
Naniwala ang Ginang sa Nabasang Kataga Tungkol sa Pagpapabakuna, Idinamay Niya Pa ang Kaniyang mga Kapitbahay
Ngayong sandamakmak na ang mga bakunang inaprubahan upang masugpo ang pagkalat ng nakakahawang sakit na nagdulot ng pandemya, takot ang naramdaman ng ginang na si Kaye. Lalo pa nang makabasa siya ng samu’t saring hinaing patungkol sa mga bakunang ito.
“Ang lakas-lakas ng tatay ko, biglang nanghina at nawala matapos maturukan ng bakuna! Ibalik niyo ang tatay ko!”
“Simula nang maturukan ako ng bakuna, dumami ang tigyawat ko sa mukha!”
“Huwag kayong magpabakuna! Iyong tiyahin ko, nagpaturok lang kahapon, nasa kabaong na ngayon!”
Ilan lang ang mga katagang ito na labis niyang pinaniniwalaan dahilan para siya’y matakot sa pagpapabakuna. Kaya kahit kaniyang mga anak, ayaw niyang pabakuhanan.
“Nanay, hindi pupwedeng wala akong bakuna! Hindi ako makakapasok sa trabaho nang wala akong maipapakitang patunay na bakunado na ako at wala akong sakit!” singhal ng anak niyang nagtatrabaho sa isang kilalang hotel sa Maynila.
“Ano, mas importante pa sa’yo ang trabaho mo kaysa sa kalusugan mo? May trabaho ka nga, iikli naman ang buhay mo!” galit niyang payo rito.
“Tigil-tigilan niyo na nga, nanay, ang pagbabasa ng kung anu-ano sa social media! Hindi naman totoong mawawalan ka ng buhay kapag nagpabakuna ka! Sigurado akong may iniinda ng sakit ang mga iyo bago magpabakuna kaya nawalan ng buhay!” sambit nito sa kaniya na lalo niyang ikinagalit.
“Ay, basta! Hindi pa rin ako magpapabakuna! At kapag kayo, nagkasakit at nahirapan sa buhay dahil sa bakunang ituturok sa’yo, huwag kayong hihingi ng tulong sa akin!” sigaw niya pa saka ito hinayaang magpunta sa vaccination site sa kanilang lugar.
Dahil sa kabang nararamdaman para sa anak, siya’y agad na nagkwento sa mga kapitbahay niyang nakakumpol sa tapat ng kaniyang tindahan tungkol sa pagpapabakuna upang hindi lang siya ang makaramdam ng takot na ito at mapag-iwan.
“Alam niyo ba ang masamang epekto ng bakuna sa katawan ng tao? Diyos ko! May nabasa ako sa social media na maaaring matapos ang buhay mo sa gamot na ituturok sa’yo!” nguso niya sa mga ginang na nakatambay.
“Totoo ba ‘yan? Ngayon pa naman ang schedule ko sa pagpapabakuna! Huwag muna kaya ako magpaturok, ‘no?” sambit ng isang ginang na sobrang nag-aalala.
“Oo, huwag muna! Hayaan mo munang sila ang mamroblema bago tayo!” payo niya rito.
“Pero sabi naman ng anak ko, wala naman daw kailangan ipag-alala. Lahat nga ng empleyado sa kumpanya nila, bakunado na. Wala namang nawalan ng buhay o nalagay man lang sa alanganin!” kontra ni Aling Tesie na labis niyang ikinainis.
“Edi magpabakuna ka! Makikiramay na lang kami kapag nawala ka! Gusto mo sagot ko na ang isang kahon ng kape, eh!” sigaw niya rito dahilan para magtawanan ang ilang ginang at sila’y layasan ni Aling Tesie.
Dahil sa usapan nilang iyon, siya at ang mga ginang na nabigyan niya ng takot ay hindi nga nagpabakuna. Kahit anong pilit ng kanilang mga kabarangay na sila’y magbakuna, pinanindigan niya na ayaw niyang mapaturok nito. Sabi niya pa, “Hindi naman mandatoryo ng gobyerno na magpabakuna kami, bakit niyo kami pinipilit? Siguro may porsyento kayo sa bawat bakuna, ano?” dahilan para siya’y sukuan ng mga nangungumbising opisyal.
Paglipas ng ilang buwan, biglang bumaba ang kaso ng mga may sakit kaya unti-unting bumalik sa dati ang buhay sa labas. Nagbukasan na ang mga mall, pupwede nang kumain sa mga restawran, at marami pang mga establisyimento ang nagsibukasan ngunit lahat ay pupwede lamang para sa mga bakunadong mamamayan.
“Paano na tayo niyan, Kaye? Hindi tayo makalabas dahil wala tayong bakuna! Gusto naming mag-mall ng mga anak ko, hindi ako pupwede dahil wala akong bakuna! Dahil sa’yo ‘to, eh! Dinamay mo pa kami sa kat*ngahan mo!” inis na sambit ng isang ginang na labis na nagbigay kahihiyan sa kaniya.
“Mabuti na lang talaga, hindi ako naniwala sa’yo,” sabat ni Aling Tesie na habang bitbit ang sandamakmak na paper bag na tila mula ito sa isang mall.
Sasagot pa lang sana siya, agad na siyang hinila ng kaniyang anak papasok sa kanilang bahay at siya’y pinaliwaganan na hindi lahat ng nakikita niya sa social media ay totoo at dapat paniwalaan.
Dahil doon, ilang araw lang binilang niya at siya’y nagdesisyon na ring magpabakuna.
“Hindi pa huli ang lahat, mga mare, magpabakuna na tayo bago pa tayo magsisi nang tuluyan sa huli,” pangungumbinsi niya sa mga ginang na natakot niya noon dahil sa hindi totoong balitang kaniyang nabasa sa social media.
Oramismo, sila’y nagpunta sa vaccination site ng kanilang lungsod at agad na nagpabakuna. Sa awa naman ng Diyos, kaunting sinat lang ang naramdaman nilang epekto na normal lang naman, ayon sa mga dalubhasang doktor.
Dito niya lubos na natutuhan na hindi lahat ng nababasa o nakikita niya sa social media ay totoo at upang hindi na rin siya masisi at makagalitan ng iba dahil sa mga hindi totoong balitang binabahagi niya, sinisiguro na niya simula noon na totoo ang kaniyang mga nababasa at paniniwalaan.