Inday TrendingInday Trending
Isang Babae raw ang Bumibisita sa Puntod ng Asawa Niya sa Mahahalagang Okasyon; Ano ang Relasyon Nito sa Mister Niya?

Isang Babae raw ang Bumibisita sa Puntod ng Asawa Niya sa Mahahalagang Okasyon; Ano ang Relasyon Nito sa Mister Niya?

“Anak, akala ko ba wala nang ibang kamag-anak si Ruel?” tanong ng ina ni Michelle.

“Wala nga po. Lumaki kasi siya sa ampunan kaya wala na siyang nakilalang kamag-anak. Bakit niyo po natanong?” sagot ni Michelle sa ina.

Kita niya ang pagtataka nito. Imbes na sagutin siya ay sandali itong yumuko para kunin ang isang pumpon ng bulaklak na nakapatong sa puntod ng yumao niyang asawa at ipinakita iyon sa kaniya.

“Mukhang bagong lagay lang ito. Pati ‘tong kandila at cake,” anito.

Lumapit siya para makita ang tinuturo ng ina at totoo nga na mayroong bulaklak, kandila, at cake na nakapatong doon.

“Naku, hindi kaya nagkamali sila ng lagay? Napagkamalan yatang kamag-anak nila ang nakahimlay dito,” komento ng ina.

Natahimik siya at kunot-noong ininspeksyon ang mga iyon. May isang maliit na papel na nakasingit sa gitna ng mga bulaklak at doon ay nakasulat ang pangalan ni Ruel.

“Hindi, ‘Nay. Mukhang para sa kaniya talaga ang mga ito. Bukod dito sa papel, paborito niya ang cake na ‘yan saka ang ganitong klase ng bulaklak. Imposibleng nagkamali lang at nagkataon pang sa birthday niya mismo,” pahayag niya.

“Talaga? Kung ganon, kanino kaya galing?”

Hindi makasagot si Michelle. Maging siya ay nagtataka. Hinanapan niya ng iba pang impormasyon ang mga regalong naiwan pero wala.

“Hindi kaya may kabit si Ruel?” biro ng kaniya ina.

Agad niyang sinaway ang ina. Alam niyang hindi iyon magagawa ni Ruel.

“Pero kanino galing ang mga bulaklak?” anang makulit na bahagi ng isip niya.

“Hayaan mo na’t pagkatapos natin dito, subukan nating magtanong sa mga guwardiya o sa mga nagbabantay. Baka sakaling alam nila,” suhestiyon nito na agad niyang sinang-ayunan.

Inilapag niya sa puntod ang bulaklak na hawak, itinirik ang kandila at hinanda ang mga paboritong pagkain ng asawa niya noong nabubuhay pa ito.

Pagkatapos ay pumikit silang mag-ina para magdasal.

Ngayon kasi ang birthday nito kaya sila bumisitang mag-ina. Tatlong taon na ang nakalipas simula noong sumakabilang buhay ito dahil sa mahina nitong puso.

Malungkot man dahil hindi sila nagkasama nang matagal na panahon, masaya naman siya dahil hindi siya nag-iisa. Mayroon siyang ina na laging kasama at ang anak nila na iniwan nito sa kaniya.

“Mahal, uuwi na muna kami. Bibisitahin ka na lang namin ulit sa susunod,” paalam niya rito bago sila umalis.

Gaya ng napag-usapan, dumaan muna silang mag-ina para magtanong sa guwardiya ng sementeryo kung sino ang misteryosong bisita at nag-iwan ng mga regalo para sa asawa.

“Naalala ko po. May matandang babae po na nagtanong sa akin kung saan ang puntod ni Ruel Alcarez,” sagot ng guwardiya.

Nagkatinginan silang mag-ina.

“Matandang babae? Naalala mo ba ang itsura?” tanong niya sa lalaki.

Sandali itong nag-isip pero sa huli ay napakamot na lang ito sa ulo habang umiiling.

“Pasensya na kayo mga ma’am, mahina po ako pagdating sa ganyan. Pero kapag nakita ko po siya ulit, siguradong matatandaan ko dahil ilang beses ko na rin siyang nakitang bumisita,” sagot nito.

“Pwede po bang kapag nagpunta ulit pakisabihan naman ako? Gusto ko lang naman po siyang makilala…” pakiusap niya.

