Inday TrendingInday Trending
Ginamit Niya ang Sikreto ng Pinsan para sa mga Sarili Niyang Kapritso; Mabubuking Pa Kaya ang Kalokohan Niya?

Ginamit Niya ang Sikreto ng Pinsan para sa mga Sarili Niyang Kapritso; Mabubuking Pa Kaya ang Kalokohan Niya?

“Hoy, Ronnie. Bakit ganyan ang porma mo? Aba’t lalaking lalaki ka ngayon ah!” nang-aasar na komento ni Allan sa pinsan nang makita itong nakasuot ng polo at pantalon.

Pormal na pormal ito, malayong-malayo sa tunay nitong katauhan.

“Kailangan ko nang masanay. Malapit na kasing umuwi si Papa, natatakot ako sa magiging reaksyon niya kapag nalaman niya kaya hangga’t kaya, itatago ko na lang muna siguro,” sagot nito na may kasamang buntong-hininga.

Nailing na lang siya. Kilala niya kasi ang ama nito, na tiyuhin niya. Mabait naman ito sa kaniya pero tindig pa lang ay nakakatakot na. Idagdag pa ang kaalaman na isa itong sundalo. Sigang-siga ang dating nito, kabaligtaran ng nag-iisa nitong anak na si Ronnie na likas na malambot at lalampa-lampa.

Bata pa lang ay tampulan na ito ng tukso ng mga kasing-edaran nila. Hindi nila ito nakakalaro noon, mas gusto kasi nitong maglaro ng manika kasama ang mga batang babae o maglagay ng kung ano-anong kolorete sa mukha kapag hindi ito nakikita ng tiyuhin niya.

Ilang taon na rin simula noong aminin nito sa kaniya na isa itong pusong babae. Ilang taon na rin niyang ginagamit ang kaalaman na iyon para mauto ang pinsan.

“Oo nga pala, aalis ako ngayon. Mag-iinom kaming magkakaibigan. Gusto mo bang sumama?” yaya niya rito.

“Ha? E paano si Lolo? Ibinilin ng Papa mo na bantayan natin siya,” tanong nito, tila problemado.

Ngisi lang ang naging sagot niya saka tinapik ang balikat ng pinsan.

“Kaya mo na ‘yan. Ikaw na ang bahala.”

Labos ang naging pagtutol nito, ngunit hindi siya nakinig at tumuloy pa rin siya sa lakad nila.

Mas gusto kasi niyang magsaya kasama ang mga kaibigan kaysa bantayan ng Lolo nila magdamag. Sigurado naman siyang walang mangyayaring masama dito. Alaga ito sa gamot at lahat ng kailangan ay mayroon ito. Nakatagal nga ito ng ilang taon, imposible naman yatang may mangyayari dito kung kailan wala siya, hindi ba?

“O, akala ko ba hindi ka makakapunta? Paano ang Lolo mo?” gulat na usisa ng kaibigan niya nang dumating siya.

“Ayos na. Ibinilin ko na kay Ronnie,” sagot niya dito na may kasamang ngisi.

“Yung pinsan mong b*kla? Ayos! Sunod-sunuran pagdating sa’yo,” kantiyaw nito.

“Wala naman siyang magagawa. Takot niya lang na isumbong ko kay Tito ang totoo niyang katauhan,” nakangising sagot niya.

Magmula pa noong bata sila, iyon ang palagi niyang banta dito para niya makuha ang gusto at para mapasunod ito sa lahat ng pabor na hinihingi niya.

“Hindi ka ba nakokonsensya, pare?” maya-maya ay tanong nito.

“Bakit naman? Wala naman akong ginagawang masama. Hindi ko naman sinasabi sa kahit na kanino hanggang ngayon. Hanggang banta lang ang ginagawa ko,” pagdadahilan niya.

“Ginagamit mo pa rin ang kahinaan niya para sa pangsarili mong interes,” giit nito.

Buong gabi siyang nagpakasaya. Nagpasasa siya sa alak at babae. Hindi niya pa nga mapapansin ang cellphone niya na kanina pa tumutunog, kung hindi lang sinabi ng kaibigan niya.

“Pare, may tumatawag sa’yo. Tingnan mo muna baka mahalaga.”

Dinukot niya ang cellphone at doon niya nakita ang sandamakmak na mensahe at tawag mula kay Ronnie. Ganoon na lamang ang kaba niya nang mabasa ang laman ng bawat mensahe.

Inatake raw ang Lolo nila at kailangan dalhin sa ospital!

Taranta siyang sumugod sa ospital. Doon niya naabutan si Ronnie at iba pa nilang mga kamag-anak na naghihintay ng resulta. Kabilang sa mga ito ay ang Papa niya na pagalit siyang nilapitan.

“Allan! Saan ka galing? Hindi ba’t ang sabi ko bantayan mo ang Lolo mo?” mataas ang boses na tanong nito.

Sandali itong huminto sa pagsasalita nang tila may mapansin. Lumapit pa ito lalo sa kaniya at tila inamoy siya.

