Hinalughog Niya ang mga Basurahan Upang Makakita ng Tansan na May Papremyo; Gumana Naman Kaya ang Teknik Niyang Ito?

Hinalughog Niya ang mga Basurahan Upang Makakita ng Tansan na May Papremyo; Gumana Naman Kaya ang Teknik Niyang Ito?

InspiringStoriesSuccess

Hindi naman siya tamad, pero hanggang ngayon, hindi pa rin makausad sa buhay ang binatang si Ken. Wala pa rin siyang sapat na pera upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya. 

Para sa kaniya, bawat araw ay isang gyera. Hindi niya alam kung siya ba ay makapag-uuwi ng makakain para sa kaniyang pamilya o hindi dahil hindi niya naman kontrolado kung magkano ang kikitain niya sa pagtatapon ng basura ng ibang tao at pagbebenta ng kalakal. 

Minsan, kahit ayaw niyang kuhain ang mga tirang pagkaing nakikita niya sa basurang pinapatapon sa kaniya, nagagawa niya pa rin ito para lang matugunan ang pagkulo ng tiyan ng kaniyang ina na may problema na sa pag-iisip dulot ng depresyon at ng kaniyang mga kapatid na siya lang ang tanging inaasahan.

“Kuya, bakit may kagat ‘tong mga manok? Pwede pa ba itong kainin?” walang muwang na tanong ng kapatid niya nang makita ang mga manok na kinuha niya sa basurahan. 

“Oo naman, bunso! Lulutuin lang ulit ni kuya ‘yang mga ‘yan tapos pupwede na ‘yang kainin!” sabi niya rito saka agad na hinugasan ang mga manok.  

“Masarap pa rin ba ‘yan, kuya? Matagal pa ba ‘yang maluluto? Gutom na gutom na ako, eh,” pang-uusisa pa nito. 

“Ako ang magluluto, tiyak, masarap ‘to! Maglaro-laro ka muna roon sa labas para maaliw ka, mabilis lang ‘to!” payo niya rito na agad naman nitong sinunod. 

Nang mahugasan na niya ang mga tirang manok, naisip niyang i-adobo na lang ito. Kaya naman, siya’y agad na nagtungo sa kalapit na tindahan para bumili ng tinging suka at toyo.

Habang siya’y binebentahan ng tindera, narinig niya sa radyong pinakikinggan nito ang tungkol sa isang bagong labas na produkto ng energy drink. May sampung takip daw ng energy drink na may nakasulat na “1M” at kapag ito’y nakuha mo, magkakaroon ka ng isang milyong piso na talagang ikinagulat niya.

“Totoo po ba ‘yon, manang? May papremyong makikita sa takip ng energy drink na iyon?” paninigurado niya. 

“Paniguradong totoo ‘yon, hijo, gusto nilang ipakilala sa tao ang bagong produkto, eh. Kaso nga lang, mahal ang isang bote no’n! Tiyak, mayayaman din ang mananalo sa palarong iyan!” tugon nito saka iniabot ang binili niyang toyo’t suka.

“Magkano po ba ang isang bote no’n?” tanong niya pa. 

“Dalawang daang piso. Naeenganyo kang bumili, ano? May pambili ka ba no’n?” sagot nito. Napailing na lang siya dahil alam niyang hindi naman niya kayang gumastos nang ganoon kalaki para sa tyansang manalo.

Habang siya’y nagluluto, nag-iisip siya ng paraan paano makakasali sa palarong iyon nang wala siyang ginagastos na pera.

Hanggang sa dumaan sa isip niya na ang lahat ng bote ay maaari niyang makita dahil nga siya’y isang basurero. 

“Kung titiyagain ko lang ang mga bote at takip na makikita ko sa basurahan, may kaunti akong pag-asa na manalo!” sabi niya sa sarili. 

“Mukhang malabo ‘yan, kuya, sikat ang palarong iyon. Sigurado akong lahat ng tao’y magiging maingat sa pagtatapon ng mga boteng iyon,” sabat ng pangalawa niyang kapatid na kakatapos lang paliguan ang kanilang ina. 

