
Ipinakilala ng Binata ang Kaniyang Nobya sa Ina; Nagulat siya nang Bigla nitong Tutulan ang Relasyon Nila
“Mom, si Mica, girlfriend ko po.” Nagmano si Mica sa ina ni Bryll matapos itong ipakilala. Pinaupo sila pareho ni Teresa upang masinsinang makausap.
Halos pagpawisan naman ang dalawa dahil sa hiya. Nasa edad labing pito pa lang sila at napakabata pa para sa ganoong relasyon pero kapwa nila nahanap ang sarili sa piling ng isa’t isa.
“Anong apelyido mo, hija?” tanong ni Teresa.
“Mica Villa Juan po,” magalang nitong sagot. Ganoon na lang kabilis ang kabog ng dibdib ni Teresa nang marinig ang apelyidong iyon.
“V-Villa Juan?” pag-uulit pa ni Teresa.
“Opo, bakit po?” Iling ang isinagot ni Teresa bago nagtanong muli.
“S-Sinong ama mo?” nanginginig ang boses ni Teresa dahil sa kaba. Natatakot siyang tama ang hinala niya na ang ama nito ay ang tunay na ama ng anak niyang si Bryll.
“Patrick Villa Juan po,” magalang pa rin na sagot ni Mica kahit na nagtataka na siya. Napatingin siya sa kasintahan niya ngunit nagkibit balikat lang ito.
Gulat na gulat si Teresa. Hindi niya inaakala na sa ganitong pagkakataon pa sila muling magkikita ng lalaking sumira ng buhay niya.
Matapos niyang mabuntis ay bigla na lamang silang iniwan nito nang walang paalam. Hindi na siya kailanman pa nagparamdam sa kaniya.
“H-Hija, nais ko sanang makausap ang iyong ama at ina, isama mo rin kung may mga kapatid. Inaanyayahan ko kayong mag-dinner sa bahay bukas. Pero, maaari bang huwag mo munang ipaalam ang pangalan ko at ng anak ko sa kanila?” Nagtataka man ay tumango si Mica. Nagulat siya sa hinihiling nito ngunit ayaw rin naman niyang maglihim pa.
Kinabukasan ay naghanda si Teresa. Alas syete ng gabi ang usapan, nakaupo siya sa pinakadulong upuan habang hinihintay ang pamilya ni Mica.
Maya-maya pa ay dumating na ang inaasahang bisita. Dinala sila ni Bryll sa dining area at doon ay gulat ang mababakas sa mukha ni Patrick. Nalungkot naman si Teresa ngunit pinili niyang huwag magpahalata.
“Salamat sa pag-imbita, Mare,” magiliw na saad ng ina ni Mica. Napangiti naman si Teresa. Nakita niya kung gaano kaganda at masayahin ang asawa ng dating nakarelasyon. May mas matanda pa kay Mica at isang batang lalaki naman ang bunso.
Naging tahimik naman si Patrick. Gulong-gulo ito sa nangyayari. Sa tuwing sasagi ang tingin niya sa anak ni Teresa ay hindi makakaila na siya ang ama nito, bagay na hindi napansin ng anak niyang si Mica.
“Girlfriend ng anak ko ang anak nʼyo,” wika ni Teresa habang patuloy na kumakain. Tumingin siya kay Patrick na ikinaiwas nito ng tingin, “At nais kong sabihin na tutol ako sa relasyon nila.”
“M-Mom,”
“T-Tita?”
Pawang nagulat ang dalawa.
“Pero bakit po?” unti-unti ng naluha si Mica. Hindi niya alam kung bakit tutol ang ina ni Bryll.
“Dahil hindi maaari,” ang baritonong boses ni Patrick ang nagsalita.
“Pero Dad,” nagmamakaawa ang boses ni Mica. Dinaluhan agad siya ng kaniyang ate na naiintindihan ang sitwasyon.
“Bakit hindi mo sabihin, Patrick?” ang ina ni Mica na ang nagtanong.
“D-Dahil…” Napatingin si Patrick kay Bryll at Teresa.
“Dahil a-anak ko rin si B-Bryll.” Nalaglag ang pagkain ni Bryll na dapat ay isusubo na. Magkatabi sila ni Mica at kapwa sila nagkatinginan sa narinig.
Nagugulat silang napatingin sa kanilang mga magulang. Natahimik ang lahat hanggang sa hindi nakayanan ni Mica ang sitwasyon, nagtatakbo siya palabas. Sinundan siya ni Bryll habang ang mga naiwan ay nanatiling tahimik.
Halos hindi alam ng dalawa kung paano sila mag-uusap. Ni ayaw nilang magdikit. Tila nandidiri sila sa kanilang mga sarili dahil sa nalaman.
“Kaya pala magaan ang loob ko sa ʼyo, Mica, ʼyon pala ay dahil kapatid kita,” nabibiglang ani Bryll sa kapatid. Hindi niya maintindihan kung bakit kahit na nasasaktan ay walang panghihinayang sa kaniyang dibdib tungkol sa nalaman.
“A-ako rin, Bryll. Kaya siguro mabilis na nagkapalagayan ang loob natin ay dahil sa lukso ng dugo at hindi sa inaakala nating pagmamahal,” dagdag naman ni Mica.
Mabuti na lamang at parehong matalino ang dalawang bata para mabilis na matukoy ang kaibahan ng kanilang mga nararamdaman. Dahil doon ay hindi naging mahirap sa kanilang mga magulang na sila ay paghiwalayin.
Humingi ng tawad si Patrick sa ina ng anak niyang si Bryll at nagsimulang bumawi sa anak. Hindi naman nagtagal ay mabilis na naka-move on ang lahat sa nangyari, laloʼt matagal naman nang nasabi ni Patrick sa asawa ang tungkol sa naging kasalanan niya rito noon.
Si Bryll at Mica naman ay itinuon muna sa pag-aaral ang kanilang atensyon at naging malapit na magkapatid ang turingan.