Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Binatang Ito ang Matagal nang Kasintahan Para sa Iniidolong Artista, Pera Lang Pala ang Habol Nito sa Kaniya

Iniwan ng Binatang Ito ang Matagal nang Kasintahan Para sa Iniidolong Artista, Pera Lang Pala ang Habol Nito sa Kaniya

“Raynold, talagang iiwan mo ako para sa artistang bigla na lang nais magpakasal sa’yo?” mangiyakngiyak na tanong ni Gwen sa binatang matagal na niyang kasintahan.

“Oo naman, sino ka ba sa inaakala mo?” pabalang na sagot ni Raynold habang abala sa pag-eempake ng kaniyang mga gamit.

“Mag-isip ka nga! Sino ba ang tumulong sa’yo maging piloto, ha? Sino ang nagpakakuba makapagtapos ka lang ng pag-aaral?” sambit nito sa kaniya dahilan upang mapailing na lang siya.

“Salamat sa mga pagsasakripisyo mo, pero tingin ko, mas yayaman ako sa kaniya. Higit pa doon, alam mo namang idolo ko ‘yon at panagarap ko ang mapakasalan siya,” tugon niya dahilan upang lalong humagulgol ang dalaga.

“Raynold naman, ano ba ‘yang sinasabi mo, ha?” hikbi nito habang pisil-pisil ang kaniyang kamay na kaagad naman niyang tinanggal.

“Basta, Gwen, ayoko na sa’yo. Tapos na tayo, hindi mo na mababago ang isip ko dahil buo na ang desisyon kong sumama sa kaniya. Hindi ka naman talo, may sapat ka na rin namang ipon dahil sa akin,” ‘ika niya pa.

“Sasama ka sa taong hindi mo alam kung ikaw ang mahal o ang yaman mo?” paninigurado pa nito.

“Oo, at wala ka nang pakialam doon,” malamig niyang sagot saka tuluyang lumisan sa pinag-ipunan nilang maliit na bahay.

Nagsimula sa “puppy love” ang pag-iibigan nila Raynold at ng kaniyang kasintahang si Gwen na napatagal nila hanggang sila’y makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng naggagandahang trabaho.

Hindi naging madali ang kanilang pinagdaan upang matupad ang kanilang pangarap na buhay ngayon. Nagawa ni Raynold na magbenta ng graham balls sa unibersidad na pinapasukan upang makapagbayad sa kaniyang tuition habang ang kaniyang kasintahan naman, nagtatrabaho sa isang restawran sa gabi at pumapasok naman sa klase sa umaga.

Literal na dugo’t pawis ang kanilang inisakripisyo para sa maalwang buhay na mayroon na sila ngayon. Kung saan bukod sa nakabawi’t nakatulong na sila sa kani-kanilang mga magulang, may sapat na silang ipong dalawa para sa kasal at pamilyang pinapangarap.

Ngunit ang lahat ng mga pangarap na ito’y bigla na lang naglahong parang bula nang makilala ng personal ni Raynold ang iniidolo niyang artista na nakasama niya sa isang pagdiriwang.

Binalewala niya lahat nang paghihirap na pinagdaan kasama ang kaniyang kasintahan para sa atraksyong nararamdaman para sa iniidolong artista.

Noong araw na ‘yon, hindi siya nagdalawang isip na sumama sa naturang artistang iyon nang minsan niyang alukin nito ng isang pribadong kasal sa Tagaytay. Hindi niya pinag-isipan ang desisyong ito basta ang tanging nasa isip niya, “Ang pinapangarap kong babae noon pa man, makakasama ko na habang buhay.”

Pumayag nga siyang magpakasal sa iniidolong artista at ganoon na lang ang sayang naramdaman niya nang mahalikan at makasiping ito.

Doon sa Tagaytay muna sila nanirahan. Naging maligaya at kontento naman siya sa buhay na mayroon siya kasama ito. Ngunit nang lumipas lang ang dalawang buwan, bigla na lang itong nanlamig sa kaniya at malambing lang kapag hihingi ng pera pambayad ng renta sa bahay na kanilang tinutuluyan, pambayad ng kuryente’t tubig at panggala nito kasama ng mga artista nitong kaibigan na labis niyang kinabahala’t pinagtaka dahilan upang kausapin niya ang talent manager nito. Labis siyang nagulat sa balitang natanggap.

“Magiging totoo na ako sa’yo, Raynold, ha? Hindi ko na siya kayang kunsintihin pa,” paunang salita nito dahilan upang labis siyang kabahan, “Nagpakasal lang siya sa’yo para makihati sa pera mo. Isang buwan bago ka niya makilala ng personal, bigla na lang siyang nalaos dahil sa ginawa niyang krim*n na hanggang ngayon, tinatago niya, sakto namang nalaman niyang idolo mo siya’t marami kang pera, kaya ayun, para magpatuloy sa buhay, ginamit ka niya. Pasensya ka na,” dagdag pa nito na labis niyang ikinapanlumo.

Halos tumugil ang mundo niya sa katotohanang narinig. Ngunit hindi pa rin siya lubusang naniniwala dahilan upang komprontahin niya pa ito at doon na nga ito umamin sa kaniya na labis niyang ikinagalit.

Noong araw ding ‘yon, agad niya na itong iniwan. ‘Ika niya bago umalis, “Hindi ko kailangan ng babaeng pera lang ang habol sa akin!” saka niya na naisip ang dalagang tumulong sa kaniyang magtagumpay, si Gwen.

Dali-dali siyang umuwi sa bahay na tinutuluyan nila noon, nakita niyang tila wala sa tamang pag-iisip ang dating masiglang dalaga dahilan upang yakapin niya ito’t lumuhod sa harap nito upang humingi ng tawad.

“Huli ka na,” tanging sambit nito saka bigla na lang bumagsak sa sahig.

Dinala niya ito sa ospital at doon labis na nanalangin. Hindi man niya maayos kaagad lahat ng gusot na ginawa niya sa pinapangarap nilang buhay ni Gwen, ang mahalaga para sa kaniya ngayon ay ang makuha ulit ang loob nito kapag ito’y muli nang nagkamalay.

Advertisement