Umalis Patungong Ibang Bansa ang Dalaga nang Walang Pasabi sa Kaniyang Nobyo; Pagkalipas ng Ilang Taon ay Muli Niya Itong Makakaharap

Umalis Patungong Ibang Bansa ang Dalaga nang Walang Pasabi sa Kaniyang Nobyo; Pagkalipas ng Ilang Taon ay Muli Niya Itong Makakaharap

InspiringLoveStoriesSuccess

Mga bata pa lamang sina Renz at Lyka ay may gusto na sila sa isa’t isa. Kaya naman pagtungtong nila ng kolehiyo ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang binata at agad niyang niligawan ang kababata. 

Siyempre, hindi na nagpakipot pa itong si Lyka. Sa loob ng limang buwang panliligaw ay agad niyang sinagot si Renz. 

“Kapag nakapagtapos na tayo ng pag-aaral ay hahanap ako agad ng magandang trabaho sa ibang bansa. Tapos ay kukunin kita at doon na tayo magpapakasal at maninirahan,” wika ng binata. 

“Ang aga mo namang magplano! Hindi mo nga alam kung makakapagtapos ka nga ng pag-aaral dahil sa pagbubulakbol mo!” natatawang sambit naman ng dalaga. 

“Makakatapos ako ng pag-aaral! Pipilitin kong maging isang magaling na nars nang sa gayon ay makapunta ako agad sa Amerika. Gagawin ko ang lahat para makasunod ka na rin agad sa akin. Pinagtatawanan mo lang ako ngayon pero patutunayan ko sa iyo na mangyayari ang lahat ng plano ko!” giit muli ng binata. 

Sa totoo lang ay masaya naman ang dalaga sa pangarap ng kaniyang kasintahan. Ngunit kailangan niyang aminin sa kaniyang sarili na mas malaki nga ang tyansa na siya pa mismo ang hindi makapagtapos ng pag-aaral dahil sa dinaranas nilang problema.

Nagkaroon kasi ng malubhang karamdaman ang ama ni Lyka dahilan upang hindi na ito makapaghanapbuhay pa. Dahil sa mahal ng gastusin sa pagpapagamot ay naubos na rin ang ipon ng kaniyang mga magulang, kaya nasa alanganin na rin ang kaniyang pag-aaral. Hindi lang niya masabi kay Renz dahil ayaw niyang makadagdag pa sa mga iniisip nito.

Isa pa, alam ni Lyka na hindi boto sa kaniya ang mga magulang ni Renz dahil sa pagkakaiba ng kanilang katayuan sa buhay. 

Isang araw ay hindi na nakatiis si Lyka at kinausap na niya ang kaniyang ina. 

“‘Nay, titigil na po ako sa pag-aaral. Hahanap na lang po ako ng trabaho para makatulong po ako sa inyo,” saad ng dalaga.

“Pasensya ka na, anak. Ayaw ko mang mahinto ka sa pag-aaral ay hindi ko na kaya pang isabay sa gamutan ng tatay mo. Maraming salamat sa iyong pang-unawa,” saad naman ng ginang.

“Alam ko naman po iyon, ‘nay. Pinipilit ko rin namang makapagtapos ng pag-aaral dahil gusto kong makatulong sa inyo. May pinag-aralan naman po ako kahit paano. P’wede po akong maghanap ng trabaho. Kahit ano basta makatulong lang po ako sa gastusin natin,” wika pa ni Lyka. 

Nagpunta si Lyka sa bahay ng kaniyang nobyo upang sabihin ang kaniyang naging desisyon. Ngunit nasa tarangkahan pa lang siya ng bahay ay narinig na niya ang pagtatalo ni Renz at ng mommy nito. 

“Nakita ka na naman daw na umaaligid sa mahirap na Lyka na ‘yan! Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi siya ang babaeng nababagay para sa iyo, Renz? Marami pa riyang iba! Ayusin mo ang buhay mo!” bulyaw ng ina. 

“Ma, malaki na ako at alam ko na kung ano at sino ang gusto ko! Hindi n’yo na ako mapipigilan pa sa nararamdaman ko para kay Lyka. Wala akong ibang gustong makasama sa buhay ko kung hindi siya!” sagot naman ni Renz sabay talikod sa ina. 

