Inday TrendingInday Trending
Nagtampo Siya sa Asawa nang Hindi Siya Nito Mabili ng Bagong Sapatos; Naiyak Siya nang Makita ang Pagsasakripisyo Nito para sa Kanilang Pamilya

Nagtampo Siya sa Asawa nang Hindi Siya Nito Mabili ng Bagong Sapatos; Naiyak Siya nang Makita ang Pagsasakripisyo Nito para sa Kanilang Pamilya

Nawili sa pagzu-Zumba ang ginang na si Alita. Ang lahat ng kinikita niya sa paglalaba at paglilinis ng kuko ng kaniyang mga kapitbahay ay madalas napupunta lamang sa hilig niyang ito. Bukod sa bente pesos kada araw na bayad niya sa nagtuturo ng sayaw sa kanila ng kaniyang mga amiga, bumibili pa siya ng mga damit pangsayaw na teterno sa mga ito.

Habang ang kaniyang asawa na isang construction worker na nadedestino kung saan-saang lugar ang siyang sumasagot sa lahat ng gastusin nila sa bahay partikular na sa kanilang pagkain, mga bayarin katulad ng tubig at kuryente, at pati na rin ang baon sa eskwela ng kanilang mga anak.

Ngunit kahit alam niyang gipit na ang kaniyang asawa sa lahat ng gastusin nakapatong sa balikat nito, panay pa rin ang ungot niya rito ng bagong sapatos na katulad sa kaniyang mga amiga.

“Alam ko namang malaki-laki ang bigay sa’yo ng foreman niyo. Lalo na’t ikaw ang gumagabay sa mga karpintero at pintor doon! Kaya ibili mo na ako ng sapatos! Ako na lang ang nakakasira sa grupo namin, eh! Tingnan mo ‘tong sapatos ko, kulay rosas na ewan! Tingin mo babagay ‘to sa kulay dilaw at berde kong damit? Hiyang-hiya na ako kapag sumasayaw na kaming lahat!” reklamo niya rito.

“Mahal, kahit naman malaki ang kita kaysa sa ibang mga manggagawa, alam mo namang hindi pa rin ‘yon kasya dahil sa laki ang gastusin natin. Baka naman pupwedeng pagtiisan mo muna ‘yan? Hindi naman importante kung ano’ng kulay o itsura ng sapatos mo. Ang mahalaga, nakakapagbawas ka na ng timbang, nagiging matatag pa ang mga buto mo. Iyon naman talaga ang dahilan bakit ka nagzu-Zumba, ‘di ba?” malumanay nitong paliwanag sa kaniya na ikinainis niya lamang.

“Ang sabihin mo, ayaw mo lang ako ibili ng sapatos! Kapag hindi mo talaga ako nabili ng bagong sapatos sa katapusan, maghahalo ang balat sa tinalupan!” pagbabanta niya pa rito saka ito buong magdamag na hindi kinibo.

Ilang araw niya itong hindi pinansin kahit pa sila’y sabay-sabay na kumakain ng kanilang mga anak sa hapagkainan. Palagi pa siyang nagrereklamo sa uwing ulam ng kaniyang asawa kahit masarap naman ito para lang maparamdam niya rito ang sama ng loob niya.

Isang araw, napag-usapan ng kaniyang mga amiga na hapon na lang sila mag-Zumba na agad niya namang sinang-ayunan.

Pagsapit ng hapon, iiling-iling niyang sinuot ang lumang sapatos na hindi bagay sa kulay ng suot niya.

“Sapatos lang ang hinihingi, ayaw pa ibigay! Wala talagang kwentang asawa ang pinakasalan ko!” inis niyang sabi saka agad na nagtungo sa parke kung saan sila nagzu-Zumba ng mga amiga.

Ilang oras pa ang lumipas, sila rin ay natapos na sa pagsasasayaw. Habang nagpapahinga, nagyaya ang isa sa mga ginang na kasama niya na maglakad-lakad upang patuloy na matagtag ang taba sa kanilang katawan.

