Kung Ano-ano ang Sinasabi ng Babae Dahil Lamang Natagalan ang Doktor na Gagamot sa Kaniyang Anak; Napaluha na Lamang Siya nang Malaman ang Tunay na Dahilan Nito

Kung Ano-ano ang Sinasabi ng Babae Dahil Lamang Natagalan ang Doktor na Gagamot sa Kaniyang Anak; Napaluha na Lamang Siya nang Malaman ang Tunay na Dahilan Nito

HeartbreakingKarmaStories

Galit na galit at halos magwala si Aling Vina sa ospital dahil sa nakikitang kalagayan ng anak. Naaksidente kasi sa motor ang bunso niya ilang araw lamang ang nakakaraan. Comatose ito at kritikal pa rin hanggang ngayon.

“Ano na? Nasaan na ba ang doktor na naka-assign sa anak ko?! Nag-aagaw buhay na yung anak ko tapos ano? Nasaan na ang doktor na ‘yan?” sigaw ni Aling Vina sa may hallway ng ospital.

“Ma’am, kumalma po kayo. Papunta na raw po si dok. ‘Wag na po kayo mag-alala. Siya po ang pinakamagaling na doktor dito kaya’t wala po kayong ipangamba,” pagkalma naman ng isang nars sa ale.

“Anong klase ‘yan? May mas mahalaga pa ba kaysa sa buhay ng pasyente nila? Ano bang pinagkakaabalahan nila at may emergency na, ang kupad-kupad pa rin!” bwelta pa ng ginang na halatang nauubusan na ng pasensya.

“Kumalma na po kayo ma’am. Ginagawa na po ng mga kasamahan ko ang lahat upang maisaayos po ang anak ninyo. Inihahanda na po ang anak niyo para sa operasyon kaunting pasensya lang po talaga dahil may malaking dahilan po si dok kaya medyo natagalan lamang po,” paliwanag pang muli ng babaeng nars.

“Anong klase kayo? ‘Pag sa’ming mahihirap ganyan kayo!” singhal pa ng ale.

Hindi na mapakali ang galit na ginang dahil sa sobrang pag-aalala sa anak. Ano na lamang gagawin niya kapag nawala ang anak niya. Hindi niya kakayanin ito pag ganoon.

Lima, sampu, hanggang dalawampung minuto pa ang lumipas, dumating din ang doktor. Mugto at pulang-pulang ang mata nito. Nagbigay ito ng isang pilit na ngiti sa mga kasama at saka tumango-tango.

“Sa wakas! Malalagutan na ng hininga ang anak ko tapos mahuhuli pa ng dating. Para saan pa ang sinumpaan niyong magliligtas ng buhay,” pasaring pa ng ale.

Akmang papasok na sana ang doktor sa operating room nang bigla itong mapatigil. Humarap siya sa ale at tiningnan ito ng mata sa mata. Huminga ng malalim ang doktor, ngumiti at nagsalita:

“Pasensya na po kayo misis. May importanteng dahilan lamang po ako kaya nahuli ako ng kaunti. Pero pangako, gagawin ko po ang lahat upang mapagaling ang anak ninyo. Alam kong mahirap para sa isang magulang ang makitang nahihirapan ang anak, pero pangako, ililigtas ko po siya,” saad ng doktor at saka tuluyang pumasok sa operating room.

Namuo ang d*ugo sa ulo at ibang parte ng katawan ng pasyente kaya’t tumagal ng halos limang oras ang naging operasyon.

Pagkatapos ng matagal na pag-iintay, lumabas ang doktor mula sa operating room.

“Success po ang operasyon. Stable na po ang kalagayan niya. Intayin na lamang po magising ang pasyente. Papadaanan na lamang din po namin siya ng antibiotics at iba pang gamot sa suwero. Wala na po kayong dapat ipag-alala. Ligtas na po siya,” pahayag ng doktor sa ginang.

“Salamat naman sa Diyos!” sabi ng ginang na halatang may pagkainis pa rin sa tono ng boses.

Ngumiti na lamang ang doktor at saka nagpaalam. Tila ba nagmamadali ito at may hinahabol na oras.

“Late na nga dumating, nagmamadali pang umalis. Anong doktor ba naman iyan?!” mahinang reklamo na naman ni Aling Vina.

Narinig ito ng babaeng nars na kausap kanina. Lumapit ito sa ginang at saka kinausap sa isang tahimik na lugar.

“Alam po ba ninyo ang dahilan kung bakit parang lugmok si dok at nagmamadali?” tanong ng nars.

“Kailangan kumita ng pera s’yempre. Ano pa nga ba? Mas maraming pasyente mas maraming kita!” tugon naman ng ginang.

“Ganyan po ba talaga ang tingin ninyo? Pasensya na po misis, pero hindi po ba ninyo naisip na tao rin sila at may problema rin tulad natin?” tumingin ang nars nang mata sa mata sa ale.

“B-bakit?” tanong ni Aling Vina.