Hindi lang simpleng kuryosidad ang nararamdaman ni Michelle. Gusto niyang makita ang babae dahil gusto niyang makumpirma kung sino ba ito. Mayroon kasi siyang kutob kung sino ito. At kung tama ang kutob niya, mas lalong kailangan niya itong makilala at makausap.

“Hindi po ako sigurado kung pwede ‘yun pero sige po, susubukan ko. Pero kung gusto niyo naman po, pwede po kayong pumunta tuwing may importanteng okasyon. Naalala ko po kasi na noong Pasko at Bagong Taon siya bumisita,” suhestiyon nito.

Kaya naman nang sumapit ang Pasko, imbes na magdiwang kasama ang mga kapatid, mas ginusto niyang magpunta sa sementeryo para magbaka-sakali at bisitahin na rin ang asawa niya.

“Ma’am! Tamang-tama ang dating mo! Nakita ko siya ngayon-ngayon lang, sigurado akong maaabutan niyo pa!” bulalas ng guard.

Nanlaki ang mata niya at halos takbuhin niya ang direksyon papunta sa puntod ng asawa. Hindi naman siya binigo ng mga binti dahil sa wakas, nakita niya ang matandang babae na nakaupo sa tabi ng puntod nito.

Dahan-dahan siyang lumapit ngunit nang makita siya ng matanda ay agad na nanlaki ang mata nito. Patakbo itong lumayo noong makita siya. Sinubukan niya itong tawagin ngunit hindi ito lumilingon, kaya naman wala siyang magawa kundi ang sundan ito.

Kung hindi pa ito natalisod ay hindi niya pa ito makakadaupang-palad.

“Ayos lang po kayo?” agad na tanong niya bago ito itinayo.

“Oo. Salamat, ineng. Mauna na ako,” anito. Akmang aalis na ito nang magsalita siya.

“Nanay Ophelia? Hindi po ba’t kayo ang taong ‘yun?”

Kitang-kita niya kung paano ito natigilan. Dahan-dahan siya nitong hinarap. Kita niya ang halong pagtataka at gulat.

“Paano mo…nalaman ang pangalan ko?” tanong nito sa wakas.

“Naikuwento po ni Ruel noon ang tungkol sa tunay niyang ina. Alam niya po ang tunay niyong pangalan at ilang beses ka po niyang pilit na hinanap noong nabubuhay pa siya,” sagot niya.

Agad na namuo ang luha nito sa narinig.

“Bakit niya naman hahanapin ang ina niyang nag-abandona sa kaniya sa ampunan?” umiiyak nitong tanong.

“Dahil mahal kayo ng anak n’yo at gusto niya po kayong makasama ulit,” sagot niya habang pumapatak na rin ang luha.

“Hindi ba dapat galit siya sa akin dahil iniwan ko siya?” muli ay tanong nito.

Umiling siya.

“Hindi po siya galit. Naiintindihan niya po kung bakit kinailangan niyong umalis noon. Alam niya rin pong kahit hindi kayo magkasama, patuloy pa rin ang suporta niyo sa kaniya. Hindi po ba’t kayo ang nagpapadala ng pera sa kaniya buwan-buwan noon para sa tuition noong nag-aaral pa siya at pambayad sa ospital noong nagkasakit siya?”

Marahan itong tumango.

“Akala ko kasi galit siya sa akin kaya hindi na ako nagtangka pang lapitan siya. Ayaw ko nang ipaalala sa kaniya ang nakaraan kaya nakuntento na lang akong manood mula sa malayo…” walang patid ang pag-agos ng luhang sabi nito.

Hinawakan niya ang kamay ng matanda.

“Wala po kayong dapat ipag-alala. Nawala siya, pero hindi niya malilimot ang mga sakripisyo n’yo. Hindi kayo dapat magtago, dahil kayo ang nag-iisang ina ni Ruel, ang taong nagluwal sa kaniya sa mundong ito. Hindi na natin siya kasama, pero alam kong masaya siya sa t’wing bumibisita kayo,” may ngiti sa labi na pahayag niya.

Minasdan niya ang asul na asul na langit. Alam niyang kung nasaan man ang asawa niya ay masaya itong nagmamasid sa sarili nitong ina.

Advertisement