“Galing ka sa inuman? Iniwan mo ang Lolo mo para makipag-inuman? Alam mo bang kung hindi siya naisugod ni Ronnie sa tamang oras, baka nawala na siya sa atin?” sunod-sunod nitong tanong.

Hindi siya nakapagsalita dahil noon n’ya lang nakitang nagalit nang husto ang kaniyang ama. Sinulyapan niya si Ronnie na noon ay tahimik na nakikinig sa usapan nilang mag-ama. Noon din ay nakahanap siya ng palusot.

“Sorry po, pero umalis lang naman ako kasi sabi ni Ronnie, pwede akong umalis. Kaya naman daw po niya si Lolo. Ayaw ko sana pero nagpumilit siya kaya sa huli ay pumayag ako…” paggawa niya ng kwento. Pinalungkot niya pa ang ekspresyon ng mukha niya.

Kitang-kita niya ang bumalatay na gulat sa mukha ng pinsan. Ngunit hindi na nagkaroon pa ng tyansa na magpaliwanag ang pinsan niya dahil pinukol niya na ito ng nagbabantang tingin.

Sa huli, wala na itong nagawa kundi ang tumango. Alam na alam na nito ang ibig sabihin ng tingin niya.

Sa narinig ay bumaling dito ang atensyon ng Papa niya.

“Inasahan at pinagkatiwalaan kita, pero ikaw lang pala ang kukunsinti sa pinsan mo. Makakarating ito ngayon sa Papa mo, Ronnie,” naiiling na sermon dito ng Papa niya. Maging ang mga tiyahin nila ay dismayado ang tingin na ipinupukol dito.

“Bakit mo naman sinabi ‘yun? Bakit ka nagsinungaling? Ako tuloy ang napahamak,” naghihinanakit na usisa ni Ronnie nang mapag-isa sila.

“Pasensya ka na, naipit kasi ako. Ayaw ko namang mapagalitan na naman kaya ito lang ang naisip kong paraan,” balewalang sagot niya, wala man lang bahid ng konsensya.

“Sumosobra ka na. Kaya ko pang palampasin ang mga ginagawa mo sa akin noon, pero hindi sa pagkakataong ‘to. Sasabihin ko sa kanila ang totoo, at kailangan mong managot sa pagiging iresponsable mo!” galit na pahayag nito.

Nawala ang ngisi sa labi niya. Hindi niya inaasahan na darating ang araw na lalaban ito.

“Ikaw ang bahala, pero sasabihin ko rin sa magulang mo ang totoo. Tingnan na lang natin kung anong magiging reaksyon nila, Ronnie. Siguradong ikahihiya ka nila bilang anak kapag nalaman nilang b*kla ka, lalong-lalo na ng Papa mo!” galit niyang pagbabanta.

Bago pa ito makapiyok ay isang boses na ang sumabat.

“Bakit ko naman ikahihiya ang sarili kong anak, aber?”

Nang lingunin nila ang nagsalita, namutla si Allan nang makita ang tiyuhin niyang si Rommel, ang tatay ni Ronnie. Suot pa nito ang pang sundalo na uniporme nito.

“’Pa! Bakit po kayo nandito?” namumutlang tanong ni Ronnie. Bakas sa mukha nito ang takot.

“Nalaman ko ang nangyari sa Lolo n’yo kaya napaaga ako. Ano nga pala ulit ang sinasabi ni Allan kanina, anak?” usisa nito sa pinsan niya.

Nanlaki ang mata ni Ronnie pero sa huli ay umamin din sa ito unang pagkakataon tungkol sa tunay nitong katauhan.

Sandaling nanahimik ang tiyuhin niya. Inaasahan niya na ang matindi nitong galit, ngunit sa gulat niya ay ngumiti ito.

“Anak, matagal ko nang alam at matanggal ko nang tanggap. Hinihintay ko lang na ikaw mismo ang umamin kaya ‘wag na ‘wag kang papayag na gamitin ‘yan ng iba laban sa’yo. Hindi masamang bagay ang maging b*kla, kaya ‘wag kang matakot na sumambulat ang totoo,” marahan nitong sermon habang panaka-naka siyang sinusulyapan.

Umiiyak na yumakap si Ronnie sa ama nito. Sa wakas, natapos na rin ang kalbaryo nito na dulot ng pagtatago.

Napayuko naman si Allan. Noon ay napagtanto niya na isang matinding kasalanan ang nagawa niya.

Sa huli ay nalaman ng buong pamilya ang lahat ng kalokohan niya—simula sa pananakot niya kay Ronnie hanggang sa panlalaglag niya sa pinsan.

Nasermunan siya nang husto at nangyari ang pinakakinatatakutan niya—ang ikahiya siya ng kaniyang pamilya.

“Nakakahiya ka! Iniisip mong nakakahiya ang pagiging b*kla? Mas nakakahiya ang pananamantala sa kahinaan ng iba, tandaan mo ‘yan!”

Hiyang-hiya siya sa kaniyang sarili. Magsisi man siya ay huli na ang lahat. Hindi niya alam kung paano babawi sa lahat ng nagawa niyang mali.

Advertisement