“At sumasagot ka na ngayon sa akin, Renz! Ito ba ang tinuturo sa iyo ng babaeng iyan? Bumalik ka rito at kinakausap pa kita! Renz!” galit pang sigaw ng ginang. 

Nasaktan si Lyka sa kaniyang narinig. Hindi na siya tumuloy pa at agad siyang umalis. Sa puntong iyon ay nakapagdesisyon na siyang hindi na sabihin pa sa nobyo ang lahat. Ayaw niyang magkasira ang mag-ina nang dahil lang sa kaniya. 

Kinabukasan ay hindi na pumasok ng eskwela si Lyka. Nagtataka naman ang binata dahil mahalaga sa nobya ang pag-aaral nito kaya hindi ito lumiliban. Patuloy niya itong tinatawagan ngunit hindi ito sumasagot sa kaniyang selpon. 

Kaya naman napilitan ang binata na puntahan na lang ito sa bahay. Ngunit hindi niya ito nakaharap dahil umalis daw sabi ng ina. Hindi naman siya makapagpakilalang nobyo dahil ayaw ng mga magulang ni Lyka na magkaroon na ito ng karelasyon.

Sa paglipas ng araw ay hindi pa rin nagpapakita sa eskwelahan si Lyka. Ni hindi rin ito sumasagot sa mga tawag ng nobyo. At dahil hindi rin naaabutan ni Renz si Lyka sa bahay nito ay wala siyang nagawa kung hindi abangan ang dalaga. 

Ngunit kahit anong tiyaga niya ay hindi niya ito nakita. Kaya naglakas siya muli ng loob na magtanong sa ina ng dalaga.

“Kakaalis lang ni Lyka papuntang Kuwait. Hindi ba’t isa ka sa mga kaibigan niya? Hindi ba siya nagsabi sa iyo?” sambit ng ginang. 

“H-hindi po. Hindi nga po siya nagsabi na hihinto na siya sa pag-aaral. Ni hindi ko nga po napansin na may problema siya. Wala po siyang nabanggit sa akin, sa aming mga kaibigan niya,” wika naman ni Renz na pinipigilan ang sarili na maluha. 

“Nagdesisyon kasi siyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na lang para makatulong sa pagpapagamot ng tatay niya. Ayos naman at ‘yung tiyahin niyang nasa Saudi ay tinulungan siyang makakuha agad ng trabaho. Napakabuti ng anak kong iyon. Nakakalungkot lang at kailangan pa niyang isakripisyo ang pag-aaral niya para lang sa amin. Isang taon na lang ay ga-graduate na sana siya,” pahayag pa ng ina ng dalaga. 

Pagtalikod ni Renz ay biglang bagsak din ng kaniyang mga luha. Nanginginig siya dahil hindi niya alam ang kaniyang mararamdaman. Nagagalit siya sa kasintahan dahil wala man lamang itong paalam na umalis. Ngunit naaawa rin siya sapagkat kailangang pagdaanan nito ang hirap.

Lumipas ang mga araw at gumagawa pa rin ng paraan itong si Renz para makausap si Lyka, ngunit ayaw nang makipag-usap ng dalaga. 

“Parang awa mo na, Renz, patahimikin mo na ako. Wala akong gusto sa buhay ko ngayon kung hindi gumaling ang tatay ko. Wala nang puwang sa akin ang pag-ibig. Kalimutan mo na ako. Humanap ka na lang ng iba. ‘Yung babaeng kaya mong ipagmalaki kahit kanino. Paalam, Renz. Huling pag-uusap na natin ito,” matapang na sambit ni Lyka. 

Ngunit pinipigilan lang ng dalaga ang kaniyang nararamdaman. Labis ang kaniyang lungkot maisip pa lang niyang may iba nang mahal ang dating kasintahan. Subalit ito na ang pinakamagandang paraan na naisip niya upang makalaya na rin sila sa lungkot na bunga ng sitwasyon. 

Lumipas ang dalawang taon at walang ginawa itong si Lyka kung hindi magtrabaho. Unti-unti naman niyang natutugunan ang gamutan ng kaniyang ama ngunit problemado pa rin dahil hindi pa rin iyon sapat para sa lahat ng gastusin ng kaniyang mga magulang.

