Natatakot Siyang Maungusan ng Pinoy na Empleyado; Ito Pa Pala ang Makapagbibigay Tagumpay sa Kaniyang Negosyo

Natatakot Siyang Maungusan ng Pinoy na Empleyado; Ito Pa Pala ang Makapagbibigay Tagumpay sa Kaniyang Negosyo

InspiringStoriesSuccess

Isa si Choi sa mga Intsik na piniling manirahan sa Pilipinas upang dito magtayo ng sariling negosyo. Pagtungtong niya pa lang sa legal na edad, kahit kakarampot lamang ang perang naipon niya, hindi siya nagdalawang-isip na sumugal sa pagnenegosyo. 

Una niyang tininda ang mga sapatos na inaangkat niya pa sa pinagmulang bansa na nabebenta niya rito sa Pilipinas nang doble ang presyo.

Ilang taon din siyang nagtinda ng mga saplot sa paa hanggang siya’y magkaroon ng sapat na pera na pinangpuhunan niya naman sa restawrang dati niya pa pinapangarap. 

Dahil dito, kumuha na siya ng mga empleyadong makakatulong niya. Kinuha niya ang dalawa sa mga pinsan niyang Intsik na naninirahan din dito sa bansa upang makatuwang niya sa negosyo. Ngunit dahil nga hindi pa sila ganoon kaalam magsalita ng Filipino noon, napilitan siyang maghanap ng isang Pilipinong empleyado.

Dito na niya nakilala si Robin, isang binatang puno ng pangarap at masigasig sa pagtatrabaho. Noong mga unang buwan ng pagtatrabaho nito sa kaniya, wala siyang ibang masabi rito kung hindi ang mga magagandang bagay dahil bukod sa tinuruan siya nito kung paano maging matatas sa pagsasalita ng Filipino, marami pa itong teknik na sinabi sa kaniya para makuha niya ang puso at atensyon ng mga Pilipino.

Kaya lang, nang makuha na nito ang loob ng dalawa niyang pinsang kasosyo niya sa negosyo, bahagya na siyang kinabahan sa kung anong maaaring magawa nito sa kaniya para siya’y mapabagsak. 

Ito ang dahilan para ganoon niya na lang ito pahirapan sa trabaho. Lalo na kapag naririnig niya itong nangangarap kasama ang dalawa niyang pinsan. 

“Malay niyo, balang araw, magkaroon tayo ng isang malaking kumpanya! Tayo ang may hawak sa lahat ng mga Chinese Restaurant dito sa Pilipinas! Kaya, huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa mga ganitong araw na wala tayong kustomer!” pagpapalakas nito sa loob ng dalawa niyang pinsang nalulungkot. 

“Hoy, Robin, linisin mo nga ‘yong pinaggayatan ko sa kusina! Ang kalat-kalat doon, wala ka man lang ginagawa!” sigaw niya rito dahilan para magmadali itong magpunta sa kusina. 

“Ay, pasensya na po, bossing. Nawili kami sa pagkukwentuhan, eh!” nakangiting paliwanag nito na lalo niyang ikinainis. 

“Kaya walang kumakain sa atin ngayon, eh! Puro kasi pagkukwentuhan ang inaatupag niyo!” bulyaw niya pa kaya pati dalawa niyang pinsan, nagawa na ring kumilos at magtawag ng kustomer sa labas ng kanilang restawran. 

Hindi lang ito ang pinapagawa niya sa binata. Kahit hindi nito trabaho, kagaya ng pagtatapon ng basura sa tambakan, pamamalengke, paglilinis ng kaniyang sasakyan at bahay, at pati paglalaba ng kanilang mga uniporme sa restawran ay pinapagawa niya na rito para lang umalis na ito sa kaniyang restawran. 

Naisip na niya itong tanggalin para masiguro na niyang makakasama niya ang mga pinsan sa pag-asenso sa buhay. Kaya lang, wala siyang makitang dahilan na paniniwalaan ng kaniyang mga pinsan. 

Ngunit kahit anong pagpapahirap niya rito, wala pa ring tinag ang binata sa pagtatrabaho. Rito na niya hiniling sa kaniyang mga pinsan na bawasan ang sahod nito para tuluyan nang umalis. 

“Hindi ba dapat pa nating taasan ang sahod niya dahil pati hindi niya trabaho, ginagawa niya?” tanong ng isa sa mga pinsan niya. 

“Gagawin niya talaga ‘yon kasi inuutos ko! Pero kapag hindi ko inuutos, hindi naman siya kumikilos! Bukod pa roon, ayoko na magkaroon ng empleyadong ambisosyo masyado! Kaya tayo naliligaw ng landas, eh, puro kasi malabong pangarap ang sinasabi niya sa inyo!” inis niyang tugon. 

“Mukhang d’yan ka nagkakamali, bossing,” sabat ni Robin na labis niyang ikinagulat, “Ito nga po pala ang mga kaibigan ko noong hayskul na mayayaman na ngayon. Gusto naming mag-invest ng pera sa restawran niyo,” dagdag pa nito saka pinapasok ang mga Pinoy na mukhang mayayaman. 

“Namin? Kasama ka?” pagtataka niya. 

“Ah, eh, opo, bossing. Kung hindi niyo natatanong, may-ari po ako ng isang pagawaan ng mga delatang pagkain. Ambisosyo pa rin po ba ako para sa inyo?” kamot-ulo nitong tugon na lalong nagpagulo sa isip niya. 

“Kung ganoon, bakit ka nagpapakahirap dito sa restawran ko?” pang-uusisa niya pa rito.

“Sa negosyo, kailangan niyo po talagang magpakahirap para maani ang tiwala ng ibang mga tao,” paliwanag pa nito na talagang nagbigay-aral sa kaniya, “Akala ko pa naman magagaling ang mga Intsik sa pagnenegosyo!” patawa-tawang singhal pa nito na ikinatawa rin ng kaniyang mga pinsan. 

Agad nga nitong sinimulan ang pamumuhunan sa kanilang restawran kasama ang ilan pang mga Pilipino at tila isang panaginip lang ang nangyari dahil ilang buwan lang ang lumipas, biglang namayagpag ang pangalan ng kaniyang restawran sa buong bansa na nagbigay ng malaking kita sa kanilang lahat.

Dito na niya inamin sa binata ang dahilan kung bakit nais niya itong tanggalin sa kaniyang negosyo. Pero imbes na magalit ito o sumama ang loob, tinapik-tapik lang siya nito sa likuran at sinabing, “Minsan, ang tinuturing mong kaaway ay ang siya pang magiging kakampi mo sa buhay.” 

Doon niya tuluyang naunawaan na ang pagnenegosyo niya ay hindi lang tungkol sa pera. Tungkol din ito sa mga katiwa-tiwalang taong makakasama mo sa pag-abot ng tagumpay.

More Stories