Nataranta ang pamilya ng dalagang si Nelly nang umuwi ang kaniyang ama mula sa trabaho, na may benda na ang mga braso, tuhod at mukha nito. Ayon sa kaniya ay naaksidente ito habang pauwi sa trabaho, dahil na rin sa sobrang pagod.
“Papa, bakit po kasi hindi kayo nag-iingat?” ang naluluhang tanong ng dalaga sa ama.
“Anak, hindi ko naman sinasadya. Huwag mo na akong kagalitan diyan. Hayaan moʼt magiging ok din ako,” hiling naman ng ama.
Hindi na lamang sumagot pa si Nelly. Mukhang kailangan din ng kaniyang papa ng pahinga kaya itinikom na niya ang kaniyang bibig. Ngayon ay kailangan niyang magdoble-kayod, dahil nalalapit na ang pasukan ng kaniyang mga kapatid. Panganay si Nelly at tanging sila lamang ng ama ang may kakayahan pang kumita sa ngayon. Ngunit heto nga at naaksidente pa ang kaniyang papa.
Ayos lang naman kay Nelly kung magpapahinga ito sa pagtatrabaho. Ang hindi okay sa kaniya ay ang isiping muntik na itong mawala sa kanilang pamilya. Papaʼs girl si Nelly, kaya naman talagang hindi niya kakayanin kung may masamang mangyayari sa kaniyang ama.
Lumipas ang mga araw. Natuon ang atensyon ni Nelly sa kaniyang trabaho at halos wala na siyang oras na makipag-usap sa mga kapatid. Ngunit iyon yata ang isa sa pinakamalaking pagkakamali niya dahil isang araw ay ginimbal sila ng balitang… Pinagsamantalahan ang isa sa mga kapatid niyang babae!
Hindi pa man tapos ang problema nila sa kaniyang amang ngayon ay nagpapagaling pa ay heto na naman ang isa pa! Pakiramdam ni Nelly ay nanghihina siya sa isiping dinanas ng kapatid niya ang ganoong klaseng kasamaan!
Ni walang malapitan ang pamilya nila. Hindi nila alam kung ano ang gagawin. Hindi nila matunton ang mga taong gumawa ng masama sa kapatid ni Nelly, dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin makausap nang maayos ang biktima.
“Kailangan, maipatintin natin siya sa espesyalista. Hindi ko kakayanin kapag may mas malala pang nangyari sa kapatid mo, anak!” hagulhol ng ina ni Nelly sa kaniya.
“Hayaan nʼyo, mama. Gagawa ako ng paraan,” pagbibigay niya naman ng pag-asa rito, kahit na ang totoo, maging siya ay nawawalan na ng pag-asa.
Nasa ganoong sitwasyon si Nelly nang maisipan niyang maglakad-lakad sa labas upang makalanghap man lang ng hangin. Doon ay nasalubong niya ang dating kaibigan at kaeskuwelang si Philip na ngayon ay isa na palang ganap na pari. Nagkakuwentuhan sina Nelly at Father Philip, hanggang sa mabanggit na nga ng dalaga ang problema niya sa kaniyang dating kaibigan.
“Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko, father. Ni hindi ko alam kung kanino ako magkukuwento. Hindi ako puwedeng maging mahina sa mga panahong ito. Mabuti na nga lang at nakita kita.” Pinipigil ni Nelly ang pagpatak ng kaniyang mga luha.
“Humingi ka ng gabay sa Diyos, Nelly. Siguradong hindi ka Niya pababayaan. Idulog mo sa Kaniya ang lahat ng iyong problema at magdasal ka nang taimtim. Siguradong pakikinggan ka Niya,” ang pangaral ni Father Philip kay Nelly.
Ganoon nga ang kaniyang ginawa. Kung noon ay hindi naman siya palasimba, ngayon ay halos araw-araw na siyang dumadalaw sa tahanan ng Diyos. Madalas nga ay isinasama pa niya ang kaniyang pamilya upang sabay-sabay silang magdasal. Dahil doon ay tila lalong tumibay ang kanilang samahan.
Ang mga alinlangan ay unti-unting napawi at napalitan ng lakas ang kanilang pagkabagabag. Nagkaroon sila ng pag-asa, lalo na nang magsimula nang magsalita ang kapatid niya tungkol sa tunay na nangyari at kung sino ang gumawa ng bagay na iyon sa kaniya.
Nang mga panahong iyon ay nakabalik na rin sa trabaho ang kaniyang ama. Unti-unti nang nabibigyang kasagutan ang kanilang mga problema.
“Salamat, ate, sa pagpaparamdam sa akin na nandiyan lang kayo. Hindi nʼyo ako iniwan,” ang maluha-luhang anang kaniyang kapatid habang magkausap sila nang gabing iyon.
“Pamilya tayo. Walang ibang magtutulungan kundi tayo lang. Tandaan mo sana na pʼwedeng pʼwede mo kaming gawing sandalan sa tuwing pakiramdam mo ay nabubuwal ka. Nariyan din ang Diyos. Pakikinggan niya tayo. Siya ang pinakamalakas nating kasangga.”
Isang yakap para sa buong pamilya ang tumapos ng usapang iyon. Simula nang magkaroon sila ng sunod-sunod na problema ay nang gabing iyon lamang sila nakatulog nang mahimbing.
Hindi pa man lubusang nalulutasan ang kanilang problema ay siguradong kakayanin na nilang harapin ang mga iyon sa susunod pa at magdaraan pang mga araw. Basta lagi lamang nilang isangguni sa Diyos ang lahat ay tiyak na hindi sila maliligaw ng landas.