Inday TrendingInday Trending
Hinadlangan ng Ama ang Kagustuhang Magmahal ng Anak Nitong Beki; Darating ang Panahon na Magsisisi Pala Siya sa Huli

Hinadlangan ng Ama ang Kagustuhang Magmahal ng Anak Nitong Beki; Darating ang Panahon na Magsisisi Pala Siya sa Huli

“Alejandro…”

Ikinagulat niya ang mariing pagtawag na ’yon ng kaniyang ama pagkauwing-pagkauwi niya sa bahay nang gabing ’yon. “Po?” sagot naman niya, ngunit kasing bilis ng kidlat na biglang tumama ang palad ng ama sa kaniyang mukha.

“P-papa?!” gulat na sambit ni Ali habang nakahawak sa pisngi’t maluha-luhang nakatingin sa ama.

“Binabae ka ba, Alejandro?!” galit na sigaw sa kaniya ng ama na nagpaatras sa kaniya. “Akala mo hindi ko nakitang may kasama ka kaninang lalaki sa sasakyan mo at magkalapat ang mga labi n’yo?!”

Tila naputulan ng dila si Ali sa narinig. Hindi niya alam ang isasagot sa ama. Kusa na lang siyang napayuko at napaluha. Matagal na itong nangyayari sa pagitan nilang mag-ama. Noong minsang nahuli siya nitong sumubok kung paano gamitin ang lipstick ay hindi lang sampal ang inabot niya sa amang dating heneral ng militar. Kulang na lang ay isabit siya patiwarik nito, pero hindi nadala si Ali. Hindi siya natinag sa ginawa ng ama at sinunod pa rin ang isinisigaw ng puso’t isip niya hanggang sa umabot sa puntong tuluyan nang nagmahal ang puso niyang mamon.

Hindi kayang tanggapin ng ama pagiging binabae niya. Papaano’y sa kanilang tatlong magkakapatid ay siya lang ang lalaki, bunso pa. Gusto ng ama na kahit papaano’y may sumunod sa hakbang nito at naatang nga sa balikat ni Ali ang lahat.

“Ano’ng nangyayari dito?!” Nabuhayan si Ali nang maya-maya ay biglang pumasok sa kanilang tahanan ang kaniyang mga ate.

“’Pa! Ano na naman ito?” iritang tanong ni Anica, ang panganay sa magkakapatid.

“Itanong mo riyan sa kapatid mong may kalampungang lalaki sa sasakyan niya!” hiyaw naman ng kaniyang ama.

“Totoo ba?” bulong naman ng kaniyang Ate Anissa kay Ali, ang ikalawa sa kanilang magkakapatid, na marahan naman niyang tinanguan.

“E, ano naman, ’pa? Matanda na si Ali! Hayaan n’yo siyang gawin ang gusto niya!” muli ay pagtatanggol sa kaniya ng kanilang Ate Anica.

“Ganiyan ba ang gusto n’yo? Sige! Magsilayas kayo sa pamamahay ko. Isama ninyo ’yang kaladkarin ninyong kapatid. Wala akong anak na binabae!” puno ng awtoridad na sambit pa ng kanilang ama maya-maya.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang magkakapatid at kaagad na hinila si Ali palabas ng bahay. Ni hindi na nga sila kumuha ng mga damit nito’t basta na lang sumakay sa kotse at pinaharurot ’yon papunta sa tinitirahan nila.

Habang nasa daan ay iyak lamang nang iyak si Ali habang nasa tabi naman niya si Anissa na siyang sinusubukan namang pagaanin ang loob niya.

“Ate, papaano si papa?” tanong niya sa mga kapatid.

“Hayaan mo siya. Hindi na kami papayag na muli niyang ipilit ang gusto niya. Tama na ang ginawa niya kay Anissa, Ali.”

Buong pagtatakang humarap si Ali sa ate nitong si Anissa na mahinang napatawa. “May nobya ako, Ali,” bulong nito. “Katulad mo ay iba rin ang itinitibok ng puso ko,” sabi pa niya. “Iyon ang dahilan kung bakit ako umalis sa puder ni papa.”

Nanlaki ang mga mata ni Ali sa gulat. “Ate, papaano ako magiging ’singtapang mo?”

“Kalimutan mo ang sasabihin ng iba, Ali. Hangga’t wala tayong inaapakang ibang tao, hangga’t wala tayong pineperwisyo, tama ang nararamdaman mo, Ali. Love has no gender…”

Lumipas ang mga taon. Hindi na bumalik pa si Ali sa puder ng ama. Tinulungan siya ng mga kapatid na makatapos sa pag-aaral at ngayon ay isa na siyang sikat na fashion designer na maipagmamalaki nga.

Nagmamadali silang magkakapatid kasama ang matagal na kasintahan ni Ali na si Yohan. Tumakbo sila sa hallway ng ospital kung saan biglang napabalitang isinugod daw ang kanilang ama. Nabigla na lang sila kanina nang tumawag ang sekretarya nito at pinagmamadali sila.

“’Pa?” naiiyak na tawag ni Ali sa amang ngayon ay nakaratay na.

Dahan-dahang inangat ng ama ang kamay na kaagad hinawakan ni Ali habang umiiyak. “A-ang layo na ng narating mo, anak…” nanghihinang sambit ng ama. Lumipat ang tingin nito kay Yohan. “Ingatan mo ang anak ko, hijo. Hindi ko kasi ’yon nagawa noon. Sana ay mapatawad n’yo ako sa ginawa kong paghadlang sa pagmamahalan n’yo dahil lang sa pagiging makasarili kong ama.”

Buhat kasi nang mawala sa kaniyang puder ang mga anak ay naging malungkot na ang buhay ng kanilang ama. Doon nito napagtanto ang lahat ng maling nagawa niya sa kanila ngunit naduwag siyang aminin ang mga ’yon, maliban sa araw na ito.

Napuno ng pinaghalong saya at lungkot si Ali nang marinig ang sinabing iyon ng ama. Gusto niyang magpasalamat at humingi ng tawad ngunit wala siyang masambit. Tanging yakap lamang ang naibigay niya rito hanggang sa tuluyan na itong sumuko at bawian ng hininga.

Isang taon matapos ang babang luksa ng ama ay nagpakasal naman si Yohan at Ali sa ibang bansa at doon na nagdesisyong kapwa manirahan. Iyon na yata ang pinakamasasayang araw ni Ali. Ang araw na humarap sila sa altar at kapwa napatunayan na walang kasarian ang pag-ibig.

Advertisement