
Siga-sigaan sa Kanilang Lugar ang Pulis na Ito, Nanlambot Siya nang Isang Araw, May Matindi Siyang Nakabanggang Tao
“Pare, mukhang takot na takot talaga sa’yo ang mga tao rito sa barangay niyo, ha? Nakita lang tayong bumaba sa patrol kanina, nagsitakbuhan na!” patawa-tawang sambit ni Ron sa katrabaho habang sila’y mabilis na naglalakad, isang umaga nang isama siya nito sa tinutuluyang bahay upang kumuha ng makakain.
“Sabi naman sa’yo, eh, kahit mga matatandang matador dito, tumutupi kapag nakikita pa lang ako, panuorin mo ‘to,” sagot ni Kint saka pinuntahan ang isang grupong nag-iinom sa harap ng isang tindahang malapit sa kanilang bahay.
“Hoy! Hindi niyo ba ako nakita? Aba, katatapang niyong mag-inom dito, ha? At talagang malapit pa sa bahay ko!” bulyaw niya dahilan upang magsitarantahan ang mga ito sa paglilipit ng mga upuang ginamit.
“Pasensiya na po, kaarawan ko po kasi, eh, may kaunting kasiyahan lang,” kamot-ulong pangangatwiran ng isang matanda dahilan upang tumaas ang tensyon.
“Umaalma ka?” tanong niya saka hinugot ang kaniyang baril sa bewang, agad-agad naman itong umiling-iling saka tumakbo palayo sa kanila dahilan upang magtawanan sila, “Ano? Ayos ba?” patawa-tawa niyang tanong sa kasamahan tumango-tango lang ito habang hinahabol ang hininga sa kakatawa.
Bata pa lang si Kint, pangarap na niyang maging isang pulis. Naiinggit kasi siya sa tuwing makakikita ng mga pulis na nagsisiga-sigaan sa kalye at kinakatakutan pa ng mga tao. Dahilan upang ipangako niya sa sarili na balang-araw, siya naman ang katatakutan ng mga tao’t labis na rerespetuhin.
Ginawa niya ang lahat para lamang makapag-aral sa isang unibersidad pagtungtong niya ng kolehiyo. Marami siyang pinasukang raket para lang makapag-ipon ng pambayad sa kaniyang tuition. Mahirap lang kasi ang kanilang buhay, binubuhay lang siya ng kaniyang mga magulang sa pagtitinda ng mani sa simabahan dahilan upang mag-isa niyang pagsumikapan ang kaniyang pangarap.
Sa kabutihang palad, matagumpay niya ngang naabot ang kaniyang pangarap sa kabila ng hirap na kaniyang kinaharap. Nagawa niyang makapagtapos at maging isang ganap na pulis. Ngunit ang pati pangarap na magsiga-sigaan sa lansangan, kaniyang tinupad.
Naisakatuparan niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang baril na palagi niyang hinuhugot sa kaniyang bewang at hinihimas sa harapan ng mga taong ayaw sumunod sa pinag-uutos niya. Sa katunayan pa nga, sa kagustuhang niyang matakot ang mga siga-sigaang kalalakihan sa kanilang lugar, pinaputukan niya ang mga ito ng baril nang minsan siyang hamunin ng suntukan.
Labis naman niyang ikinatuwa nang magsitakbuhan ito’t sa huli, humingi ng tawad sa kaniya at naging mga alagad niya sa kanilang lugar. Dahil dito, nakilala siya sa kanilang buong siyudad at labis na kinakatakutan sa kanilang barangay.
Marami man siyang naririnig na mga tsismis sa pagiging mayabang niya, wala siyang pakialam dito. Ang tangi niyang pinagtutuunan ng pansin ay ang pangarap niyang natutupad na niya ngayon.
Noong araw ding ‘yon, matapos nilang makakuha ng pagkain ng kapwa pulis sa kaniyang bahay, agad na silang sumibat upang magpatrol sa buong siyudad. Ngunit habang sila’y naglalakad, may isang lalaking nakabangga sa kaniya dahilan upang hugutin niya ang kaniyang baril at itutok ‘to sa lalaking nakabangga sa kaniya.
“Hindi mo ba kilala kung sino ang binabangga mo?” tanong niya rito dahilan upang humarap ito sa kaniya, nanlaki ang kaniyang mata nang makilala niya ang lalaking tinututukan niya ng baril dahilan upang agad niya itong ibalik sa kanyang bewang saka sinabing, “Ay, mayor, kamusta na po kayo? Napadalaw po kayo sa barangay namin, ha?”
“Totoo pala talaga ang balita tungkol sa’yo. Maaari ko bang kuhanin ang baril at lisensya mo?” malumanay na tanong nito sa kaniya dahilan upang labis siyang kabahan.
Binigay niya nga ang hinihingi nito kahit pa alam na niya ang magiging resulta nito. Nagpasama pa ito sa presinto at doon kinausap ang pinuno ng mga pulis.
Wala pang ilang minuto, kinausap na siya ng kanilang pinuno’t sinisibak na siya sa pwesto.
“Ang mga pulis, taga-sugpo ng gulo’t krim*n, hindi taga-gawa. Pasensiya ka na, Kint, at pasalamat ka na rin, hindi ka sinampahan ng kaso ni mayor,” sambit nito sa kaniya dahilan upang labis siyang manlumo.
Wala siyang ibang magawa kung hindi ang humagulgol sa harap ng presinto. Pilit man siyang magmakaawa’t lumuhod sa harap ng kanilang mayor upang ibalik ang kaniyang lisensya, buo na ang desisyon nitong ipasibak siya.
Hindi man niya alam kung saan muli magsisimula, ang mahalaga’y natuto siyang hindi lahat ng tao, kaya niyang takutin ng kaniyang lisensya’t baril.