Tumataginting na Isang Milyong Piso ang Ipinamana ng Dati Niyang Amo sa Drayber na Ito; May Nakaaantig na Kwento pala sa Likod Nito!

Kauuwi lamang ni Mang Raul nang tanghaling ’yon galing sa pinagtatrabahuhang construction site upang sana’y sumabay sa panananghalian ng kaniyang asawa’t dalawang anak. Hindi naman niya inaasahan na doon ay aabutan niya pala ang abogado ng kaniyang dating among si Don Gabriel na sumakabilang buhay na noon lamang isang buwan.

“Attorney Salvador, kayo po pala,” gulat na bati ni Mang Raul sa nasabing abogado. “Ano po’ng atin at naparaan kayo rito sa munti naming tahanan?”

“Magandang tanghali naman sa ’yo, Raul. Mukhang pawisan ka’t galing sa initan, a,” ganting bati naman nito.

“Naku, mula ho kasi nang mawala si Don Gabriel, e, nahirapan na akong maghanap ng trabaho. Gusto ko nga ho sanang mag-apply ulit bilang family driver, kaya lang ay wala namang tanggapan ngayon. Kaya heto, nagkakasya’t nagtitiis muna sa pagkokonstraksyon,” paliwanag pa niya sa nakangiting abogado bago niya ito inalok na maupo sila sa maliit na salas ng kaniyang bahay.

“Ganoon ba? Talagang malaking kawalan nga sa kaniyang mga empleyado si Don Gabriel, ano?” Naupo si Attorney Salvador sa pang-isahang upuan nilang gawa sa kawayan.

“Sinabi n’yo pa, attorney. Sa totoo lang, kahit naman istrikto ’yong si Don Gabriel, e, napamahal na sa akin ’yon. Matapang at malupit lang naman siyang tingnan pero napakabuti ng kalooban n’on,” sabi pa ni Mang Raul.

“Mabuti ka rin naman kasing empleyado sa kaniya, Raul. Sa totoo lang ay iyon nga ang dahilan kung bakit ako pumunta rito…”

Napakunot ang noo ni Mang Raul sa tinuran ng abogado. “Ano hong ibig ninyong sabihin, attorney?” tanong niya.

Advertisement

“Ngayon kasi ang araw na babasahin na ang huling testamento ni Don Gabriel at nais kitang imbitahan. Ang alam ko kasi’y halos lahat ng empleyado niya ay mayroon siyang iiwang maliit na pampalubag-loob para sa ilang taong paninilbihan n’yo sa kaniya,” paliwanag naman ng abogado.

“Pero nakuha ko na ang lahat ng benepisyo’t kabayarang dapat kong makuha, attorney. Sa totoo lang ay iyon nga ang ginamit naming pang-umpisa ng pamilya ko kaya kahit papaano’y nabili ko ang lupang kinatitirikan nitong aming bahay.” Napakamot pa sa ulo si Mang Raul.

“Iba pa ito. Sumama ka na lamang sa akin at nang malaman natin kung ano ’yon.” Wala nang nagawa ang dating drayber kundi ang sundin ang sinasabi ng abogado.

Nang makarating sila sa mansyon ni Don Gabriel ay naroon na ang lahat ng kaanak nito’t maging ang ilan sa kaniyang mga kasamahan noon na naninilbihan din sa don. Hindi naman nagtagal ay nagsimula na ang pagbabasa ng huling testamento.

Inunang banggitin ni Attorney Salvador ang tungkol sa pamana ng don sa kaniyang mga anak at apo. Pagkatapos ay sinunod nito ang pinakatapat na mga kasambahay ni Don Gabriel na pawang pinagbibigyan nito ng tig-iisang daang libong piso.

Ang buong akala nga ni Mang Raul ay ganoon din ang halagang ibibigay sa kaniya, ngunit halos matulala siya nang marinig ang sumunod na sinabi ng abogado…

“At ang pinakahuli, gusto kong pamanahan si Raul. Ang aking drayber na halos sampung taong nanilbihan sa akin nang buong katapatan, ng halagang isang milyong piso, kalakip ng pwestong pinapangarap ng pamilya nila sa palengke upang pagtayuan ng negosyong bigasan. Ito ay dahil makailang ulit kong napatunayan ang kaniyang pagiging tapat, na ni minsan ay hindi nabahiran ng kahit kaunting pagkasilaw sa aking kayamanan…” paglilitanya pa ng abogado na nagpabalik kay Mang Raul sa mga ala-ala noong nabubuhay pa ang don.

Noon kasi ay palaging nakakaiwan si Don Gabriel ng mahahalagang bagay sa sasakyang minamaneho ni Mang Raul. ’Tulad ng bag na punong-puno ng pera, mga mamahaling alahas, mamahaling gadget at kung anu-ano pa na kailan man ay hindi naisipang pakialaman ni Raul. Bagkus ay palagi niya itong ibinabalik sa kaniyang amo nang walang pagdadalawang-isip.

Advertisement

Lingid sa kaniyang kaalaman ay sinasadya pala iyon ni Don Gabriel upang subukin ang kaniyang katapatan, at dahil doon ay napatunayan nitong karapat-dapat siya sa pamanang balak na niyang ibigay sa drayber noon pa.

Nang tanghaling iyon ay umuwing halos hindi makapaniwala si Mang Raul matapos siyang batiin maging ng mga kaanak ni Don Gabriel. Tuwang-tuwa niyang ibinalita sa kaniyang asawa’t mga anak ang nangyari at maging ang mga ito ay walang pagsidlan ng tuwa!

Hindi akalain ni Mang Raul na ang simpleng katapatan niya sa kaniyang pinagsisilbihan ay tutumbasan pala nito ng isang milyong pasasalamat na kalaunan ay siyang nagpaangat sa kanilang pamumuhay.