Laging Napaparangalan Bilang Pinakamahusay na Empleyado ang Lalaki; Subalit Bakit Marami sa Kaniyang mga Kasamahan ang Hindi Kumbinsido Rito?

“Ang ating most outstanding employee ngayong September, walang iba kundi si…”

Parang may tambol na tumugtog sa katahimikan ng isipan ng mga empleyado habang pinakikinggan ang kanilang boss sa pag-anunsyo ng pinakamahusay na empleyado sa buwan ng Setyembre. Dumalo sila sa buwanang pulong na ginaganap sa kanilang kompanya na ang target ay marketing ng mga produkto.

“Sa pangatlong pagkakataon, Howard Oriola!”

Tumayo sa kaniyang pagkakaupo ang tinawag na si Howard, taas-noo, liyad ang dibdib, at inayos pa ang kuwelyo ng kaniyang long sleeves. Nang i-anunsyo ang kaniyang pangalan, may limang segundong katahimikan bago siya pinalakpakan, na tila pilit pa, ng kaniyang mga kasamahan. Hindi malaman kung matutuwa, maiinggit, o hindi lamang sila kumbinsidong deserve nito ang pagkilala.

Sa pagtatapos ng pulong, muling bumalik sa kani-kanilang mga pwesto ang mga empleyado ng naturang kompanya. Ngunit nagkumpulan naman at pabulong na nag-usap-usap ang magkakaibigang Gerald, Joaquin, at Susan, kasama pa ang ibang kasamahan.

“Siya na naman ang most outstanding, Ge.. papayag ka ba niyan? Ikaw na laging nag-iisip naman talaga ng mga konsepto, pero bakit nagagaya niya? Credit grabber talaga iyang Howard na iyan,” sabi ni Susan.

“Oo nga. Si Gerald naman talaga ang nag-propose sa idea na nagustuhan ng mga kliyente natin. Pero dahil iyang Howard na iyan ang nag-volunteer na unang mag-present, bilib na bilib tuloy ang mga boss natin, na kung tutuusin, kay Gerald ko unang narinig,” pagpapatotoo naman ni Joaquin sa iba pa nilang kasamahan.

“Ang tanong kasi rito, paano niya nalaman ang mga detalye ng ating proposal, eh magkaiba naman tayo ng team? As in, kung ano ang idea ni Gerald, iyon din ang ideas niya. Kaya bago pa makapag-present si Gerald, naunahan na siya ng Howard na iyan. Lumabas tuloy na si Gerald ang nanggaya,” pagtatanggol ni Susan sa kaibigan.

Advertisement

“Alam ninyo, noong nagsabi ang ating mga boss na humihingi sila ng proposals para sa marketing campaign ng bago nating kliyente, ang alam ko walang kasama sa team niya ang Howard na iyan. Ayaw raw niya kasing may kasama. Gusto niya, siya lang ang magtatrabaho para lahat ng papuri ay sa kaniya at masolo niya ang incentive,” singit naman ng isa sa kanilang mga kasamahan.

May incentive kasi ang mga empleyado na matatalagang most outstanding employee, kaya naman talagang ginagalingan ng lahat upang makamit ito.

Napapaisip si Gerald. Totoo naman talaga ang mga sinabi ng kaniyang mga kaibigan. Siya ang unang nakaisip ng marketing strategy na nagustuhan ng kanilang bagong kliyente. Hindi niya lamang maintindihan kung paano ito nalaman ni Howard. Hindi naman niya isinama ito sa kaniyang team.

Masinsinan na rin niyang tinanong ang mga kabilang sa kaniyang team kung may “sumabotahe” sa kaniya subalit mahigpit ang paninindigan ng lahat na wala silang sinasabi o ibinibigay na impormasyon kay Howard.

Posible bang magkaroon ng eksaktong ideya ang dalawang tao? Kahit ang maliliit na detalye? Mukhang hindi talaga, maliban na lamang kung ang isa ay nandaya. Iyon ang nasa isip ni Gerald. Maaaring may ginagawang “hokus-pokus” si Howard na kailangan nilang matuklasan.

Nang sumunod na mga araw, sa oras ng lunchbreak, nagkataong nagkasabay kumain ang grupo ni Gerald at ang mag-isa lamang na si Howard. Halos magkatapatan lamang ang kanilang mesa.

