Inday TrendingInday Trending
Laki sa Layaw ang Babaeng Ito Kaya wala Siyang Pagpapahalaga sa Pagsisikap ng Kaniyang mga Magulang; Magsisisi Siya sa Biglang Pagkawala sa Kaniya ng Lahat

Laki sa Layaw ang Babaeng Ito Kaya wala Siyang Pagpapahalaga sa Pagsisikap ng Kaniyang mga Magulang; Magsisisi Siya sa Biglang Pagkawala sa Kaniya ng Lahat

Susuray-suray na naglalakad si Cara papunta sa bahay nila matapos ihatid ng kaniyang kaibigan. Galing sila sa inuman na inabot hanggang hatinggabi. Wala sa sariling nakangiti pa siya dahil sa lubos na sayang nararamdaman. Pagbukas niya ng kanilang pinto, ang mga magulang niya na nagsisigawan ang kaniyang naabutan.

“Rico, huwag na tayong sumugal! Hindi tayo nakasisigurado sa balak mong pasukin, baka lalo lang tayong mahirapan!” sigaw ng ina ni Cara.

“Ito lamang ang naiisip kong paraan para mabawi natin ang malaking perang nawala sa atin, Cecil. Maaaring masalba pa ang kumpanya natin!”

Natawa si Cara, wala siyang maintindihan sa kung ano ang pinag-aawayan ng kaniyang mga magulang at tiyak na makakalimutan niya rin ang mga ito dahil sa sobrang kalasingan.

Agad na napatingin sa kaniya sina Cecil at Rico, na agad na napailing nang makita ang kondisyon ng kanilang anak. Halos araw-araw na lamang ay ganito ang klase ng hitsurang nakikita nila rito!

“Lasing ka na naman, Cara!” sigaw ng kaniyang ama. “Ilang beses ko na bang sinabi sa ’yo na tigilan mo na ang pagbubulakbol? Walang magandang madudulot iyan sa ʼyo! Mag-aral ka nang mabuti. Iyon ang gawin mo!”

“Dito ako masaya, ’Pa. Huwag n’yo akong pagbawalan sa mga bagay na nakakapagpasaya sa akin,” aniya at tumawa. “Sa labas lang ako sumasaya, dahil kahit kailan, walang naging masaya sa bahay na ʼto.”

“Huwag mong sirain ang kinabukasan mo dahil tiyak na pagdating ng panahon, ikaw lamang din ang mahihirapan!” galit na giit naman ni Rico.

Bumuntong-hininga si Cecil dahilan para mapatingin sa kaniya ang mag-ama.

“Hayaan mo na lang munang magpahinga ang anak mo. Bukas na lang natin siya kausapin.”

Laki sa layaw si Cara. Palibhasa, mayaman, nakukuha niya ang lahat nang gustuhin niya. Sa isip niya, mayaman naman sila at hindi sila mauubusan ng pera kaya naman ganoon na lang siya kung gumasta nang gumasta.

Ginagawa niya ang lahat ng gusto niyang gawin. Sinusunod niya ang sarili niya at tila wala nang pakialam sa kaniyang mga magulang. Binabalewala lamang niya ang sinasabi ng mga ito.

Ayaw niyang magpadikta kahit pa gusto lamang ng kaniyang mga magulang na mapabuti siya. Tinatawanan lang niya ang mga bagsak niyang grado. Basta ang alam niya lang, hindi man siya mag-aral, hindi siya maghihirap pagdating ng panahon dahil mayaman sila.

Madalas nauulit ang mga pagkakataon na uuwi siya at dadatnan ang mga magulang na nagtatalo. Bihira at kung minsan ay sa gabi na lamang niyang nakikita ang mga ito dahil sa tuwing nandiyan sila, nananatili na lang siya sa kuwarto dahil alam niyang puro sermon lang ang kaniyang aabutin mula sa kaniyang ama.

“Wala ka ba talagang pakialam sa kinabukasan mo, Cara? Halos lahat ng grado mo ay pula. Hindi mo inaayos ang pag-aaral mo, hanggang sa pagtanda ba ay ganiyan ka? Puro kasiyahan lang ang nasa isip. Isang araw dadanasin mo ang hirap dahil sa mga ginagawa mo ngayon,” sabi ng kaniyang ama, isang umaga habang sila ay nasa hapag.

“Hindi ako maghihirap dahil marami tayong pera,” sagot niya naman nang hindi nag-iisip.

“Hindi habambuhay ay mayaman tayo. Nauubos ang yaman lalo na kung hindi mo pinahahalagahan.”

Pasok sa isang tainga, labas sa kabila. Ipinagsawalang bahala ni Cara ang lahat ng sinabi ng ama, palibhasa ay wala siyang alam sa mga nangyayari.

Hanggang isang araw, habang nasa isang kasiyahan si Cara, tumunog ang kaniyang telepono mula sa kaniyang bag. Kinuha niya ito at walang nagawa kundi sagutin ang tawag ng kanilang katulong.

“Cara, wala na ang papa mo.”

Nang marinig niya iyon ay mistulang tumigil ang kaniyang mundo. Nagmadali siyang pumunta sa ospital kung nasaan ang kaniyang mga magulang na nasangkot sa isang aksidente.

Doon ay nakita niya ang ama niyang wala nang buhay at ang ina niyang makina na lamang ang tumutulong upang makahinga.

Napunta ang lahat ng hirap kay Cara. Noong araw ding iyon ay nalaman niyang nalulugi na ang kanilang kumpanya at mukhang malabo nang maisalba pa.

Kung sana lang ay nakinig siya sa mga pangaral ng kaniyang ama, hindi sana siya mahihirapan.

Nagsisisi siya na hindi niya pinakita ang pagmamahal niya sa kaniyang mga magulang hangga’t nabubuhay pa ang mga ito, ngayon ay naiwan siyang mag-isa na puno ng pagsisisi.

Nangyayari ang mga bagay sa mga panahon na hindi inaasahan, pahalagahan ang mga tao at bagay na mayroon ka dahil walang sigurado sa mundo at ang lahat ay nagbabago.

Sa ngayon ay pinag-iigi na ni Cara ang pag-aaral niya kahit mahirap. Gagawin niya ang lahat para makabawi sa ngayon ay nag-iisa na lang niyang pamilya.

Nagising mula sa pagkakatulog nang mahaba ang kaniyang ina kaya naman kahit papaano ay nagkaroon pa rin ng lakas ng loob si Cara. Ngayon ay sa ina siya huhugot ng lakas upang muli ay makapag-umpisa at matupad ang pangarap sa kaniya ng kaniyang ama. Huli na para magsisi, ngunit hindi pa huli ang lahat upang magbago siya. Iyon ang panghahawakan niya ngayon.

Advertisement