Inday TrendingInday Trending
Nilimot ng Ginang ang mga Kapatid nang Umunlad sa Buhay, Anak Niya ang Siyang Nagbigay Aral sa Kaniya

Nilimot ng Ginang ang mga Kapatid nang Umunlad sa Buhay, Anak Niya ang Siyang Nagbigay Aral sa Kaniya

“Ate Windy! Grabe, ang ganda-ganda mo pa rin! Mas lalo kang naging bata sa suot at make-up mo!” bati ni Marie sa nakatatanda niyang kapatid, isang araw nang dumalaw ito sa kanilang probinsya upang tumingin ng mga pinagbebentang lupa roon.

“Siyempre naman, sinong hindi gaganda kapag galing abroad ang damit at make-up mo? Bukod pa roon, tingnan mo ‘tong bagong padalang hikaw at kwintas ng anak ko, ang gara, hindi ba?” pang-iinggit ni Windy saka bahagyang ipinakita ang kaniyang tainga at leeg.

“Naku, ate, mukhang mamahalin ‘to, ha?” sambit nito saka tinitigan at hinawakan ang kaniyang alahas dahil sa sobrang pagkamangha.

“O, huwag mong hawakan! Baka biglang mapiktal, alam mo namang manipis lang ang kwintas, hahawakan mo pa!” bulyaw niya dahilan upang mapatalon sa gulat ang kaniyang kapatid.

“Ay, pasensiya na, ate, natuwa lang naman ako sa mga alahas mo, dati kasi, kahit tig-iisang daang relo sa bangketa, hindi tayo makabili,” kamot-ulong sagot nito.

“Dati ‘yon, at kung naiinggit ka o nais mong humingi ng pera, wala akong ibibigay sa’yo, tigilan mo na ang pambobola sa akin!” sigaw niya pa saka mabilis na umalis sa tapat ng bahay ng naturang kapatid. Naiwan naman itong takang-taka sa ugaling ipinakita niya.

Laki sa hirap ang panganay sa limang magkakapatid na si Windy. Bata pa lang siya nang mamulat na siya sa hirap ng buhay. Labing-isang taon pa lang siya noong mawala ang kaniyang inang tanging bumubuhay sa kanilang limang magkakapatid dahil sa sakit sa puso. Simula noon, siya na ang nagbanat ng buto para mabuhay ang apat pa niyang mga kapatid na noo’y mga wala pang muwang sa buhay.

Halos araw-araw, para siyang nakikipagsapalaran sa buhay. May mga araw na nakararanas siyang manlimos para lamang may makain silang magkakapatid. May mga araw namang sinuswerte siya’t nakahihingi ng asukal o asin sa kapitbahay dahilan upang makatipid siya sa ulam at tanging bigas na lang ang kaniyang bibilhin. May mga araw ding, itinutulog na lang nila ang gutom dahil wala siyang nalimos kahit na isang kusing.

Ang hirap na dinanas ang ginawa niyang inspirasyon upang umangat sa buhay. Ginamit niya ang utak upang makaahon sa kahirapan. Pinatulan niya ang isang matandang lalaking may gusto sa kaniya dahilan upang makapag-aral silang magkakapatid.

Ngunit tatlong taon bago siya makapagtapos ng pag-aaral, bigla na lang sumakabilang buhay ang matanda dahilan upang lahat sila’y tumigil sa pag-aaral. Doon na siya napilitang magtrabaho sa Maynila at doon niya nakilala ang isang lalaking nakatuwang niya roon sa buhay kahit pa tanging pangkain lang sa araw-araw ang mayroon sila.

Nabiyayaan sila ng isang anak na talaga nga namang pinagpala sa katalinuhan. Ito ang siyang nag-angat sa kaniya sa buhay lalo pa nang ito’y tumanda na’t mangibang-bansa.

Ngunit kasabay nang pag-angat niya mula sa hirap, lumaki rin ang kaniyang ulo’t nalimot na ang mga kapatid na naiwan sa probinsya. Noong araw na ‘yon, kahit pa ayaw niyang bumalik sa lugar kung saan nakatira ang mga kapatid, pinilit siya ng kaniyang anak na tumingin ng mga lupang binebenta roon, mura lang kasi’t malapit pa sa bayan dahilan upang magtungo nga siya roon.

Matapos niyang masungitan ang bunsong kapatid, bigla na lang siyang nakatanggap ng tawag sa employer ng anak sa abroad na labis niyang ikinagulat.

“Ma’am Windy, ikinalulungkot ko po, nagpakatiw*kal po ang anak niyo. Hindi niya po nakayanan ang lungkot at hirap dito sa abroad. Nakita po namin ang mga sulat niya sa inyo, nais niyang ibalik mo ang dating pagmamahal mo sa mga kapatid mo,” sambit nito dahilan upang mapaluhod na lang siya dahil sa panlulumo.

Ilang araw lang ang lumipas, dumating na nga rito sa Pilipinas ang bangk*y ng kaniyang anak. Halos itapon niya lahat ng alahas at damit na suot dahil sa sobrang pagsisi. ‘Ika niya, “Anak ko, mas importante ka kaysa sa mga alahas at ibang gamit na pinapadala mo! Bakit ka ganyan?! Sana pala hindi na kita pinangibang-bansa!”

Labis na nakiramay ang kaniyang mga kapatid. Tinulungan siya ng mga ito na lumigaya sa kabila ng sakit na nararamdaman at doon niya napagtantong kahit pala labis ang pagsasakripisyo niya noon, nabalewala lahat ng ito dahil sa ugaling ipinakita niya sa mga ito nang siyang magkaroon at umnagat sa buhay.

Nawalan man siya ng anak, aral naman ang iniwan nito sa kaniya. Aral na babauinin niya hanggang sila’y magkitang muli sa paraisong pinapangarap niya.

Advertisement