Labis na Ikinakahiya ng Binatilyo ang Trabaho ng Kaniyang mga Magulang; Di Niya Inaasahang Ito Pala ang Makakapagpabago sa Kaniyang Buhay
Patapos na ang grading period at kinakailangan na namang dumalo ng mga magulang sa meeting tungkol sa estado at grado na kanilang mga anak para sa grading period na iyon.
“Okay class, ibigay ninyo iyang sulat sa magulang niyo ha? Kailangan makadalo sila sa nalalapit na meeting. Hayskul na kayo at graduating, kailangan malaman nila ang mga detalye tungkol sa magaganap na graduation ceremony!” paalala ni Teacher Rica sa kanyang advisory class.
“Opo, ma’am!” sabay-sabay na tugon naman ng mga estudyante.
“Kung gayon, pwede na kayong makauwi. Mag-iingat kayo ha?” paalala pa ng guro. Napatingin siya kay Gelo, isa sa kanyang estudyante at kinausap ito, “Gelo, maiwan ka ha? Kailangan kitang makausap,” dagdag naman nito.
“Ma’am, ano po iyon?” magalang na tanong ni Angelo.
“Ilang grading period na ang nakalipas, pero kahit isang meeting hindi nakadalo ang kahit sino sa iyong magulang. Honor student ka pa naman. Ano ba ang dahilan at hindi sila nakakapunta?”
“Ah, kasi ma’am… ano po…” ‘di makasagot si Gelo. Bakas sa mukha ng binatilyo ang kaba. “Yung tatay ko po kasi nagtra-trabaho po sa ibang lugar, tapos nasa abroad po ang nanay ko. Doon po siya nagtra-trabaho,” dagdag pa ng lalaki.
“Ganoon ba? E sino ang nag-aasikaso sa’yo at sa mga kapatid mo? May maaari bang magpunta rito para um-attend sa meeting?” tanong muli ni Teacher Rica.
“Lola ko po ang nag-aalaga sa amin. Pero may nararamdaman na po kasi ang lola ko, kaya hindi rin po makakapunta. Susubukan ko na lang po na sabihan ang tita ko,” paliwanag ni Gelo.
Nagmamadaling nagpaalam ang estudyante. Kinuha nito ang gamit at mabilis na lumabas ng silid-aralan.
Hindi naman maintindihan ng guro kung bakita ganoon ang naging reaksyon ng kanyang estudyante. Mabait naman si Gelo, matalino, masipag at masinop ito, pero bakit napakailap nito ‘pag patungkol na sa magulang ang usapan.
Kinabukasan, araw ng Sabado noon. Maagang nagtungo si Teacher Rica sa palengke upang mamili sana ng mga pang-ulam nang mahagip ng mata niya ang isa pamilyar na mukha.
“Gelo?” tinapik ng guro ang binatilyo sa balikat. “Ikaw nga, kumusta Gelo? Sinong kasama mo rito?”
Namutla naman ang binatilyo nang makita ang guro. “M-ma’am…” nauutal na sabi nito.
“Ma’am Rica, ikaw pala iyan. Kumusta po kayo?” bati naman ng isang ginang sa likuran ni Gelo.
“Aling Berna, ikaw pala! Namimili lamang po ako ng mga pang-ulam,” tugon naman ng guro.
“Kasama ko pala itong anak ko, si Gelo. Fourth year hayskul na ito at graduating na. Nag-aaral po siya kung saan kayo nagtuturong paaralan pala,” pagmamalaki naman ng ale.
“Ah, e, opo. Estudyante ko nga po siya sa klase ko,” tila ba naiilang na sabi naman ng guro.
“Aba, nakakatuwa po pala kung ganoon. Hindi po kasi ako nakakapunta sa paaralan. Wala naman daw kasing mga aktibidades na kailangan pumunta ang magulang, sabi nitong si Gelo,” saad pa ng ale.
Napatingin naman si Teacher Rica sa estudyante. Nakayuko lamang ito at hindi umiimik.
“Ma’am Rica, pag may mga extra kayong papalabhan ng pamilya mo o ipapa-plantsa, sabihan mo lang ako agad ha? Para may extra akong kita rin,” alok naman ni Aling Berna.
“Opo. Sasabihan po agad namin kayo. Mauna na rin po ako, Aling Berna. Mag-ingat po kayo ha?” tumingin muli ang guro kay Gelo at nagpaalam rin, “Gelo, mag-ingat ha?”
Tumango lang ang binatilyo ngunit hindi pa rin ito makatingin sa kanyang guro sa sobrang kahihiyan na nararamdaman.
Habang naglalakad ay hindi pa rin lubos maisip ni Teacher Rica kung bakit nagsinungaling sa kanya ang estudyante. Ano kaya ang rason nito?
Araw ng Lunes, napansin ng guro na nakayuko lamang si Gelo at walang imik sa klase. Minabuti niyang kausapin ito at tanungin kung anong problema.
“Gelo, maaari ko bang itanong kung anong problema? Ano ang dahilan kung bakit nagsinungaling ka sa akin?” malumanay na tanong ng guro.
Ngunit nakayuko lamang ang estudyante. Maya-maya ay pumatak na ang luha nito sa mata.
“Pwede mong sabihin sa akin lahat ha? ‘Wag kang mahihiya. Makikinig ako,” dagdag pa ni Teacher Rica.
“Ikinakahiya ko po kasi ang magulang ko…” nakakagulat na pahayag ng binatilyo.
“B-bakit naman, Gelo?”
“Ang mga kaklase ko kasi, nasa abroad ang mga magulang! Lahat sila maayos ang buhay at may magagandang trabaho ang magulang. Pero yung tatay ko janitor tapos yung nanay ko labandera at plantsadora lang! Nahihiya ako!” pag-amin naman ng estudyante.
