
Napakareklamador ng Babae sa Lahat ng Bagay; Isang Pulubi ang Magpapabago ng Kaniyang Pananaw
“Ano ba ʼyan, hindi masarap!” inis na angil ni Sasha habang ibinabagsak ang kutsara sa harap ng hapagkainan.
“Bakit po, madam? Ano po ang kulang?” malungkot namang tanong ng katulong niyang si Aling Susan.
“E, hindi nʼyo ho yata tinitikman ʼyang iniluluto nʼyo, Aling Susan! Wala hong lasa, ano ba ʼyan!” reklamo pa ng maarteng si Sasha.
Ang totoo ay hindi naman talaga matabang ang luto ni Susan. Halos maubos nga iyon ng kaniyang ama kanina kung hindi lang naalalang baka gusto niya ring kumain ng paborito niyang sinigang. Kaya lang, nabubuwisit si Sasha dahil hindi siya napagbigyan ng kaniyang ama na magkaroon ng panibagong cellphone. Buo pa raw kasi at gumagana ang dati at luma niyang gamit.
“Madam, hindi naman, ah. Gustong-gusto nga ito ng papa nʼyo kanina, e,” pangangatuwiran naman ng katulong.
Sinamaan na lamang ito ng tingin ni Sasha bago padabog na tumayo at umalis sa hapag. Diri-diretso siya palabas ng pintuan, dala ang susi ng kaniyang kotse.
“Ano, ba ʼyan, hindi pa full tank ang gas!” ngitngit muli ng reklamador na dalaga. Lahat na lang yata ng bagay ay gusto nitong ipagreklamo. Paanoʼy nasanay siyang ibinibigay ng kaniyang lolo ang lahat ng kaniyang gusto.
Ngunit simula nang yumao ito noong isang buwan ay nagbago na ang lahat. Hindi na niya makuha ang lahat ng hingin niya dahil lagi siyang pinagbabawalan ng kaniyang ama. Palagi na lamang nitong kinokontra ang bawat kagustuhan niya at hindi na iyon nagugustuhan pa ng dalaga!
“Nakakainis!”
Binalingan niya ang bagong biling french fries at hamburger at pinagtatapon iyon sa labas ng bintana ng kaniyang sasakyan.
“Ate, kung hindi nʼyo ho ito kakainin, akin na lang. Huwag nʼyo pong itapon sa kalsada,” nagulat si Sasha nang magsalita ang isang pulubi at sinabi iyon.
“M-marumi na ʼyan. Itinapon ko na sa floor ʼyan. Bakit kakainin mo pa?” may pandidiring tanong ni Sasha sa batang pulubi.
“Hindi pa naman ho marumi, ah. Nakabalot pa nga, e. Hindi naman ho ako kagaya ninyo na maraming pambili at palaging nakakakain ng masasarap, kagaya nito. Mahirap lang kami. Wala kaming kakainin kung hindi kami mamumulot ng basura,” sagot naman ng pulubi habang nginunguya ang mga nahulog na french fries.
Tila biglang tinablan sa sinabi ng bata si Sasha. Tama ito. Maraming mga tao ang kapos at walang kakayahang bumili ng mga bagay na mayroon siya, ngunit siya ay nagagawa pang magreklamo.
“Ilan kayong magkakapatid?” tanong niya pa sa pulubi. Tuluyan na siyang sumungaw sa bintana ng kaniyang magarang sasakyang nakaparada ngayon sa gilid ng isang gasolinahan.
“Lima ho, at ako ang panganay,” may pagmamalaking anang batang pulubi sa kaniya. Marungis ito at sunog na ang balat dahil sa araw-araw na pagbibilad sa init, ngunit hindi naman ito kababakasan ng pagrereklamo.
“Kaya ba itinatago mo ʼyang mga nakabalot at ʼyang mga nahulog lang sa sahig ang kinakain mo?”
Tumango ang pulubi sa tanong na iyon ni Sasha.
“O siya, forget about the dirty fries. Halika rito, sumakay ka at ibibili kita ng pagkain. Iyong mas masarap diyan,” sabi pa ni Sasha sa bata.
“Wow! Talaga po, ate?” tila biglang mas nabuhayan pa ang kaninaʼy masigla nang bata.
“Oo. Halika na, dali!” sabi niya pa.
Sa unang pagkakataon, pumunta si Sasha sa isang restaurant upang bumili ng pagkain, hindi para sa sarili niya kundi para sa iba. Pumunta rin siya sa grocery store at namili ng mga pangangailangan, hindi para sa kaniya, kundi para sa batang kaniyang kasama. Binilhan niya rin ito ng tsinelas, mga gamit sa eskuwela katulad ng notebook, papel, ballpen, lapis, pangkulay at ilang pirasong librong pwede nitong pag-aralan, maging ng mga damit at sapatos.
Labis-labis naman ang galak ng batang pulubi sa mga ibinigay ni Sasha.
“Ate, bakit mo ako binibigyan nito?” maya-maya ay naitanong ng pulubi.
“Thank you gift ko ʼyan sa ʼyo. Ikaw ang nagpa-realize sa akin na mali na ang mga ginagawa ko. Gusto ko, ‘pag nakita kita ulit, maayos na ang hitsura mo, ha? Lalapit ako sa daddy ko para sabihing gusto kitang tulungan sa pag-aaral mo,” sabi pa ni Sasha na mas ikinagalak ng bata.
Tinupad niya ang kaniyang sinabi. Pag-uwi niya ay agad niyang idinulog sa ama ang kaniyang plano. Nagulat ito. Inakala pa ngang baka may sakit lamang siya kaya naisipan niya ang ganoong bagay, ngunit higit sa lahat ay galak na galak ito sa kaniyang pagbabago.
Dahil doon ay walang pag-aatubili nitong ibinigay ang gusto niya.
Simula nang araw na iyon ay tuluyan nang nagbago ang pananaw ni Sasha sa buhay. Wala na ang dating spoiled at reklamador na Sasha. Sa wakas, natanggal na ang pilak na kutsarang nakasubo sa kaniyang bibig.