
Ginawa ng Lalaki ang Lahat Upang Maging Maganda ang Kaniyang Wedding Proposal; Magtagumpay Kaya Ito?
Plantsado na ang lahat para gaganaping wedding proposal. Tiniyak ni Edwin na matutuwa si Andrea sa mga natatagong sorpresa para sa dalaga. Isa-isa niyang tinawagan ang catering, ang kanilang mga kaibigan at kaklase noon pang hayskul, at ang mga kaanak ni Andrea. Walang kamalay-malay si Andrea sa mga magaganap.
First year high school pa lamang sila, alam na sa sarili ni Edwin na may espesyal na espasyo si Andrea sa kaniyang puso. Ginawa niya ang lahat upang mapalapit dito, na hindi naman siya nabigo. Hanggang sa kolehiyo, naging magkasama pa sila sa pamantasan, kahit na magkaiba ang kanilang kurso.
Natatawa pa si Edwin kapag naaalala niya kung anong estratehiya ang ginawa niya upang malaman lamang ang sukat ng singsing ni Andrea para sa wedding proposal.
“Para saan?” nagtatakang tanong ni Andrea habang kumakain sila sa isang restaurant na madalas nilang pinagkakainan.
“Gusto ko lang magpagawa, bakit ba?” kaswal na sabi naman ni Edwin.
Nang ayaw nitong pumayag na ibigay ang isa sa mga singsing, kinausap niya ang pinakamatalik na kaibigang babae ni Andrea na si Juvy.
“Sige na Juvy, parang awa mo na. Ayaw niyang ibigay yung singsing. Pero sana huwag kang magpapahalata,” pakiusap ni Edwin kay Juvy.
“Alam mo, kinikilig ako. Mahal na mahal mo talaga si Andrea ‘no?” humahangang tanong ni Juvy.
Marahang tumango-tango si Edwin.
“Mahal na mahal ko siya, Juvy. Alam mo naman iyan noon pa. Kaya nga ang gusto ko lang sa kaniya, kung saan siya masaya. Kaya tulungan mo na akong makuha ang sukat ng singsing niya para sa wedding proposal,” muling pakiusap ni Edwin kay Juvy.
“Oh sige na nga. Malakas ka sa akin eh. Alam mo, huwag na lang si Andrea ang mahalin mo. Marami namang babae diyan,” pabirong sabi ni Juvy sabay hawi pa ng buhok.
“Sino naman?” tanong ni Edwin.
“Eh ‘di ako! Sino pa ba? Joke lang. Alam ko namang mahal na mahal mo si Andrea. Kung alam lang niya kung gaano mo siya kamahal…”
“Oo na, huwag na paulit-ulit, Juvy. Basta ha? Kunin mo sana sa lalong madaling panahon ang sukat ng singsing ni Andrea,” huling pakiusap ni Edwin.
Mabuti na lamang at naitago at naingatan ni Edwin ang slam book ni Andrea na pinasagutan nito sa kaniya noong sila ay nasa third year high school pa lamang. Uso pa ito noon. Nakalimutan na nitong kunin mula sa kaniya, na hindi na niya matandaan kung bakit nga ba hindi na naibalik pa rito.
Nakadetalye rito ang mga paboritong kulay, bagay, numero, pagkain, lugar, pangarap na wedding proposal, at pangarap na kasalan. Tinandaang lahat ito ni Edwin.
At dumating na ang araw ng wedding proposal. Batay sa slam book, pangarap ni Andrea na maganap ito, kung sakali, sa Tagaytay na tanaw ang bunganga ng Bulkang Taal.
Sa tulong ng iba pa nilang mga kaibigan na kinuntsaba ni Edwin, na sinabihan niyang kunwari ay may out of town sila sa Tagaytay, nadala nga nila si Andrea sa venue. Takang-takang si Andrea at gulat na gulat kung bakit halos ang mga kaanak niya at kaibigan ay naroon. Maya-maya, lumitaw na si Edwin.
“Edwin… oh my gosh… anong ibig sabihin nito?” tanong ni Andrea.
Ngumiti si Edwin. At lumitaw mula sa kaniyang likuran ang matalik nitong kaibigang si Gregory, ang kasintahan ni Andrea. Iniabot ni Edwin kay Gregory ang singsing na ipinagawa niya sa tulong ni Juvy.
Lumapit si Gregory kay Andrea, lumuhod sa harapan nito. Binuksan nito ang kahitang naglalaman ng singsing na ipinagawa ni Edwin. Tinanong nito ang “Will you marry me?” na sinagot naman ni Andrea ng “Yes!”
Hindi magkamayaw ang hiyawan, palakpakan, at kantiyawan ng lahat, kabilang si Edwin, na masayang-masaya para sa kaniyang matalik na kaibigang si Gregory, dahil magpapakasal na ito kay Andrea.
Subalit nagdurugo ang puso ni Edwin, dahil noon pa man, mahal na mahal na niya si Andrea. Takot na takot siyang ipagtapat kay Andrea ang nararamdaman noon. Subalit nang malaman niyang mahal din pala ito ng matalik na kaibigang si Gregory, nagparaya siya.
Isang event organizer si Edwin, kaya nang hingin ni Gregory ang tulong niya para sa plano nitong wedding proposal para kay Andrea, makapitong ulit niyang inisip kung papayag ba siya. Masakit makita ang kaisa-isang babaeng minahal mo sa buong buhay mo, na mapupunta sa iba, lalo’t ikaw pa ang mag-aasikaso upang mangyari ito.
Subalit mahal niya rin ang matalik na kaibigan. Alam niyang mahal na mahal din ni Andrea si Gregory. Kaya masakit man sa kaniyang makitang masaya ito sa piling ng iba, masaya na rin siya para sa kanila.
Lumapit si Andrea kay Edwin at niyakap ito nang mahigpit.
“Walang hiya ka! Kaya pala kinukuha mo ang singsing ko, ikaw pala ang may pakana nito! Ang ganda ng pagkakagawa ng set-up dito, I love it! Edwin, ngayon pa lang, sinasabihan na kita, ikaw ang best man ni Gregory sa kasal namin, okay?” pasasalamat ni Andrea.
“Sus, wala ‘yon! Maliit na bagay. Ganiyan kita kamahal… ganiyan ko kayo kamahal…” sabi ni Edwin, habang nakatingin sa kaniya si Gregory at nagpapasalamat sa pamamagitan ng “ok sign.”
Naniniwala si Edwin na ang tunay na pag-ibig ay mapagparaya. Darating din ang tamang babae para sa kaniya… sa takdang panahong ipagkakaloob Niya.