Inday TrendingInday Trending
Dinala sa Ospital ang Isang Lalaki Dahil sa Iniinda Nitong Pananakit ng Tiyan; Gaano Nga ba Ito Kalala at Ano ang Dahilan Nito?

Dinala sa Ospital ang Isang Lalaki Dahil sa Iniinda Nitong Pananakit ng Tiyan; Gaano Nga ba Ito Kalala at Ano ang Dahilan Nito?

“Kumusta ang anak ko? Nasaan siya?”

Napalingon si Alice, 34 taong gulang, sa narinig na tinig mula sa nanay ng kaniyang kinakasamang si Fidel, na ngayon ay nakaratay sa ospital. Ang nanay ni Fidel ay isang 60 taong gulang na nagngangalang Aling Juliet. Kasama nito ang nakababatang kapatid ni Fidel, ang bunso, na si Fely.

“M-Mabuti na ho ang lagay niya. Nasira lang ho ang tiyan sa kinain niya,” naiilang na tugon ni Alice.

Hinarap ni Aling Juliet ang babae.

“Kung ano-anong pinapakain mo sa anak ko! Inaalagan mo ba siyang mabuti? Noong nasa bahay namin siya, hindi ako gumagamit ng mga artipisyal na pampalasa dahil organiko ang gusto niya. Masyado ka namang pabaya!” galit na sumbat ni Aling Juliet sa kinakasama ng kaniyang anak. Inawat naman siya ni Fely at baka tumaas ang presyon ng kaniyang dugo.

“Teka lang ho, huwag naman po kayong magalit sa akin. Malinis po akong magluto. Nagkataon lang ho na lumabas si Fidel at sa labas kumain. Gaya ho ng sabi ko, ordinaryong sira lang ng tiyan iyan. Puwede na ho kayong umalis. Tulog ho siya ngayon at hindi puwedeng istorbohin,” antipatikang sagot ni Alice, habang nagreretouch ng kaniyang make up.

“Aba’t napakaantipaka mo talaga! Hoy baka nakakalimutan mong kinakasama ka pa lamang at hindi ka pa asawa! Wala pang kasulatang legal ang pagsasama ninyo kaya huwag kang umastang parang misis diyan!” galit na sabi ni Aling Juliet. Tumirik lamang ang mata ni Alice at walang sabi-sabing tumalikod na ito.

“Napakabastos naman niyan! Bakit ba nagustuhan ng kuya ang babaeng iyan?!” nanggagalaiting sabi ni Fely sa ina. Nagkibit-balikat naman si Aling Juliet.

“Hindi ko rin alam. Masyadong nabubulagan ang kuya mo sa gandang panlabas niya. Hindi niya nakikita ang tunay nitong pagkatao.”

Pagkatapos ng insidente, kinausap ni Aling Juliet ang doktor na tumingin kay Fidel. Nagulat siya sa kaniyang natuklasan. Masyado raw contaminated ang mga kinakain ni Fidel dahil sa isang uri ng bacteria, na maaaring nakuha nito sa mga pagkaing kinakain nito. Maaari raw kasing hindi masyadong naihahanda nang maayos ang mga pagkain sa bahay, kaya bumigay na ang sikmura ni Fidel.

“Kasalanan ito ni Alice,” naibulong ni Aling Juliet.

“Ma, hinay-hinay lang. Huwag kayong masyadong magalit. Hindi deserve ng babaeng iyon na tumaas pa ang BP ninyo dahil lamang sa kaniya. Kalma lang. Wait, ibibili ko kayo ng tubig sa labas,” sabi ni Fely.

Lumabas si Fely ng kuwarto kung saan nakaratay ang kaniyang kuya. Hinanap niya kung nasaan ang cafeteria ng ospital upang bumili ng tubig. Natagpuan naman niya ito. Subalit nahagip ng kaniyang mga mata si Alice, na may kausap na isang lalaking nakasumbrero at nakajacket. Kitang-kita ni Fely na hindi lamang basta magkaibigan ang dalawa, dahil magkahawak pa sila ng kamay. Maya-maya, napansin niyang tumayo ang dalawa na tila palabas ng ospital. Ipinasya ni Fely na sundan ang dalawa.

“Ma, may pupuntahan lamang ako saglit ah. Mabilis lang ako. Babalik kaagad ako,” paalam ni Fely. Tinawagan niya si Aling Juliet habang sinusundan sina Alice at ang misteryosong lalaki. Magkahawak-kamay pa ang dalawa. Kitang-kita niyang sumakay sa isang pulang kotse ang dalawa.

“Bakit biglaan naman, Feliciana? Saan ka ba pupunta at napakabiglaan naman niyan? Iiwan mo ako rito? Paano kapag nagising ang kuya mo?” medyo nagtatakang tanong ni Aling Juliet.

“Basta, Ma. May kailangan lang akong sundan. Para rin sa iyo ito. Babalitaan kita… bye!”

Hindi inalisan ng tingin ni Fely ang dalawa. Mabuti na lamang at may dumaang taxi, kaya nasundan niya kung saan patungo ang pulang kotse. Makalipas ang halos 40 minuto, pumarada ito sa bahay na binili ng kaniyang Kuya Fidel na dumaan sa Pag-IBIG.

“Anong ginagawa nila rito?” naitanong ni Fely. Kitang-kita niyang pumasok ang dalawa sa loob. Matapos magbayad, palihim na nagtungo si Fely sa gilid ng bahay, sapat upang marinig ang magiging usapan ng mga tao sa loob. Kinuha ni Fely ang kaniyang cellphone at nirecord ang lahat ng pag-uusap na mahahagip nito.

“Medyo malaki rin itong bahay ni Fidel ah. Tamang-tama pala,” sabi ng lalaking misteryoso.

“Oo. Kaya nga mukhang epektibo naman ang plano. Kapag nawala na sa landas ko si Fidel, sa akin mapupunta ang bahay na ito. Ako kasi ang beneficiary niya. Pangatlong beses na siyang nakakahulog dito. Kapag natigok ang may-ari kasi, awtomatikong mapupunta sa beneficiary ang bahay,” boses ni Alice.

Napatda si Fely sa kaniyang mga narinig.

“Salamat sa gamot na nabili ko. Inilalagay ko iyon sa pagkain ni Fidel para manghina siya, at malason. Hindi man ganoon kabilis, paunti-unti namang kakainin ng bacteria ang kaniyang tiyan. Hindi ako mapaghihinalaan. Kasi puwede namang sabihing mahilig siyang kumain sa labas. Ang talino ko, hindi ba?” sabi pa ni Alice at humalakhak pa ito.

Hindi na kinaya pa ni Fely ang kaniyang mga narinig. Napakasamang babae ni Alice! Plano pala talaga nitong mawala sa landas ang kaniyang kuya upang makuha nito ang bahay. Agad siyang bumalik sa ospital at isiniwalat ang katotohanan kay Aling Juliet, gayundin kay Fidel, na noon ay gising na.

Agad na nagsampa ng kaso si Fidel laban kay Alice, at batay sa mga nakalap pang ebidensya at paglilitis, napatunayang guilty ito at nakulong. Kasama rin sa kaso ang lalaking kausap nito, na boyfriend din pala nito.

Laking pasasalamat naman ng pamilya ni Fidel dahil naagapan pa nila ang masamang plano ni Alice. Nangako naman ang binata na kikilalanin muna nang mabuti ang magiging susunod niyang nobya upang makasigurong hindi na mauulit ang ganoong pangyayari.

Advertisement