulungan niya ang matanda sa mga gawaing bahay lalo pa’t alam niya na mahina na ito.

Madalas niya ring ikwento sa matanda ang mga pangarap niya, na hirap siyang maabot dahil sa kahirapan ng buhay nila ng kaniyang lola.

“‘Magsikap ka lang, Lala. Pasasaan ba’t bibiyaan ka din ng Lumikha,” ang madalas na payo ng matanda.

Mabilis na lumipas ang mga buwan, at lalong napatunayan ni Lala na mali ang ibinibintang ng mga tao sa matanda. Nang sabihin niya sa matanda ang tsismis ukol dito ay isang matunog na halakhak lamang ang isinagot nito.

Advertisement

“Hija, maraming salamat ha… kung wala ka ay tiyak na napakalungkot na naman ng buhay ko. Binigyan mo ng sigla ang mga nalalabi kong araw sa mundo.” Isang araw ay wika ng matanda.

“Nanay Mila, masaya rin po ako na nagkaroon ako ng ikalawang lola. Isa pa, gustong-gusto ko po dito dahil masarap kayo magluto!” Biro niya rito.

“Saka ‘wag mo sabihin ‘yan, ‘nay! Madaming araw pa ang ilalagi ninyo sa mundo,” nakangiting wika niya sa matanda.

Hindi niya alam na iyon na pala ang huling pagkakataon na makakausap niya ang matanda. Kinabukasan ay ginulat na lamang siya ng balita na pumanaw na si Nanay Mila.

Labis-labis ang pagtangis ni Lala sa pagkawala ng matanda. Sa maikling sandali ay napalapit ang loob niya sa matanda. Labis ang panghihinayang niya na hindi niya na ito makakasama pang muli. 

Makalipas ang ilang araw ang binisita niya ang bahay ng matanda upang magpaalam. Isang sobre na may pangalan niya ang nakita niyang nakapatong sa mesa nito.

Napaluha siya nang mabasa ang sulat.

Mahal kong Lala,

Advertisement

Maraming salamat sa pagkakaibigan. Masaya akong tatawid sa kabilang buhay dala ang alaala na kasama kita sa mga huling araw ng buhay ko. Bilang ganti, ang lahat ng nasa bahay na ito ay sa iyo. Hangad kong matupad mo ang iyong mga pangarap. 

Nanay Mila

Kipkip ang liham sa kaniyang dibdib, tahimik na lumuha si Lala.

Nang usisain niya ang ibang laman ng sobre ay nagulat siya nang makita ang titulo ng lupa na kinatitirikan ng bahay na nakapangalan sa kaniya!

Nanlalaki pa rin ang mata niya nang makapa ang matigas na bagay na nakapaloob din sa sobre. Nang tingnan niya ito ay isang susi ang nakita niya.

Agad niya nilingon ang silid sa bahay ng matanda na kailanman ay hindi niya napasok.

Kumabog ang dibdib niya nang bumukas ang pinto.

Nang buksan niya ang ilaw ay hindi niya mapaniwalaan ang mga nakita – ang silid ay puno ng kayamanan!

Advertisement

May mga antigong vase, salamin, at marami pang iba.

Ngunit ang pumukaw sa atensiyon ni Lala ay ang limpak-limpak na alahas. Sa palagay niya ay milyon milyon ang halaga ng mga ito.

Muling napaluha si Lala. Sa tingin niya ay higit pa sa sapat ang ibinigay ng matanda para maabot niya ang mga pangarap, bagay na alam niyang hangad nito para sa kaniya.

Ngunit higit sa kayamanang iniwan nito, sa kaibuturan ng kaniyang puso, alam niyang ang tunay na pamana nito ay ang pagkakaibigan na kaniyang aalalahanin sa matagal na panahon.