“Ma’am… naaksidente po kasi ang nag-iisang babaeng anak ni dok noong pauwi ito ilang araw lamang ang nakalilipas. Nasagasaan ng motor ang anak niya habang pauwi ito galing ekswela. Lasing daw po kasi ang drayber kaya’t hindi napansin ang batang babae na naglalakad,” paliwanag ng nars.

Napatakip naman ng bibig ang ginang. “I-ibig mong sabihin…” hindi na nito natuloy pa ang sasabihin.

“Opo, ma’am. Anak niyo po ang nakasagasa sa anak ni dok. Ang doktor na nagbigay ng lunas sa kritikal niyong anak, ang siyang ama ng batang babae na pumanaw, dahil nasagasaan ng mismo niyo rin pong anak. Alam po ni dok iyon… pero trabaho po niya ang sumagip ng buhay, kaya’t ginawa niya ang tama at iniligtas pa rin ang anak ninyo.”

Labis na nagdadalamhati si dok at nag-aasikaso sa burol ng kanyang anak, pero inuna niya po kayo… inuna niyang sagipin ang buhay ng taong kum*til sa buhay ng anak niya. Kaya sana ma’am, maintindihan ninyo si dok. Nakita niyo po siguro kung gaano kalaking sakripisyo ang kaniyang ginawa,” maluha-luhang sabi ng nars.

Napahagulgol naman ang talakerang ginang sa narinig. Hindi niya lubos maisip kung ano kaya ang nadarama ng doktor kanina. Gaano kaya kasakit na gamutin ang taong dahilan ng pagkawala ng pinakamamahal na anak niya?

Tumayo si Aling Vina at patakbong hinabol ang doktor. Swerte niyang nakita itong kapapalit lamang ng damit at naghahanda nang pauwi.

“Dok…” malumanay na pagtawag ng ginang. Bago pa man bumuka ang kaniyang bibig ay nauna nang bumagsak ang kaniyang mga luha.

“A-ano po iyon, misis?” tanong ng doktor na malungkot ang boses.

“S-sorry… ngayon ko lamang po nalaman. Ako na po ang humihingi ng paumanhin sa nagawa ng anak ko. Alam kong walang kapatawaran ang nagawa niya. Kaya taos puso akong humihingi ng paumanhin.

Naiintindihan ko naman po kung ipagpapasa-batas na ninyo ang mga susunod, pero nagpapasalamat ako na iniligtas niyo pa rin ang anak ko…” umiiyak na pahayag ng ale.

“Tungkulin ko po na magligtas. Kahit sino pa ang nasa harapan ko, kung nangangailangan ng tulong ay kailangan kong bigyan nito. Labas na po ang personal na nararamdaman ko sa sinumpaan kong tungkulin.

Pero hindi na po kami magsasampa ng kaso sa anak ninyo. Napakalaki na ng tinamo niyang pinsala sa katawan, hindi niya kakayanin sa kulungan sa ganoong kalagayan. Alagaan na lamang po ninyo siya. Sana ay maging aral na lang din po ‘to sa kaniya at sa nakararami,” tugon naman ng doktor.

“P-pero dok… Paano? Bakit?” naguguluhang tanong naman ni Aling Vina.

“Nawalan na po ako ng anak. Sapat na yung sakit na nadama ko. Hindi ko na nais maramdaman pa ng iba iyon. Kung papabayaan kong mawala ang anak ninyo o kung ipakulong ko man siya, parang ipinasa ko na rin sa inyo ang sakit na nararamdaman ko. Ayoko po ng ganoon. Hindi na rin naman maibabalik ang buhay ng anak ko.

Sabi nga ng Diyos sa Mga Taga-Colosas 3:13 — magpasensiya kayo sa isa’t isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.

Kung ang Diyos nga ay nagpapatawad. Ako pa kayang tao at lingkod lamang Niya,” saad ng butihing doktor.

Napahagulgol lalo ang ginang sa mga narinig. Hindi niya aakalaing ganoon kabuti ang puso ng doktor.

Lumapit ang doktor kay Aling Vina at saka yumakap rito.

“Ayos na po iyon. Ipagdasal na lamang din ninyo ang anak ko. Pinapatawad ko na po ang anak niyo, gaya nang kung paano tayo pinatawad ng Diyos sa mga kasalanan natin,” dagdag pa ng doktor.

“S-salamat po dok…” iyak pa ng babae.

Nagpaalam ang doktor noon ang umuwi na. Naiwanang tulala lamang si Aling Vina sa chapel ng ospital.

Nagdasal siya para sa kaluluwa ng pumanaw na anak ng doktor at inihingi ng tawad ang nagawa ng anak. Inihingi rin niya ng tawad ang panghuhusgang ginawa niya sa doktor noong natagalan ito ng pagpunta.

Natutunan ni Aling Vina ang napakalaking aral. Hindi tamang humusga agad sa isang tao dahil hindi natin alam ang tunay nilang kalagayan at pinagdadaanan. Natutunan rin niya kung gaano kalaki ang kahalagahan ng pagpapatawad kahit na gaano pa kasakit ang mga nagagawa sa atin ng ibang tao.

More Stories