Noong Mayaman siyaʼy Marami siyang Kaibigan; Nang Maghirap ay Naglaho ang mga Ito

Mayaman at maganda si Scarlett kaya naman marami ang may gustong makipagkaibigan sa kaniya. Palagi siyang may kasama at hindi nawawalan ng kaibigan. Higit sa lahat ay marami siyang manliligaw dahil sikat na sikat siya sa buong school. Hindi rin masama ang ugali ng dalaga at kahanga-hanga iyon para sa iba.

Wala na ngang mahihiling ang dalaga. Kumpletong-kumpleto siya ngunit isang pangyayari ang nagpabago sa kaniyang buhay.

Nagkasakit ang kaniyang Lolo Manuel. Dinala ito sa hospital at napag-alaman na may malubha itong karamdaman. Nalugi rin ang negosyo ng kanilang pamilya at nauwi iyon sa pagkaubos ng halos lahat ng kanilang ari-arian.

Nang magsimulang maghirap si Scarlett, doon nagbago ang lahat.

Wala nang nakipagkaibigan pa sa kaniya. Lahat ay lumalayo dahil sa mahirap na raw siya. Naging mag-isa na siya at walang lumalapit na animo’y may sakit siyang nakakahawa. Wala na ring nagtangkang sa kaniya ay manligaw pa, dahil sa bali-balita na magnanakaw raw ang kanilang pamilya kaya ngayon ay sinisingil na sila ng karma.

Iba’t ibang paninira ang lumabas at pang-aapi na dinanas ni Scarlett sa dating mga kaibigan. Araw-araw na binubully at sinasaktan siya nang pisikal ng mga ito, pero itinatak no Scarlett sa isipan ang mabubuting aral na itinuro ng kaniyang Lolo Manuel sa kaniya at ng kaniyang mga magulang.

Itinuon ni Scarlett ang atensyon sa pag-aaral. Sa umaga ay papasok at sa hapon naman ay magbabantay sa Lolo Manuel niya upang makapagpahinga ang ina na laging nakabantay rito. Salit-salitan ang kanilang pagbabantay at sa awa ng Diyos ay gumaling ito sa sakit.

Isang himala iyon para sa mga doktor kaya lalong nagpasalamat ang pamilya ni Scarlett at nag-alay ng dasal sa Panginoon.

Advertisement

Sa ilang taong pag-aaral ni Scarlett ay nakapagtapos siya sa kursong arkitekto. Mabilis siyang nakakuha ng trabaho at nakaipon na ginamit nila sa muling pagbangon.

Naging masaya si Scarlett. Nakita niya ang mga dati niyang kaibigan na nagsipag-asawa na habang inaabot niya pa rin ang mga pangarap habang tumulong sa iba. Ipinagpapatuloy niya kasi ang adbokasiya ng kaniyang mga magulang.

Nakahanap siya ng tunay na kaibigan sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Katulad niya ay hindi rin ito nagkaroon ng tunay na kaibigan noon, sa kadahilanang hindi kaaya-aya ang hitsura nito para sa iba.

Marami silang pagkakapareho. Napagtanto ni Scarlett na mas maganda na ang may kakaunti lamang na kaibigan pero totoo kaysa sa maraming nakapalibot ngunit may gusto lang makuha galing sa iyo.

Hindi rin inasahan ni Scarlett ang muling paglapit sa kaniya ni Danica. Si Danica ang pinakamatalik niyang kaibigan noon, ngunit isa rin sa mga tumalikod at nang-api sa kaniya nang siya ay maghirap na.

“S-Scarlett,” sambit nito sa pangalan niya habang bakas sa mukha nito ang hiya.

“Maupo ka.” Iginiya ni Scarlett si Danica sa sofa at pinaabutan ng juice sa kanilang katulong.

“Bakit napapunta ka rito?” prankang tanong niya. Hindi niya maialis ang pait sa kaniyang tono. Naaalala niya pa rin ang mga panahong ginawan siya nito ng masama.

Advertisement

“S-Sorry sa ginawa ko. Minaliit kita noon at gusto kong humingi ng tawad sa iyo.” Umiiyak ito habang pinapatahan din ang bitbit nitong sanggol. Kapwa nakaaawa ang hitsura ng mga nasa harapan ni Scarlett.

“Sige, kung iyon ang kailangan mo. Nagkamali ka pero hindi naman ako ‘yong taong nagtatanim ng sama ng loob. Wala na sa akin iyon. Para na lang sa pinagsamahan natin, pinatatawad na kita, Danica.”

Hiyang-hiya si Danica sa kung gaano kabait ang naging kaibigan niya.

Hindi niya dapat ito iniwan at inapi noong nawalan ito ng yaman. Napaluhang muli si Danica.

“Salamat. Salamat, Scarlett. Ngayon wala na akong mabigat na dinadala sa dibdib ko.” Tumayo ito at tumalikod. Inihatid ni Scarlett ang mag-ina sa labas ng pinto.

Nakakailang hakbang pa lang si Danica ay napatigil siya nang magsalita si Scarlett.

“Kung kailangan mo ng tulong, huwag kang mahihiyang lumapit. Nandito lang ako,” wika ni Scarlett na lalong ikinatulo ng luha ni Danica.

Hindi lubos maisip ni Danica kung gaano kabait at matulungin ang dating kaibigan na siniraan niya. Napuno siya ng inggit at hindi niya nakita kung gaano katotoo ang kaibigan.

Advertisement

Iniisip niyang tama nga ang iba na kinakarma na siya matapos ng ginawa niya noon kay Scarlett. Kaya naman naisipan niyang puntahan ito at humingi ng kapatawaran. Masaya na siyang ibinigay nito ang taos-puso nitong pagpapatawad. Kahit papaano ay gumaan na ang pakiramdam ni Danica.