Napaisip man siya sa sinabi ng kapatid, tinuloy niya pa rin ang kaniyang plano. Hinalughog niya pa rin ang mga basurang nakukuha niya mula sa mayayamang tao sa pagbabakasaling makaligtaan ng mga ito ang takip na babago sa buhay niya. 

Pati basurahan ng mga convenience store kung saan nabibili ang energy drink na iyon, kaniya na ring hinalughog upang makatagpo ng naturang takip. 

“Kalokohan nga yata ang naiisip kong paraan para manalo ng isang milyong piso. Sino nga ba naman ang makakaligta sa swerteng iyon?” sambit niya habang nakaupo sa tabi ng basurahan.

Kaya lang, bago pa siya tuluyang mawalan ng pag-asa at umalis sa tabi ng basurahang iyon, may isang matanda ang biglang nagtapon ng bote ng energy drink na hinahanap niya. 

Dali-dali niyang kinuha ang boteng iyon at nang makita niyang may takip pa ito, kahit na siya’y kabado, agad niyang tiningnan ang nakasulat sa loob nito. 

Nang makita niyang may nakasulat ditong “1M” pilit niyang tinago ang sayang naramdaman upang hindi siya makita ng matandang nagtapon.

“Sabi na nga ba, eh, may pag-asa ang naisip kong plano!” wika niya sa sarili saka hinalik-halikan ang takip ng energy drink na iyon. 

Ngunit, nang muli niyang tingnan ang matandang nagtapon ng naturang bote, nakita niyang may tungkod na ito at tila mahina na ang paningin. Nakita niya pang nagpasama ito sa isang tambay para makatawid nang ligtas sa kabilang kalsada dahilan para siya’y makonsensya. 

“Mukhang kailangan din ni tatang ang perang papremyo para magamot ang mata niya. Sabihin ko kaya sa kaniyang nanalo siya?” tanong niya sa sarili at nang makita niyang nadapa ang matanda dahil sa batong hindi nito nakita, roon na siya nakapagdesisyon kung anong gagawin niya, “Oo, tama, kung tutuusin, wala naman talaga akong karapatan sa tansan na ito,” sabi niya pa saka agad na tumakbo palapit sa matanda. 

“Tatang! Tatang! Nanalo po kayo ng isang milyong piso dahil sa takip ng energy drink na ininom niyo!” balita niya rito. 

“Talaga? Paano mo naman nalaman ‘yan, hijo?” tanong nito. 

“Ah, eh, napakinggan ko lang po sa radio ng kapitbahay namin. Sayang po ‘to, tatang, ipapalit niyo po ito para mapagamot niyo na ang mata niyo!” tugon niya. “Hindi mo ba kailangan ang perang kapalit niyan?” tanong pa nito. 

“Sa totoo lang po, kailangang-kailangan ko po. Kaya po ako nagbubungkal ng mga basurahan. Kaya lang po kasi, hindi naman ako ang bumili nito at tingin ko po, mas kailangan niyo ‘to para makita niyo pa ang ganda ng mundo,” paliwanag niya. 

“Nakakatuwa ka naman, hijo. Salamat sa mabuti mong puso, ha? Pero kasi wala na talagang pag-asa ‘tong paningin ko. Kaya nga naging desperado na ako sa pagpapakilala sa produkto ko. Gusto ko bago ako tuluyang mawalan ng paningin, makita kong sumikat ang energy drink na gawa ko,” kwento nito na ikinagulat niya. 

“Ano po? Kayo po ang may gawa ng energy drink na ‘to?” paninigurado niya. 

“Oo, at ako ang may-ari ng kumpanya, hijo,” nakangiti nitong tugon saka siya agad na pinasakay sa magara nitong sasakyan kasama ang ilan nitong tauhang naghihintay sa loob. 

Doon na tuluyang nagbago ang buhay niya dahil hindi lang isang milyong ang binigay ng matanda. Binigyan din siya nito ng trabaho sa naturang kumpanya, pinagamot ang kaniyang ina, at pinag-aral ang kaniyang mga kapatid.

“Kakaunti na lang sa mundong ito ang mga taong katulad mo. Masaya akong makita at makakilala ng isang katulad mo bago ako tuluyang mabulag,” wika pa nito na labis niyang ikinatuwa.

More Stories