
Sumusulat ng mga Liham ang Dalagita Upang Maibsan ang Bigat ng Kaniyang Damdamin; Paano Nito Mababago ang Buhay Niya?
Napahinto sa pagbabasa si Cherrie nang walang ano-ano ay dumaloy ang luha mula sa mga mata niya.
Noong nakaraang buwan kasi ay tuluyan nang pumanaw ang kaniyang ina. Isa na siyang ulilang lubos.
Halos hindi na nga siya makapagdalamhati dahil patong-patong ang problema niya—bayarin sa ospital, bayarin sa eskwelahan, bayarin sa bahay na inuupahan niya.
Parang gusto niya nang sumuko, pero hindi niya magawa dahil nangako niya sa namayapang ina na patuloy siyang lalaban sa buhay at sisikapin niya na tuparin ang pangarap nilang mag-ina.
Kumuha siya ng papel at lapis. Nabasa niya kasi na nakakabawas daw ng bigat ng damdamin ang pagsusulat.
Ilang sandali pa ay halos mapuno na ang kanina ay blangkong papel. Inilagay niya ang iilan sa nagpapabigat ng buhay niya sa ngayon. Isa na roon ang maya’t mayang pagtawag ng ospital na naniningil.
Nang matapos magsulat si Cherrie ay tila gumaan nang bahagya ang pakiramdam niya. Pakiramdam niya ay nakabuti talaga sa kaniya ang pagsulat.
Ang papel na sinulatan niya ay itinupi niya at iniwan niya sa mesa. Ayaw niya kasi na dalhin pa ang mga sama ng loob na isinulat niya roon.
“Sana ay may makabasa. Para naman parang may nakinig na rin sa akin,” sa isip-isip ng dalagita.
Ilang oras ang matulin na lumipas sa eskwelahan. Kasalukuyang nasa klase si Cherrie nang tumunog ang kaniyang cellphone. Tumatawag na naman ang ospital.
Nahihiyang nagpaalam siya sa guro na sasagutin niya ang tawag.
“Hello po?” nahihiyang sagot niya.
“Cherrie, hija! May magandang balita!” bungad ng kahera na si Ate Delia, na napalapit na rin sa kaniya.
“Ano po?” takang tanong niya. Bakas kasi ang labis na tuwa ng babae.
“May nagbayad na ng utang niyo sa ospital! Wala ka nang dapat pang alalahanin!” anito.
Halos maibagsak niya ang hawak na cellphone dahil sa labis na gulat. Agad na tumulo ang luha sa mga mata niya. Isa nga iyong magandang balita! Pero sino ang gagawa noon?
“Hindi ko alam, hija. Hindi siya nagpakilala, eh…” anang kahera.
Hindi makapaniwala si Cherrie na mareresolba nang ganoon na lang ang problema niya sa ospital. Ngunit agad ding lumaylay ang balikat niya nang mapagtanto na marami pa siyang iisipin na bayarin.
Naglalakad siya pauwi nang mapadaan siya sa parke kung saan sila madalas tumambay ng kaniyang ina noong wala pa itong sakit.
Awtomatikong tumulo ang luha ni Cherrie. Dinala siya ng kaniyang mga paa sa hindi mataong parte ng parke na tambayan nilang mag-ina. Doon ay madalas silang maglatag at kumain ng sorbetes habang nagkukwentuhan.
Subalit hindi na niya magagawa iyon.
“Miss na miss na kita, Mama…” bulong niya bago tuluyang napahagulhol. Pakiramdam ni Cherrie ay mag-isa siya at walang ibang kakampi.
Nang matapos sa pag-iyak ay muli siyang kumuha ng papel at panulat. Isinulat niya roon kung gaano niya na ka-miss ang inang kapapanaw lang.
Kung paanong hindi man lang siya makakain ng tatlong beses sa isang araw. Kung paanong palalayasin na siya sa bahay at mapapatalsik sa eskwelahan kung hindi pa rin siya makakabayad.
Hilam man sa luha ay magaan pa rin ang dibdib niya nang matapos sa pagsulat. Kumuha siya ng bato na pang-ipit sa liham na iniwan niya sa damuhan bago siya nagpasya nang umuwi.
Kinabukasan ay nagtaka si Cherrie nang magising siya. Iyon kasi ang unang araw na hindi siya nagising sa pangangalampag ng landlady niya na si Aling Nene.