“Oh guys, kailan nga natin pag-uusapan ang plano natin para sa susunod na kliyente?” sinadya ni Susan na lakasan ang kaniyang boses. Kumunot naman ang noo nina Gerald at Joaquin. Nandilat naman ang mga mata ni Susan na tila nagpapahiwatig na sakyan na lamang siya.

“Ahh… oo, k-kuwan, mamaya after this? Doon ulit sa conference room. For sure magugustuhan iyan ng kliyente,” tugon naman ni Gerald.

Advertisement

Dire-diretso lamang sa pagkain si Howard. Mabilis nitong tinapos ang kinakain, at pagkaraan ay bumalik na sa trabaho.

Matapos kumain, binulungan ni Susan sina Joaquin at Gerald. “Nakahanda na ang CCTV camera sa conference room. Hindi iyan mapapansin.”

“Sigurado ka bang effective ito? Baka nagsasayang lang tayo ng oras dito ah. Paano tayo makakasiguro sa balak mo?” tanong ni Joaquin.

“Akong bahala. Paano natin malalaman kung paano siya nakakakuha ng mga impormasyong magaganda tapos ginagawa niyang kaniya kung hindi natin gagawin ito? Oo suntok sa buwan ito, pero ito lang ang paraang alam ko,” sagot ni Susan.

Matapos ang pananghalian, makapagsepilyo at makapag-ayos ng sarili, dumiretso na sina Susan, Joaquin, at Gerald sa conference room upang pag-usapan ang kanilang marketing strategy, na tumagal ng halos dalawang oras.

Dahil kunwari o pain lamang nila ito, silang tatlo lamang at hindi na isinama pa ang iba nilang kasama sa team. Bago umalis matapos ang kunwariang pulong, lumapit si Susan sa dulong bahagi ng mesa.

“Sabi ko na nga ba eh! Anong ginagawa mo riyan sa ilalim ng mesa?”

Parang nakakita ng multo ang tinutukoy ni Susan na nasa ilalim ng mesa. Walang iba kundi si Howard! Kinuwelyuhan nina Joaquin at Gerald ang lalaki, itinayo at hinawakan sa magkabilang bisig.

Advertisement

“Hayop ka! Kaya pala nalaman mo ang ideas namin dahil ninanakaw mo! At huwag kang magkakamaling mag-deny, dahil walang matinong empleyado ang magsasayang ng oras niyang magtago sa ilalim ng oras sa kalagitnaan ng working hours. So anong ginagawa mo, ninanakaw mo ang mga ideas naman? May CCTV kami kaya wala kang kawala!” galit na sabi ni Gerald.

Hindi naman magkandatuto si Howard sa pagpapaliwanag. Humingi siya ng paumanhin sa tatlo.

“P-pasensiya na kayo, hindi ko naman sinasadya. Kailangang-kailangan ko kasi ang incentive para may maipanggamot sa nanay ko. Huwag ninyo akong isumbong, kailangan ko ang trabahong ito para sa pamilya ko!” pagmamakaawa ni Howard.

“Lahat naman tayo may dahilan kung bakit tayo nagtatrabaho. Lahat tayo may pinaglalaanan at may sinusuportahan. Pero ang amin lang, lumaban ka naman nang patas! Huwag kang mandaya,” galit na sabi ni Susan.

Hindi nila pinalagpas ang mga pangyayari at agad na ipinagbigay-alam sa kanilang mga boss. Dismayadong-dismayado ang pamunuan kay Howard dahil ito pa naman ang kanilang most outstanding employee.

Inamin naman ni Howard ang mga ginagawa niyang pagtatago sa mesa sa conference room kapag alam niyang may magaganap na brainstorming ng iba’t ibang team, upang makuha siya ng mga ideya.

Agad na binawi ang kaniyang parangal at tinanggal sa trabaho upang hindi na pamarisan pa ng iba. Samantala, napunta naman sa team ni Gerald ang pagkilala bilang most outstanding employee dahil sa kanila naman talaga ang marketing strategy na inilahad ni Howard sa pamunuan.

Magsisi man si Howard ay wala na iyong talab sa kanilang boss. Umuwi siyang luhaan at walang trabaho, ngunit bitbit niya rin ang aral na hinding-hindi na uulit pa sa ganoong klase ng gawain. Kailanma’y hindi naging tama ang pagnanakaw ng anumang bagay.