Inday TrendingInday Trending
Hindi Kayang Ipagmalaki ng Binata ang Kasintahan; Katwiran Niya ay Isang Maliit na Negosyante Lamang Ito

Hindi Kayang Ipagmalaki ng Binata ang Kasintahan; Katwiran Niya ay Isang Maliit na Negosyante Lamang Ito

Napangiti nang malawak si Joe nang makita ang kasintahan niya na pababa ng hagdan. Ang ganda-ganda kasi nito sa suot nitong bestida.

“Ang ganda mo,” bulong niya sa nobya, dahilan upang mapangiti ito nang matamis.

“Bolero ka talaga!” kinikilig naman tugon nito.

Hinawakan niya ang palad ng dalaga bago siya magalang na nagpaalam sa magulang nito.

“Tita, Tito. Aalis na po kami ni Red…” aniya.

“Mag-ingat kayo. ‘Wag kang iinom kung magmamaneho ka pauwi,” gaya ng dati ay paalala ng ama ng dalaga.

“Opo, Tito. Safe po sa akin si Red,” pangako niya.

Ilang sandali pa ay lulan na sila ng sasakyan. May party kasi ang kompanya nila. Sinadya niya talagang dalhin ang nobya niya dahil gusto niyang kainggitan siya, lalo na ng mga kalalakihan.

Naroon din kasi ang mga boss nila, kaya naman nais niya na magpa-impress.

“Hon, hindi kaya ako ma-out of place doon? Hindi naman ako nag-opisina kahit na kailan, kaya hindi ko alam mga pag-uusapan n’yo…” nag-aalalang tanong nito.

Sinulyapan niya ito. Bakas nga sa magandang mukha nito ang pag-aalala.

“Ayos lang ‘yun. Sabihin mo na lang na may business ka…” suhestyon niya.

Totoo naman iyon. Mayroon itong isang maliit na boutique kung saan nagbebenta ito ng mga damit na ito mismo ang may gawa.

“Okay…” mahinang sabi nito.

“Red…” tawag niya maya-maya nang may maalala.

“Bakit?”

“Kung pwede sana, ‘wag mong mabanggit na hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral…” aniya.

“Bakit naman?” kunot noong usisa nito.

“Kasi alam mo na… May inaasahan akong promosyon, hindi ba? Baka lang hindi sila magtiwala sa akin kapag nalaman nila na hindi professional ang girlfriend ko,” alanganing paliwanag niya.

Nang hindi ito magsalita ay nilingon niya ang kasintahan.

“Hon…” malambing na tawag niya sa dalaga.

“Joe, kinakahiya mo ba ako?” tanong nito.

Awtomatikong umiling siya kahit pa totoo ang sinabi nito. Kung minsan ay medyo nahihiya siya na hindi nakatapos ang nobya niya. Na wala itong maayos na trabaho. Naniniwala kasi siya na hindi praktikal na umaasa ito sa kakarampot na kita ng maliit nitong negosyo. Mas maganda pa rin kung isa itong propesyonal.

Ngunit hindi niya na isinatinig ang anuman sa mga iniisip niya. Baka lalo lang itong ma-bad trip.

Nang makarating sila sa pagdarausan ng party ay marami nang tao.

Nang makita niya ang kaniyang karibal na si Jake ay agad niyang nilapitan ang lalaki.

“Pare, girlfriend ko nga pala, si Red,” mayabang na saad niya.

Napangisi siya nang makita sa mata ng lalaki ang paghanga. Pakiramdam niya ay nakalamang siya rito.Ngunit nawala ang ngisi niya nang isang magandang babae rin ang pumulupot sa lalaki. At hindi lang iyon isang magandang babae—ang babae ay ang bunsong anak ng boss nila!

“Ito naman ang girlfriend ko, pare, si Betty.” Gaya niya ay may mayabang na ngiti rin sa labi ng lalaki.

“Kilala mo naman siguro siya, hindi ba?” tila nang-aasar na pahayag nito.

Sa sobrang inis ay hinila niya na lang palayo roon ang nobya.

