
Gusto Niyang Matupad ng Kaniyang Anak ang Pangarap Niyang Maging Nars, Sunurin Kaya Siya Nito?
Pangarap ni Viena noon pa man ang maging isang propesyonal na nars ngunit hindi niya ito naabot dahil bago pa man siya makapagtapos ng kolehiyo, nagdalantao na siya kaagad.
Pinilit niya namang maipagsabay ang pagiging estudyante at ina, pero dahil wala siyang nakukuhang tulong mula sa lalaking nakabuntis sa kaniya noon, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang tumigil sa pag-aaral at maghanap ng trabaho.
Kaya naman, ngayong mayroon na siyang magandang trabaho at negosyo, ganoon niya na lang pinipilit ang dalaga niyang anak na tuparin ang pangarap niyang pagiging isang nars. Lalo na ngayong ilang buwan na lang, makapagtatapos na ng hayskul ang kaniyang anak.
“Kahit saang paaralan mo gusto mag-aral, anak, ayos lang! May pera na si mama para mapag-aral ka, ikaw ang tumupad sa pangarap ko, ha!” nasasabik niyang sabi rito. “Opo,” tipid nitong tugon na imbis na ikabahala niya, ikinatuwa niya pa.
Habang palapit na nang palapit ang pagtatapos ng kaniyang anak sa hayskul, halos araw-araw na niya itong kinukulit para maghanap ng kolehiyong papasukan. Ngunit kahit anong pangungulit niya, palagi lang nitong sagot, “Opo, mama, naghahanap na po ako.”
Kaya lang, matatapos na ang pagtanggap ng mga estudyante sa paaralang pangarap niya, hindi pa rin ito nakakapag-enrol.
Dito na siya nagdesisyong siya na lang ang mag-enrol sa anak.
“Baka sobrang abala lang niya talaga dahil malapit na siyang magtapos. Panigurado marami siyang kailangang ipasang aktibidad para mapatunayang karapat-dapat siyang makapagtapos,” pangungumbinsi niya sa sarili habang ine-enrol ang anak sa website ng paaralang pangarap niya.
Sa bandang ibaba ng aplikasyon, kailangan niyang magsumite ng birth certificate at ilang mga dokumento ng kaniyang anak dahilan para siya’y maghalughog sa kwarto nito.
Ngunit imbes na birth certificate ang kaniyang makita, tumambad sa kaniya ang isang sulat mula sa isang kampo ng militar na nagsasabing natanggap ang anak niya at pupwede nang magsimulang mag-training sa Baguio pagkatapos nitong mag-aral sa hayskul.
Agad na nag-init ang ulo niya nang mabasa ang sulat na ito kaya kahit may pagdiriwang itong dinaluhan para sa pagtatapos nito ng pag-aaral, dali-dali niya itong pinauwi.
“Anong ibig sabihin nito, ha? Sino’ng nagsabi sa’yong magiging sundalo ka?” galit niyang bungad dito.
“Mama, ayan po talaga ang pangarap ko noon pa man,” nakatungong tugon nito.
“Kababae mong tao, gusto mong maging sundalo? Tingin mo ba kakayanin mo ang mga pagsasanay at buhay sa kampo? Tiyak, gagawin ka lang parausan ng mga nakakataas doon!” sigaw niya rito, nagsimula na itong maiyak sa harapan niya.
“Ano naman po kung babae ako? Hindi naman ako ganoon kahina, mama, para maliitin mo nang gan’yan. Alam ko po kung paano protektahan ang pagiging babae ko,” hikbi pa nito.
“Tigil-tigilan mo ang pangangarap na maging sundalo, ha! Baka gusto mong hindi kita suportahan sa mga pangangailangan mo!” bulyaw niya pa rito saka bahagyang hinila ang buhok nito, “Malaman-laman ko lang na itutuloy mo ‘yan, hindi na kita kikilalaning anak! Ayoko magkaroon ng anak na hindi nars!” dagdag niya pa saka ito tuluyang iniwan sa kanilang sala habang umiiyak.
Sa sobrang sama ng loob niya sa anak, buong araw siyang nagkulong sa silid. Gabi na nang siya’y lumabas upang kumain. Hindi niya napigilan hindi mapangiti nang makita niyang nilutuan siya ng kaniyang anak ng paborito niyang ulam.
Ngunit, nang yayayain na niya itong kumain, hindi niya ito mahanap sa kanilang bahay. Doon na siya agad nakaramdam ng kaba at nang makita niyang wala na ang mga gamit ng kaniyang anak kasama ang sulat mula sa nakatataas na sundalo, gumuho na ang mundo niya.
Pinilit man niya itong tawagan at hanapin kahit dis oras na ng gabi, hindi niya ito natagpuan o kahit nakausap man lang.
“Magiging sundalo po ako sa ayaw at sa gusto niyo. Buhay ko po ito, mama, hindi inyo. Pasensya na po kayo,” tangi nitong sabi sa isang sulat na iniwan nito sa ilalim ng mangkok na naglalaman ng paborito niyang ulam.
Sa pagkawala ng anak, halos mabaliw siya kakaisip araw-araw kung ano na ang nangyayari rito. Hindi niya maiwasang hindi mag-alala lalo na mahina ang tingin niya sa kaniyang anak.
Mabagal na lumipas ang mga buwan para sa kaniya dahil sa pangungulila niya sa anak at isang araw, nagulat na lang siyang may isang dalagang kulay tsokolate na ang balat at maikli ang buhok ang yumakap sa kaniya habang siya’y nagdidilig ng kaniyang mga halaman.
“May sundalo ka na, mama,” bulong nito na ikinatayo ng mga balahibo niya.
“Hindi na importante kung ano’ng propesyon mo, anak, ang mahalaga, bumalik ka na sa akin,” iyak niya saka niya ito mariing na niyakap.
Dito niya napagtanto na kahit ano pa man ang propesyon ng kaniyang anak, hindi pa rin nagbago ang pagmamahal niya rito. Sinuway man siya nito, masaya siya ngayong malaman na masaya ang anak niya sa trabahong mayroon ito sa piling ng iba pang mga sundalo.
“Sabay mong dinurog at pinahanga ang puso ko, anak. Naipaintindi mo sa akin na hindi ko kailangang kontrolin ang buhay mo depende sa gusto ko at sa kasarian mo,” sabi niya pa rito kaya ito’y muling napaiyak sa harap niya dahil sa labis na pasasalamat.
Simula noon, hindi na niya muling pinilit ang anak sa isang bagay na hindi nito gusto. Bagkus, sinuportahan niya na ito sa lahat ng gusto nito sa buhay. Ito ang mas nagpatibay sa relasyon nilang mag-ina.