Ubod nang Istrikta at Araw-araw Nanenermon ang Guro; Mapasunod Niya Kaya ang Kaniyang mga Estudyante?

Pagpasok ni Krista sa faculty room ay awtomatikong tumigil ang mga kapwa niya guro sa pagbubulungan.

Pigil na pigil niya ang mapailing. Halatang-halata naman kasi na siya ang pinag-uusapan ng mga ito.

“Kung makapagtsismisan, akala mo hindi mga guro,” sa isip-isip pa ng dalaga nang maupo siya sa kaniyang pwesto.

Maya-maya lang ay nilapitan siya ni Miss Melanie, isa sa mga gurong mas matanda sa kaniya.

“Miss Krista, kumusta? Kanina, nadaanan ko ang klase mo. Mukhang nanermon ka na naman kanina, ah?” usisa nito.

Pilit na ngiti ang ginawad niya sa babae bago napilitang sumagot. Ayaw niya rin naman kasi itong bastusin kahit pa alam niya namang tsismis lang ang nais nitong masagap.

“Opo, Miss Melanie. Pagdating ko kasi sa klasrum, ang kalat. Ayun, pinaalalahanan ko lang ang mga bata na dapat panatilihin nilang malinis at maayos ang klasrum, dahil parang pangalawang bahay na nila ‘yun,” pahapyaw na kwento niya.

Natawa ito, tila nang-uuyam.

Advertisement

“Naku, Miss Krista. Bago ka kasi kaya hindi mo alam. Ang eskwelahan na ito, hindi pinipilit ang mga bata na maglinis. May tagalinis naman kasi tayo,” anito.

Agad na tumaas ang kilay ni Krista. 

“Alam ko naman ‘yun, Miss. Pero hindi ibig sabihin noon ay hindi natin pwedeng paalalahanan ang mga bata,” mahinahong katwiran niya kahit ang totoo ay kumulo ang dugo niya sa sinabi nito.

Ito naman ang tumaas ang kilay. Tila minasama ang pangangatwiran niya.

“Ikaw ang bahala. Ayaw ko lang naman na pag-initan ka ng mga bata rito. Kasi ‘yung teacher nila, bago ikaw, binully nila kasi masyadong istrikta. Ayun, hindi kinaya at umalis nang luhaan,” tila pananakot pa nito.

“Salamat po sa paalala. Pero ako ang teacher, at hindi ako takot sa ganyan. Nandito ako para turuan at disiplinahin ang mga bata. Kasi kung sa ganyang edad, kinakaya-kaya na nila ang mga teacher, paano na lang kapag tumanda na sila? Baka hindi lang pambu-bully ang gawin nila,” pagtatapos niya ng usapan.

Tila naman nakatunog ito na ayaw na niyang humaba pa ang usapan, kaya ito na ang mismong lumayo sa lamesa niya.

Subalit hindi nakaligtas sa pandinig niya ang matalim nitong pananalita.

Advertisement

“Tingnan natin kung magtagal ka!” bulong nito.

Napapailing na lang na ipinagpatuloy ni Krista ang pagwawasto ng pagsusulit ng mga bata.

Nang mga sumunod na araw ay mas lalo niyang naramdaman na tila hindi siya gusto ng mga kasamahan niya sa trabaho.

Base sa narinig niya, mukhang ayaw ng mga ito na masyado siyang “istrikta” at madalas niyang masermunan ang mga bata.

Ngunit ano ang gagawin niya kung iyon ang kinakailangan para tumino ang mga bata?

Naalala niya pa ang iilang komento ng mga ito ukol sa pamamalakad niya sa klasrum.

“Kapag kasi masyadong istrikta, hindi na nirerespeto ng mga bata.”

“Mas lalo ka lang susubukin ng mga bata kapag ganyan ka.”

Advertisement

Iisa lang ang sagot niya sa mga sinasabi ng mga ito.

“Ang mahalaga sa akin ay maiwasto ang mga baluktot na ugali ng mga bata. Hayaan nang magalit sila, o ‘di kaya ay hindi nila ako ituring na ina, o kaibigan. Ang mahalaga, matutunan nila ang tama sa mali. Dahil kakailanganin nila ‘yun sa pagtanda. Kung ang mga guro nila ay matatakot, sino ang gagawa noon?” katwiran niya.

Iyon ang naging paninindigan ni Krista. Hindi niya alintana ang malamig na pakikitungo ng kaniyang mga kasamahang guro.

Kaya naman sa huling araw ng taon iyon ay pormal na lang siyang nagpaalam sa kaniyang mga estudyante. Alam niya rin naman na hindi biro ang kaistriktihan na ipinakita niya sa mga ito. Isang maikling mensahe ng pamamaalam lang ang inihanda niya para sa mga ito.

“Gusto ko sabihin na kahit na madalas ko kayong sermunan, hindi ‘yun dahil galit ako sa inyo. Gusto ko lang na matutunan niyo ang tama sa mali dahil gusto kong magtagumpay kayo,” aniya na may tipid na ngiti sa kaniyang mga labi.

Nagulat siya nang magtaas ng kamay si Jim, ang isa sa mga pinakamakukulit.

“Alam po namin ‘yun, Miss Krista. Salamat po dahil hindi kayo sumuko sa kakulitan namin. Marami po kaming natutunan sa inyo na babaunin namin sa susunod na taon,” seryosong saad nito.

“Oo nga po, Miss Krista! Salamat po!” segunda naman ng buong klase. 

Advertisement

Pigil ng guro ang mapaluha. Ngunit nang isa-isang lumapit ang mga ito, bitbit ang mga pulang rosas na hinugot ng mga ito kung saan, ay tuluyan na siyang napaiyak.

“Sorry po kung pinahirapan namin kayo. Pero salamat po sa tiyaga n’yo sa amin,” sabi pa ni Dylan, isa ring pasaway sa mga klase.

“Ikaw po ang paborito namin teacher, Miss Krista!” ani Allison.

Tila lumobo ang puso ni Krista. Hindi niya inakala na ganoon ang naging impluwensya niya sa mga bata. Nakita pala ng mga ito ang puso niya sa likod ng pagiging istrikta niya.

Nang araw na iyon, nang pumasok siya sa faculty room, alam niya na may iba. Wala na ang bulungan na madalas niyang maabutan.

Naabutan niya ang mga ito na may pawang malalapad ang ngiting iginagawad sa kaniya.

“Congrats, Miss Krista! Isang taon ka na sa eskwelahan. Maswerte ang mga magiging estudyante mo!” komento ni Miss Melanie.

Minasdan niya ang babae. Wala ang mapang-uyam nitong ngiti. Ang nakikita niya ay sinseridad.

Advertisement

“Salamat,” sinserong sagot niya.

Napangiti siya nang matamis nang muling mahagip ng tingin niya ang mga rosas. Noon niya napatunayan na walang matigas na puso ang hindi napapalambot ng sinseridad.