Inday TrendingInday Trending
Sugar Daddy ang Hanap ng Dalaga Upang Makapagtapos ng Pag-aaral, Hindi Niya Lubos Akalaing Tunay na Pagmamahal ang Kaniyang Matatagpuan

Sugar Daddy ang Hanap ng Dalaga Upang Makapagtapos ng Pag-aaral, Hindi Niya Lubos Akalaing Tunay na Pagmamahal ang Kaniyang Matatagpuan

“Phoebe, ano bang pwede kong gawin? Wala na kaming pera, eh, at baon na kami sa utang dahil sa pag-aaral ko. Sigurado ako, papatigilin na ako sa pag-aaral ng mga magulang ko sa susunod na semester,” malungkot na daing ni Eve sa kaniyang kaibigan, isang araw pagkatapos ng kanilang klase, habang sila’y nagpapahinga sa kanilang tambayan.

“Gusto mo ba talagang makapagtapos ng pag-aaral? Bakit hindi ka maghanap ng sugar daddy?” biglaang tugon nito dahilan upang labis siyang mapatawa.

“Ano ba ‘yang sinasabi mo?” patawa-tawa niyang tanong dito, may kasama pang paghampas sa balikat.

“Seryoso ako! Kilala mo si Cindy? Yung bagong graduate rito? Nakapagtapos siya dahil sa sugar daddy niya!” nguso sa kaniya nito dahilan upang labis siyang mapailing.

“Eh, ayoko! Ano na lang sasabihin ng iba, hindi ba? Ayoko maging sikat dahil sa ganoong usapan!” tugon niya saka bahagyang umirap sa kaibigan.

“Bahala ka, ikaw rin, hindi ka makakapagtapos kung iisipin mo ang sasabihin ng iba!” inis na ‘ika nito saka siya iniwan dahilan upang mataranta siya’t agad na humabol sa kaibigan.

Isang kolehiyala sa Maynila ang dalagang si Eve. Nasa ikalawang taon pa lang siya sa haysul, pinangarap na niyang makapag-aral sa unibersidad na ito. Tila sumang-ayon naman sa kaniya ang tadhana dahil nang makapagtapos siya ng hayskul, sumakto ang kasagsagan ng trabaho ng kaniyang mga magulang dahilan upang magkaroon sila ng sapat na pera’t maipasok siya ng mga ito sa pangarap niyang unibersidad.

Ganoon na lang ang saya niya nang tuluyang makapag-aral doon at upang makabawi sa paghihirap ng kaniyang magulang, nag-aral siyang maigi. Wala siyang pinalampas na mga aralin, labis siyang nakikinig at nakikiisa sa lahat ng kaniyang klase at bukdo pa doon, sinisigurado niyang pasado lahat ng kaniyang mga pagsusulit upang magkatanggap siya ng mataas na karangalan sa kaniyang pagtatapos.

Ang kasipagan niyang ito, nadala niya hanggang sa makatuntong siya sa ikatlong taon sa kolehiyo. Ngunit sa kalagitnaan ng taong ito, humarap na sa krisis ang kanilang pamilya dahilan upang labis siyang panghinaan ng loob at mangamba kung makakapagpatuloy pa ba siya sa pag-aaral.

Noong araw na ‘yon, pagkauwi niya sa kanilang bahay, napaisip siya sa sinabi ng kaniyang kaibigan at dahil nga nais niyang makapagtapos ng pag-aaral, sinunod niya nga ang kaibigan.

Naghanap siya ng matandang pwedeng mahuthutan sa social media at ilang oras lang ang lumipas, matagumpay nga siyang nakahanap.

Ito’y limangpu’t limang taong gulang na, biyudo at may-ari ng isang sikat na restawran malapit sa pinapasukan niyang unibersidad.

Noong una’y takot at kabado pa siya sa gagawing pakikipagkita, ngunit nang makita na niya ang naturang lalaki, kumalma na ang kaniyang puso. Mabait kasi ito’t maginoo at isang dahilan pa upang bigla siyang kumalma, nang sabihin nitong, “Hindi katawan mo ang habol ko, ha? Gusto ko lang talaga ng may makakatuwang sa buhay. Malungkot kasing mag-isa, eh.”

Sa bawat pagsama at pakikipagkita niya rito, binibigyan siya nito ng malaking halaga’t mga regalo dahilan upang labis siyang sumaya.

Ngunit ilang araw lang ang lumipas simula nang pumasok siya sa ganitong relasyon, agad nang umingay sa kanilang unibersidad ang balitang ito na labis niyang ikinabahala dahilan upang sabihin niya ito sa kaniyang matanda at ganoon na lang siya natauhan sa sinabi nito.

“Wala naman tayong ginagawang masama, Eve. Gusto ko lang matulungan mo akong sumaya habang tinutulungan kita sa pag-aaral mo,” nakangiting sambit nito dahilan upang mapanatag siya.

Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Pakiwari niya, nahuhulog na siya sa naturang matanda.

“Bakit kasi ang bait-bait niya, eh!” inis niyang sambit, isang gabi matapos niyang makipagkita rito.

Lumipas ang mga buwan, kasabay ng pagkalat ng usap-usapan sa kaniya ang paglalim ng kaniyang pagtingin sa naturang matanda. Pilit man niyang iniiba ang direksyon ng kaniyang puso, pilit din itong kumakapit sa tunay niyang nararamdaman hanggang sa magtapat na siya ng nararamdaman dito na labis nitong ikinatuwa.

Sa kabutihang palad naman, tanggap ito ng kaniyang mga magulang dahilan upang wala na siyang itago sa mga ito. Ang dati’y planong panghuhuthot lang sa matanda, nauwi sa seryosong pagmamahalan na ikinatuwa rin ng kaniyang kaibigan.

Ilang buwan muli ang lumipas, matagumpay na siyang nakapagtapos ng may mataas na karangalan katulad ng kaniyang pangarap.

Marami pang binabatong masasakit na salita ang ibang estudyante sa kaniya, pinagtuunan niya na lang ng pansin ang matandang nagbigay buhay sa pangarap niyang muntik nang maudlot.

‘Ika niya, “Sino ba namang mag-aakalang magiging seryoso ako sa pinasok kong relasyon? Kahit ako, hindi makapaniwala. Pero, wala, eh, kapag tinamaan ka na talaga, kahit ano pang edad ng napupusuan mo, ano mang nakaraan nito’t itsura, tatanggapin mo ito ng buong puso.”

Advertisement