“Joe, magdahan-dahan ka nga! Nasasaktan ako,” maya-maya ay reklamo ng dalaga.

Inis na hinarap niya ito.

“Gag* ‘yung Jake na ‘yun. Mayabang!” yamot na bulalas niya.

“Bakit ka ba nagagalit?” inis na ring usisa nito.

“Kasi hindi kita maipagmalaki sa iba! Ni hindi ka nakatapos ng pag-aaral, maliit lang ang negosyo mo!”

Sa sobrang inis ay hindi na siya nakapagpreno. Agad siyang nagsisi nang makita ang naluluhang mata ng nobya. Alam niya na nasaktan niya ito.

Bago pa siya makabawi sa sinabi ay isa nang lalaki ang lumapit sa kanila. Ang boss niyang si Mr. Lao. Kasama nito ang asawa nito.

“Joe, sino itong magandang dalaga na kasama mo?” usisa ng matandang lalaki.

Hinawakan niya sa siko ang nobya.

“Ah, girlfriend ko po, si Red,” pagpapakilala niya.

“Nice to meet you, hija,” magkapanabayan na wika ng dalawa.

“Nice to meet you po,” kiming sagot naman nito.

Akala niya ay aalis na ang dalawa ngunit nagulat siya nang punahin ni Mrs. Lao ang suot na bestida ng nobya niya.

“Ang ganda naman ng bestida mo, hija. Mukhang high-class at elegante. Siguro ay mahal ang bili mo. Pwede ko bang malaman kung saan mo binili?” nakangiting usisa ni Mrs. Lao.

Nanlaki ang mata ni Red bago nahihiyang ngumiti.

“Naku, ako po ang may gawa nito. Nagdi-disenyo po ako ng mga gown at mga damit. Kung gusto niyo po, igagawa ko po kayo…” alok nito sa matandang babae.

Nagningning naman ang mata nito, tuwang-tuwa sa naging sagot ni Red.

Tila nagustuhan ni Mrs. Lao si Red, dahil sa buong magdamag ay ang dalawa lamang ang naghuntahan.

“Magaling kang pumili, Joe. Mukhang mabait si Red. At may potensyal sa negosyo. Mukhang pwede ko nang ipagkatiwala sa’yo ang posisyon,” nakangiting sabi sa kaniya ni Mr. Lao.

Hiyang-hiya naman si Joe sa sarili. Sobra kung maliitin niya ang sariling nobya, gayong malaki ang tiwala ng iba sa kakayahan nito.

Bago matapos ang gabi ay sangkatutak ang naging kliyente ni Red. Puro mayayamang kaibigan ni Mrs. Lao na ang mismong lumapit dito upang magpagawa ng damit.

Pawang pareho silang nakangiti nang matapos ang party. Siya, dahil mukhang siya na ang makakakuha ng promosyon, habang ang nobya niya, dahil sa bagong yugto ng munti nitong negosyo.

Ngunit habang papauwi sila ay may sinabi ang dalaga.

“Joe, maghiwalay na tayo. Hindi tayo pwedeng magsama kung kinakahiya mo ako, kung hindi mo maintindihan na mahal ko ang paggawa ng mga damit kaya pinili ko ang daan na ito. Mahal mo ba ako? Hindi ba’t ang nagmamahal ay hindi nangmamaliit? Kundi sumusuporta?” malungkot na pahayag ni Red.

Tila may kumurot sa puso ni Joe. Aminado naman siya na masakit nga ang nasabi niya sa nobya. Ngunit bago pa siya makaimik ay nakaalis na ang dalaga. Sinubukan niya itong kausapin, ngunit buo na talaga ang loob nito na makipaghiwalay.

Makalipas ang ilang araw ay isang magandang balita ang sumalubong sa kaniya. Gaya ng inaasahan, siya na ang pinakabagong manager.

Subalit imbes na matuwa ay bumagsak ang balikat ni Joe. Napangiti siya nang mapait. Nakuha nga niya ang ninanais na promosyon, ngunit may mas mahalagang nawala sa kaniya—ang kaniyang pinakamamahal.

Advertisement