Walang Respeto ang Batang Ito sa Kaniyang Magiging Madrasta; Dahil Iyon sa Pag-aakalang Gusto Nitong Kunin ang Atensyon ng Kaniyang Ama
Mag-isang itinataguyod ni Nathan ang kaniyang anak. Siya na ang tumayong ina at ama nito mula noon. Matapos kasing ipanganak ng kaniyang misis ang kanilang supling ay binawian ito ng buhay.
Sampung taon na ang lumipas buhat nang mawala ang kaniyang asawa at sampung taon na rin ngayon ang anak niyang si Trisha. Ngunit batid ni Nathan na malaki ang pagkukulang niya sa pagpapalaki sa anak. Pakiramdam niya, dahil babae ito ay hindi niya ito nagagabayan nang tama. Lumalaki kasi itong may pagkamaldita, kaya madalas itong napapaaway. Madalas niya tuloy mahiling na sana ay nandito pa ang kaniyang misis.
Isang araw, habang inililigpit niya ang mga papeles na nakakalat sa kaniyang mesa sa opisina ay may nakapukaw ng kaniyang pansin. Isang magandang babae na ngayon niya lang nakita sa kanilang departamento. Tila naman napansin ng babae ang matagal niyang pagtitig dito kaya naman maya-maya ay bigla siya nitong nilapitan.
“Hi? Kanina ka pa kasi nakatingin sa ’kin… may dumi ba ako sa mukha?” nakataas ang isang kilay at mataray na tanong nito sa kaniya.
“N-naku, pasensiya ka na. W-wala kang dumi sa mukha. Ngayon lang kasi kita nakita rito kaya…” Napakamot pa sa ulo si Nathan. Naiinis namang pinaikutan lang siya ng mga mata ng babae bago siya nito tinalikuran. Napag-alaman ni Nathan na Alex pala ang pangalan ng nasabing babae. Masiyado kasi siyang nahiwagahan dito dahil kamukha ito ng kaniyang nasirang asawa, kaya naman pilit niya iyong inalam.
Pagpasok ni Nathan sa trabaho kinabukasan ay nakita niyang isang box na naglalaman ng mga papel ang binubuhat ni Alex, kaya dali-dali niya itong tinulungan.
“Hi, Alex! Tulungan na kita,” pag-aalok ni Nathan ng tulong sa nasabing babae.
Dahil sa ginawa niya ay nakunsensiya naman si Alex sa pagtataray na ginawa niya kay Nathan kahapon kaya naman nagpaubaya siya at nagpasalamat sa lalaki. Noong oras naman ng kanilang lunch break ay nakita ni Alex si Nathan na kumakaing mag-isa sa canteen kaya nilapitan niya ito at kinausap.
“P’wedeng makiupo?” tanong ng dalaga na agad namang tinanguan ni Nathan. Doon ay nagkakuwentuhan sila at naging komportable sa isa’t isa hanggang sa halos araw-araw na silang nagkukulitan at nagkakamabutihan. Doon ay lumalim ang pagsasama ng dalawa at hindi nagtagal ay naging magkasintahan sila.
Ipinakilala ni Nathan si Alex kay Trisha, ngunit hindi gusto ni Trisha si Alex. Sa tuwing dadalaw nga ito sa kanilang tahanan ay palagi niya itong inaaway at tinatarayan. Sa totoo lang ay inaasahan na ito ni Alex dahil naikuwento na nga ni Nathan ang sitwasyon ng bata, kaya naman kahit ganoon ang pakikitungo nito sa kaniya ay pinakisamahan niya ito nang mabuti.
Inaruga ni Alex si Trisha. Pinaglaanan niya ito ng oras at pagmamahal, ngunit tila hindi ito makita ng bata. Isang araw ay ipinagluto nga ni Alex si Trisha ng paborito nitong ulam na afritada, ngunit imbes na magpakita ng pasasalamat ay itinapon ng bata sa harapan niya ang pagkaing inihanda niya para dito!
“Bakit ba umaasta kang nanay ko?!” bulyaw pa ni Trisha kay Alex na siya namang naabutan ni Nathan.
Bumugso ang galit sa dibdib ni Nathan dahil sa ginawa ng kaniyang anak kaya naman hindi niya napigilang mahambaan ito ng palad. Mabuti na lang at naging mabilis ang kilos ni Alex at nasalag nito ang kaniyang kamay kahit pa ito naman ang nasaktan niya.
“Nathan, huwag mong saktan ang anak mo. Naiintindihan ko naman kung bakit siya ganiyan. Sa ngayon ay mas kailangan niya ng pang-intindi natin,” sabi pa ng dalaga na siya namang nakapagpayuko kay Nathan.
Nanlaki naman ang mga mata ni Trisha sa nangyari. Sa totoo lang ay hindi siya nagulat na muntik na siyang masaktan ng kaniyang ama dahil kahit siya ay aminadong mali ang nagawa niya. Ang ikinagulat niya ay ang ginawang pagtatanggol sa kaniya ng kaniyang Tita Alex kahit pa mali ang ipinapakita niyang ugali rito.
Biglang tinubuan ng konsensiya ang batang isip ni Trisha dahil sa pagkaantig sa ginawa ng kaniyang Tita Alex. Dahil doon ay umiiyak siyang napayakap dito habang humihingi ng kapatawaran.
“Sorry po, Tita Alex. Alam ko pong mali ang nagawa ko sa ’yo. Iniisip ko kasi na baka aagawin mo lang sa akin ang atensyon ng daddy ko. Sorry po talaga!” humahagulhol na sabi niya na agad namang tinugon ni Alex ng isang mahigpit na yakap. Iyon ang naging umpisa ng unti-unting pag-ayos ng kanilang samahan bilang pamilya.
Ngayon ay malapit nang ikasal sina Alex at Nathan habang si Trisha naman ay halos hindi na maihiwalay sa kaniyang ‘Mommy’ Alex. Kailangan lang pala nilang magbigay ng pagkakataon sa isa’t isa para maging maayos ang lahat.