“Pero bakit, Gelo? Anong nakakahiya sa trabaho ng nanay at tatay mo?”
“Hindi ganoon kataas ang trabaho nila gaya nung sa mga kaeskwela ko. Lahat sila nabibili ang gusto kasi maayos ang trabaho ng magulang nila. Pero ang magulang ko, ganoon lamang! Nahihiya ako!” hagulgol pa ng binatilyo.
“Gelo, makinig ka may titser ha? Alam mo, walang nakakahiya sa trabaho ng mga magulang mo. Ang totoo niyan, dapat nga maging proud ka pa sa kanila, dahil marangal ang hanapbuhay nila.
Maaaring hindi ganoon kalaki ang kinikita nila, pero lahat naman ay ginagawa nila para matugunan ang pangangailangan niyo. Wala namang perpektong magulang, Gelo. Pero sa nakikita ko, lahat ay ginagawa ng magulang mo para lamang mabigyan kayo ng maganda kinabukasan.
Noong nakaraan na naglaba sa amin si Aling Berna, alam mo bang proud na proud daw siya sa anak niya, dahil lumaking matalino, masipag at mabait. Kaya nga daw siya kumakayod ng sobra ay para mabigyan kayo ng magandang kinabukasan. Noong nakaraang araw ko nga lang nalaman na ikaw pala yung ‘anak’ na tinutukoy niya.
Mahal na mahal ka niya, Gelo. Sana ay nakikita mo rin iyon. Lahat ng mayroon ka ngayon at kung nasaan ka man ngayon, dahil iyon sa pagmamahal ng magulang mo sa’yo. Kaya wag ma wag mo sanang mamaliitin ulit ang mga magulang mo.
Kaya pag-uwi mo. Hawakan mo ang kamay nila. Haplusin mo ang mga palad niya. Kung gaano kagaspang at kakapal ang kanilang palad ay ganoon rin ang sakripisyong ginawa nila para sa inyo. Sana ay matutunan mo ring maging proud sa kanila,” maluha-luhang paliwanag naman ng guro.
“S-salamat po, Teacher Rica,” iyak pa ni Gelo.
Niyakap lang ng guro ang kanyang estudyante at saka muling nagsalita. “Ang nanay ko noon, tindera ng kakanin kung saan-saan, pero tingnan mo, napatapos niya ako at ang kuya ko dahil dun. Kaya sana Gelo, ang tingnan natin ay yung mga sakripisyong ginagawa nila at hindi kung gaano kataas o kababa ang estado ng trabaho nila.”
Umuwi si Gelo sa kanila. Nadatnan niyang nag-uusap at nagtatawanan ang kanyang nanay at tatay. Yumakap siya rito at saka naupo sa harapan ng mga ito.
Kinapa niya ang kamay ng mga magulang. Magagaspang at may mga makakapal na kalyo ang mga ito. Pananda na batak sa trabaho ang mga ito. Naluha lamang si Gelo at muling yumakap sa mga ito.
“Nay… tay… gusto ko lang pong sabihin na proud na proud ako sa inyo at sobrang mahal na mahal ko kayo,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Gelo.
Nagkatinginan naman ang mga magulang ng binatilyo at ngumiti. Tumayo ang ama ni Gelo at saglit na pumasok sa kwarto. Paglabas nito ay may dala-dala na itong malaking kahon na ipinatong sa harapan ng anak.
“A-ano po ito, tay?” naguguluhang tanong ni Gelo.
“Buksan mo, anak!”
Napaluha si Gelo nang makita ang laman ng kahon. “L-laptop po?”
“Oo, anak. Gusto rin namin malaman mo ng proud na proud kami sa’yo ng nanay mo at mahal na mahal ka namin. Iyan ang munting regalo namin para sa graduation mo. Alam kong matagal mo nang gusto iyan kaya pinag-ipunan talaga namin ‘yan para sa’yo.
Magagamit mo iyan sa kolehiyo. ‘Wag kang mag-alala, pagtatapusin ka namin, anak. Gagawin namin ang lahat maigapang lamang ang pag-aaral mo. Congratulations, anak! Napakaswerte namin sa iyo,” pahayag pa ng ama ng binatilyo.
“Nay… tay… maraming salamat po!” hindi mapaglagyan ang saya ni Gelo. Muli niyang niyakap ang mga magulang.
Isinama ni Gelo ang kanyang magulang noong meeting para sa graduation ceremony. Nagtapos siya ng salutatorian sa buong campus. Proud na proud na siya noong ipakilala ang kanyang magulang. Hindi siya nahihiya na makita na ito ng iba. Napagtanto niya na mahirap man sila at hindi man ganoon kalaki ang kinikita ng magulang niya, puno naman sila ng pagmamahal at lahat ng sakripisyong ginagawa ng magulang niya ay para rin sa kanila.
Nakakuha ng scholarship si Gelo sa isang kilalang unibersidad. Nagtrabaho din siya bilang part time crew sa isang fast food restaurant upang hindi maging ganoon kabigat para sa magulang niya ang pagpapaaral.
Kahit na ilang panahon na ang lumipas, labis pa rin nagpapasalamat si Gelo sa aral na iniwan sa kanya ni Teacher Rica. Ito ang nagbukas ng mga mata niya sa katotohanan.
Walang perpektong magulang, pero lahat naman ay kaya nilang isakripisyo para sa ikabubuti ng kanilang mga anak. Kayo, mga kaibigan? Kailangan ninyo huling sinabing “proud” kayo at mahal na mahal ninyo ang inyong mga magulang? Kung hindi pa, ito na ang tamang pagkakataon upang ipaalam ninyo sa kanila.