Hinayaan ng Among Ito na Panuorin Lamang Sila ng Katulong Habang Kumakain Sila sa Isang Restawran; Agad Pala Nilang Pagsisisihan Iyon
Naupo na sa kanilang ipinareserbang mesa ang pamilya ng amo ng katulong na si Miriam, sa isang sikat na restawran sa kanilang lugar. Paano kasi ay na-promote daw sa trabaho nito ang kaniyang among lalaki kaya naman narito sila ngayon upang magdiwang.
Maya-maya pa, tinawag ng kaniyang among babaeng si Soledad ang isa sa mga serbidor sa naturang kainan na agad namang lumapit sa kanila. “Ano po’ng maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong nito sa magalang na tono.
“Bigyan mo nga kami ng isa pang upuang hindi katulad ng mga uupuan namin ng pamilya ko. Ayaw kong isipin ng mga taong narito na kabilang sa amin ang katulong ko. Bigyan mo ako ng upuang bagay para sa isang katulong,” sabi naman ni Soledad sa naturang serbidor na ikinakunot ng noo nito. Ganoon pa man ay wala itong nagawa kundi sumunod.
Napabuntong-hininga si Miriam sa ginawa ng kaniyang among babae. Hindi naman na siya nagulat pa roon dahil talaga namang palaging ganito ang trato nito sa kaniya, ngunit sa tuwina ay hindi pa rin siya masanay-sanay sa tuwing gagawin nito iyon. Ngunit wala naman siyang magagawa kaya naman itinikom na lang niya ang bibig at pinanuod na kumain ang pamilya ng kaniyang mga amo habang nakatayo siya sa harap ng mga ito at hinihintay na dumating ang upuang para sa kaniya, kahit na may bakante namang upuan sa tabi ng mga ito.
Hindi nagtagal ay bumalik ang serbidor. Ngunit imbes na simple at pangit na upuan ay dinala nito ang isang eleganteng silyang animo upuan ng isang hari o reyna sa mga palabas. Kasunod nito ay ang isa pang lalaking tila may mataas na katungkulan sa restawrang iyon base sa suot nito. Dahil doon ay nanlaki ang mga mata ni Miriam. Nagtataka siya ngunit wala siyang lakas ng loob na magtanong.
’Tulad ng kaniyang inaasahan ay agad na nagalit ang kaniyang mga amo nang makita ang klase ng silyang dinala ng serbidor. “Ano ’yang dala mo? Hindi ba’t ang sabi ko, magdala ka ng upuang para sa katulong ko? Bakit magarbo at eleganteng upuan ’yang dala mo?!” hiyaw ni Soledad sa serbidor.
“Iyan ho talaga ang ipinadala ko dahil ’yan ang nararapat sa sinasabi ninyong katulong n’yo,” singit naman ng kasama nitong lalaki sa usapan.
Tumaas ang isang kilay ni Soledad. “Sino ka naman?” tukoy nito sa lalaking bagong dating.
“Ako ang may-ari ng restawrang ito,” sagot naman nito na ikinagulat ng pamilya ng amo ni Miriam. “Ang totoo, bukod sa upuang ’yan ay gusto ko ring ipagpaalam ang sinasabi ninyong katulong n’yo na sumama sa akin sa VIP room para doon siya makakain ng espesyal na mga putahe namin sa lugar na ’to. Dahil iyon ang nararapat sa isang katulad niya, habang kayo naman ho ay aalisan ko ng karapatang pumasok dito sa aking kainan,” mariing sabi pa ng nagpakilalang may-ari na lalong ikinabigla ng pamilya ni Soledad.
Lubos kasing naawa ang lalaki kay Miriam nang makita nitong hinahayaan lang ng pamilyang ’yon na panuorin sila ng kawawang kasambahay habang kumakain. Minsan sa kaniyang buhay kasi ay naging isang kasambahay din ang kaniyang ina, kaya naman ganoon na lang ang lubos na paggalang niya sa mga katulad nito.
“Hindi n’yo p’wedeng gawin ’to!” muling sigaw ni Soledad. “Kapag sumama ka sa kaniya, Miriam, ay tatanggalin na kita sa trabaho!” banta pa nito.
Agad namang tinapik ng may-ari ng restawran ang balikat ni Miram. “Huwag kang mag-alala dahil ako ang magbibigay sa ’yo ng trabaho. Ako ang bahala sa ’yo,” nakangiting sabi pa nito sa kaniya na ikinahinga naman ni Miriam nang maluwag.
Pahiyang-pahiya sina Soledad dahil sa nangyari. Bukod doon ay may ilang kostumer din na kumuha ng video ng pangyayaring iyon at ipinakalat iyon sa social media. Dahil doon ay wala nang gustong mag-apply pa sa kanila bilang kasambahay kahit pa dinagdagan na nila ang kanilang pasweldo.
Mula noon, kinailangang gawin ni Soledad ang lahat ng gawain ni Miriam sa kanilang tahanan. Mula sa paghahanda ng pagkain, paglilinis ng bahay, paglalaba, pag-aasikaso sa kanilang mga anaak, paghahatid-sundo sa mga ito sa eskuwela at kung anu-ano pa. Ang tanging naging pahinga na lamang niya ay ang oras ng pagkain na madalas niya pang ipagkait noon kay Miriam.
Doon ay napagtanto ni Soledad na hindi pala madali ang trabaho ng isang kasambahay. Ngayon siya nagsisisi sa lahat ng ginawa niya kay Miriam at sa iba pang naging kasambahay nila noon. Hindi pala dapat ganoon ang naging trato niya sa kanila, tuloy, ngayon ay nakakarma siya.