Mas lalo siyang nagulat nang ngitian siya nito nang magkasalubong sila. Noon kasi ay parati itong galit sa kanilang mag-ina dahil madalas ay huli na sila makabayad.
“Hija, kumusta ang tulog mo? Kung may kailangan ka, ‘wag kang mahihiya magsabi, ha. Pagkain man ‘yan, pera, o kung ano man. Saka ‘wag mo nang alalahanin ang renta,” magiliw na sabi nito bago siya nilampasan.
Nang usisain niya ang kasera ay wala naman itong binigay na malinaw na sagot.
Takang-taka man ay dumiretso na rin siya papasok. Doon niya nakumpirma na mayroon ngang kung sino na tumutulong sa kaniya.
Pinatawag kasi siya ng principal at sinabi nito na wala na raw siyang kailangan bayaran sa buong taon. Maging ang pagkain at kung ano-ano pang bayarin niya sa eskwelahan ay bayad na rin.
“Sino po ang nagbayad?”
Hindi sumagot ang principal. Sinubukan niya itong pigain, ngunit wala rin siyang nakuhang sagot.
Hindi maunawaan ni Cherrie ang mga nangyayari. Sino ang tumutulong sa kaniya? Isa pa, paano nito nalaman na kailangan niya ng tulong?
Nang pakaisipin niya ang lahat ay isang bagay lang ang sumagi sa isip niya—ang mga sulat! Posibleng nabasa nito ang mga sulat niya at tinulungan siya!
Kaya naman isang ideya ang naisip niya upang makilala ito. Gusto niya na makapagpasalamat man lang sa taong tumulong sa kaniya!
Isang hapon ay muli siyang nagtungo sa parke. Gaya ng plano ay muli siyang nagsulat sa isang papel at iniwan iyon sa damuhan.
Pakunwari siyang umuwi, ngunit ang totoo ay nagtago lang siya sa isang mapunong bahagi ng parke.
Ilang minuto lang ay isang may kaedarang lalaki ang lumapit ang kinuha ang liham niya. Nakita niya pa ang pagpupunas nito ng luha habang nagbabasa.
Mas lalong binalot ng pagtataka si Cherrie. Tila kilala siya ng lalaki. Sino ba ito?
Dahan-dahan niyang nilapitan ang lalaki.
Nagulat pa ito nang magsalita siya.
“Sino po kayo? Kilala po ba kayo ng nanay ko? Bakit niyo po ako tinutulungan?” sunod-sunod na tanong niya.
Hindi ito nagsalita, ngunit nanatili itong nakatitig sa mga mata niya.
“Cherrie…” garalgal ang tinig na bulong nito.
“Ako ang tatay mo. Nabalitaan ko ang pagpanaw ng nanay mo. Gusto ko lang makasigurado na maayos ang lagay mo. Natakot akong lumapit sa’yo, kaya binabasa ko lahat ng liham mo,” tila lakas na loob na pag-amin nito.
Nanlaki ang mata niya. Akala niya ay pat*y na ang ama niya! Iyon ang sinabi ng kaniyang ina!
“Pero hindi po ba’t pat*y na ang tatay ko?” naluluhang wika niya.
Umiling ang estranghero.
“May pamilya kasi ako. Marahil ayaw ng nanay mo na malaman mo pa ‘yun…” anito.
“Bakit ngayon ka lang? Bakit hindi mo kami tinulungan ni Nanay?” sumbat niya sa ama.
Mas lalong lumungkot ang mukha nito.
“Sinubukan ko. Pero masyadong malalim ang galit ng nanay mo sa akin. Hindi talaga siya tumanggap ni piso mula sa akin. Malalim kasi ang naging alitan namin noon,” kwento nito.
“Pero may isa siya hiling… ‘wag daw kitang pababayaan. Kung aalagaan kita, mapapatawad niya na ako.”
Tuluyan nang napaiyak si Cherrie. Halo-halo ang nararamdaman niyang emosyon: pagkagulat, tampo, at tuwa. Sino bang mag-aakala na may tatay pa pala siya?
“Bigyan mo ako ng tyansa na bumawi, anak. Hindi lang ang mga nakasulat sa mga liham ang ibibigay ko sa’yo, kundi lahat ng kailangan at gusto mo…” pagsusumamo ng estranghero.
Umiiyak man ay napangiti siya sa kaniyang ama. Salamat sa mga letra na nagbuklod sa kanilang dalawa.
Isang bagay rin ang napagtanto ng dalagita—sa bawat umaalis ay may dumarating.