Kaya lang, habang sila’y naglalakad, napansin niya ang isang pamilyar na pick-up truck sa tapat ng isang kainan.

“Teka, ito ang sasakyang sinasakyan ng asawa ko’t ibang trabahador para makapunta sila sa bahay na gagawin nila, ha? Ngayon alam ko na kung bakit hindi niya ako mabilhan ng bagong sapatos! Ginagastos niya pala ang pera niya pang-good time!” inis niyang sabi saka nagmadaling pumasok sa kainang iyon upang ipahiya ang asawa.

Ngunit bago pa siya makalapit sa kainan, nakita niyang nakaupo pala sa loob ng sasakyan ang kaniyang asawa. Lalapitan niya pa lang sana ito nang bigla siyang tinawag ng mga kasamahan nitong masayang kumakain.

“Aling Alita, hindi po namin kinakawawa ang asawa niyo, ha. Palagi lang talaga siyang nagpapaiwan sa sasakyan tuwing kumakain kami. Kahit anong pilit namin sa kaniya, palaging tumatanggi ‘yan dahil marami raw kayong gastusin sa bahay,” paliwanag ng isang trabahador na ikinadurog ng puso niya.

“Bilib nga ako sa asawa niyo, Aling Alita, eh! Kahit na naririnig na namin ang pagkulo ng tiyan niya, tinatanggi niya pa rin na gutom siya para lang makaipon para sa pamilya niyo,” dagdag pa ng isa dahilan para mangilid na ang kaniyang luha.

Bago niya tuluyang lapitan ang asawa, pinauna na niya ang mga amiga sa paglalakad at nang makita niyang malayo na ang mga ito, roon na niya pinuntahan ang asawa.

“Kumakain sila roon, o, bakit ayaw mong makisalo?” tanong niya rito na ikinagulat nito.

“Naku, kakain din naman tayo sa bahay, eh. Magdodoble gastos lang ako. Busog pa naman ako, eh,” kamot-ulo nitong sabi.

“Halika, kumain tayo kasabay nila. Ililibre kita! Mukhang masarap ‘yong pares na kinakain nila, eh,” giit niya.

“Huwag na, mahal, sa bahay na lang tayo kumain kasabay ang mga anak natin. Iyong perang gagastusin mo, ipandagdag mo na lang dito para makabili ka na ng sapatos mo,” sambit nito saka iniabot sa kaniya ang isang sobreng naglalaman ng buong sahod nito, “Pasensya ka na kung natagalan, ha. Binabalanse ko lang talaga ang perang mayroon ako para hindi tayo magutom,” dagdag pa nito kaya tuluyang umagos ang luha niya.

Napagtanto niyang sa labis na kagustuhan niyang makisabay sa mga mayayaman niyang kasamahan sa Zumba, nahihirapan at nagmumukhang kawawa na ang kaniyang asawa.

“Salamat, maraming salamat, mahal!” iyak niya, “Pero hindi ko na ‘yan matatanggap. Pasensya ka na, ngayon lang ako nagising sa mali kong pagtingin sa’yo. Ang swerte ko na ikaw ang asawa ko,” sambit niya pa saka agad na niyakap ang asawa.

Naghiyawan man at todo sa panunukso ang mga trabahador na nakakita ng eksenang iyon, hindi niya ito pinakinggan at pinansin dahil sa mga minutong iyon, gusto niya lang na maparamdam sa asawa ang pagmamahal na dapat nitong maramdaman.

Mula noon, ni minsan, hindi na siya humingi sa kaniyang asawa. Tumigil na rin siya sa pagzu-Zumba at mas piniling tumulong sa gastusin nila sa bahay. Mas minabuti niyang magsayaw na lang mag-isa sa kanilang bahay kaysa gumastos pa araw-araw.

Labis itong ikinatuwa ng kaniyang asawa at ganoon na lang din gumaan ang buhay nila kahit papaano dahil parehas na silang nagtutulungan sa gastusin ng kanilang pamilya.

Advertisement