Napabuntong hininga na lang si Lyka habang binibilang niya ang kapos na perang ipapadala niya sa Pilipinas. 

“‘Nay, pasensya na po kayo at hindi ko nabuo ‘yung perang kailangan ni tatay ngayong buwan. Hindi na rin po kasi ako makabale sa amo ko dahil patong-patong na rin po ang utang ko. Pero hayaan n’yo, hindi po ako titigil na gumawa ng paraan para makahanap ng iba pang pagkakakitaan,” sambit ni Lyka. 

“Anak, huwag ka nang mag-aalala sa tatay mo. Ayos na ang tatay mo. Nakapagpagamot na siya ngayong buwan. Wala ka nang dapat alalahanin pa,” wika naman ng ina. 

Laking pagtataka ni Lyka kung saan nanggaling ang perang ipinampagamot sa kaniyang ama. 

“Sino po ang nagbigay ng tulong, ‘nay? Nagpadala po ba ang mga kapatid ni tatay ng pera?’ tanong naman ng dalaga. 

“Naku, hindi. ‘Yung kaibigan mong si Renz. Pabalik-balik siya rito noong isang linggo pa. Hindi na namin sinabi sa iyo dahil gusto ka nga naming surpresahin. Sinagot na rin niya ang iba pang gamutan ng tatay mo. Saka ang sabi nga niya ay gagawa siya ng paraan para sa Amerika mapatingnan ang tatay mo. Hindi ba’t magandang balita ito?” masayang sambit pa ng ina. 

Napaluha na lang si Lyka. Hindi niya akalain na kahit na itinaboy niya ang dating kasintahan ay nagawa pa rin nitong tulungan ang kaniyang mga magulang. 

“Anak, hiningi nga pala niya sa akin ang address mo riyan. Ang sabi niya’y pupuntahan ka raw niya,” dagdag pa ng ina. 

Pagtingin nga ni Lyka ay naroon na si Renz sa labas ng bahay ng amo niya. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. 

Agad niyang ibinaba ang telepono at saka pinuntahan si Renz. 

“A-anong ginagawa mo rito? Bakit ka narito?” tanong ni Lyka habang patuloy ang pagluha. 

“Ano pa nga ba? E ‘di, sinusundo ka. Alam ng amo mo na darating ako. Ipinagpaalam na rin kita sa kanila. Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na tutuparin ko isang araw ang pangarap ko para sa atin? Pupunta na tayo sa Amerika at doon na tayo maninirahan. Isasama natin ang mga magulang mo nang sa gayon ay mapasuri natin ang tatay mo. Mas maganda ang teknolohiya sa Amerika. Mas malaki ang tyansa ng tatay mo na gumaling. Iyon ay kung papayag kang magpakasal sa akin,” nakangiting wika ni Renz.

“Wala akong ibang lalaking minahal kung hindi ikaw, Renz. Patawad kung nagdesisyon na lang ako bigla nang hindi man lang nagpapaalam sa iyo. Walang araw na hindi ko inisip na tawagan ka at magpaliwanag. Pero alam kong ayaw sa akin ng mga magulang mo at wala kang magandang kinabukasan na kakaharapin sa akin,” paliwanag naman ni Lyka.

“Wala ka nang dapat pang ipaliwanag, Lyka. Nauunawaan ko. Kaya nga ginawa ko ang lahat para magtagumpay sa buhay. Nais kong tuparin ang mga pangarap natin dahil dito sa puso ko, nag-iisa ka lang! Mahal na mahal kita!” wika naman ng binata.

Isang mahigpit na yakap ang tumapos sa matagal na panahon na kanilang pagkakawalay.

Mula noon ay sumama na si Lyka at kaniyang mga magulang kay Renz patungong Amerika. Doon na sila nanirahan at nagpakasal.

Sinubok man ng pagkakataon ay hindi bumitaw si Renz sa kaniyang mga pangarap para sa kanilang dalawa ni Lyka. Sa kanilang pag-iisang dibdib ay nangako sila sa isa’t isa na kailanman ay hindi na sila muling maghihiwalay pa.

More Stories