Nang Tumama sa Lotto ay Pinalayas na ng Lalaking ito ang Ina at Kapatid na Nag-aruga sa Kaniya; Nang Maubos ang Swerte’y Sino Nga Ba ang Matatakbuhan Niya?

“Anak gising na, nakahanda na ang hapunan eh nandiyan ka pa rin sa higaan,” malumanay na sabi ni Aling Nelia sa 24 anyos na anak na si Jonvic. Mahinang ungol lang ang sagot ng binata sa ina. Napabalikwas siya nang biglang bumalibag ang pinto ng kaniyang silid.

“Hoy Jonvic! Napapagod na si nanay kakagising sa’yo ha! Wala ka na ngang trabaho at batugan ka pa sa bahay! Aba senyorito!” sigaw ng Ate Janice niya sabay bato sa kaniya ng hawak nitong bag.

“Janice… huwag mo naman hampasin ang kapatid mo. Naku, hayaan mo na nga siya,” sabi ng ina na pilit inaawat ang dalaga.

“Hayaan? ‘Nay! Nakaalis at nakabalik na lang ako sa trabaho, ikaw pa rin ang kumikilos sa bahay tapos ‘yang inutil na ‘yan nakahilata maghapon!” galit na sigaw ni Janice na siyang tanging bumubuhay sa kanilang pamilya simula nang pumanaw ang kanilang ama.

“’Eto na! Eto na nga tatayo na! Napakayabang talaga ng bunganga nito oh!” sabi ni Jonvic sabay dabog at mura. Tuloy tuloy ito sa banyo, naghilamos lang at saka nanghingi sa ina ng bente pesos tapos ay lumabas na ng bahay.

Tataya siya ng lotto. Wala siyang alam sa buhay dahil komportable sila noong nabubuhay pa ang masipag nilang ama. Tanging lotto at iba pang sugal ang alam na paraan ni Jonvic para umasenso sa buhay.

“Hoy Jonvic! Good morning pare kahit gabi na!” sabay halakhakan ng tropa niya na kapwa rin mga tambay sa kanto. Inabutan siya ng mga ito ng alak na agad naman niyang tinungga. “Upo ka na sa pwesto mo dun sa sugalan, late ka na!” patutsada pa ng mga ito.

“Wala ngang kapital eh, lotto na lang,” sagot niya.

Advertisement

“Naku napakakuripot talaga ng ate mo! Ganda sana kaso armalayt bunganga!” Hindi na pinansin ni Jonvic ang hirit ng mga kaibigan at tumaya na. Hinalikan niya pa ang tiket at umusal ng dasal para pampaswerte.

Kinabukasan, dahil walang pasok si Janice ay matinding bangayan ang nangyari buong araw.

“Lotto lotto eh hindi ka naman mananalo d’yan! Mabuti ba kung pera mo ‘yang ginagasta mo!” maririnig ang malakas na boses ni Janice.

“Anak, makinig ka naman sa amin ng ate mo… tutulungan ka na nga raw niya na magkatrabaho eh…”

“Ewan ko sa inyong dalawa! Isa ka pa ‘nay ha! Kapag ako tumama sa lotto hampasin ko mukha niyo ng pera tapos lumayas na kayo!” ganting sigaw ni Jonvic.

Tila ba dininig ng langit ang panalangin ni Jonvic. Kinabukasan ay halos maduling at mahilo-hilo siya nang makita ang mga numerong tinayaan niya sa telebisyon! Nanalo siya ng sampung milyon sa lotto!

Hindi makapaniwala si Jonvic sa nangyari, nagtatatalon at nagsisigaw. Napatunganga na lamang ang mag-ina sa laki ng halaga na makukuha ng binata.

Mabilis kumalat sa barangay ang balita. Instant celebrity si Jonvic na pinipilaan ng mga tropa at kaibigan. Pinaagaw niya sa labas ng bahay nila ang libo-libong cash. Lumipat na din sila sa isang magandang apartment malayo sa iskwater na kinalakihan niya. Dahil big time na ay araw-araw siya hindi lang sa maliitang sugalan, kung hindi pati na rin sa mga casino at bar.

Advertisement

Ilang beses itong pinayuhan ng nanay at ate nito na magtabi upang magsimula ng maliit na negosyo nang sa gayo’y may maipundar naman sila ngunit napuno na ng hangin ang ulo ng binata.

“Ngayon gaganyan-ganyan kayo sakin, eh mga wala nga kayong bilib eh!” tanging sabi ni Jonvic bago lumabas. Ilang milyones naman ang binigay ni Jonvic sa kapatid at ina na may kasama pang sangkaterbang panunumbat, katwiran niya’y sapat na iyon.

Ilang buwan lamang ay tuluyang nalason ng mga kaibigan nito, ang utak ng binata. Dahil paulit-ulit pinagsasabihan ng ina at ate, at nasa impluwensya ang utak ng ipinagbabawal na gamot, isang araw ay pinalayas niya ang mga ito sa bahay.

“Kayong dalawa, alam mo magsilayas na nga kayo! Oh ayan,” sabi ni Jonvic sabay bato ng ilang lilibuhing pera sa sahig, “bayad na ko sa inyo sa lahat ng sakripisyo niyo, magnegosyo kayo kung gusto niyo. Bahala na kayo sa buhay niyo, basta ayaw ko na kayo rito sa bahay!”

Wala nang nagawa ang mag-ina dahil matigas ang ulo ni Jonvic. Nagpasya silang bumalik sa dati nilang tirahan sa iskwater. Masinop at matalino si Janice kaya’t ginamit niya ang pera upang palaguin sa isang negosyo, para masuportahan pa rin ang inang tulyang nagkasakit dahil sa kalungkutan para sa bunso nitong anak.

Kung anu-anong balita ang naririnig nila tungkol kay Jonvic, hanggang sa isang araw ay naraid daw ang bahay nito at nahulihan na nagbebenta at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Nasintensyahan ito ng ilang taon sa kulungan.

Halos araw-araw ang pagbisita ni Aling Nelia at Janice kay Jonvic sa kulungan. Nahihiya ito sa kanila noong una ngunit sa huli ay humingi rin ng tawad. Tunay ngang ang suwail na anak ay sa ina rin ang takbo kapag nasuot sa gulo.

“Patawarin niyo ko ‘nay at ate… nabulag ako sa kasarapan ng buhay. Nawala sa akin ang lahat dahil sa katigasan ng ulo ko. Mapatawad niyo sana ako,” hagulgol nito na parang bata.

Advertisement

“Jonvic, siyempre naman nandito kami lagi ni nanay para sa’yo. Pasensiya ka na din kung lagi akong nakasigaw sa’yo. Hiling ko lang sana ay makatutunan mo itong aral na ito, ha?” malumanay na sabi ni Janice.

Mainit na yakap at luha naman ang bigay ni Aling Nelia dahil naguumapaw ang kaniyang puso sa pasasalamat sa Panginoon para sa buhay ng kaniyang bunso. Akala ng lahat ay ang panalangin ni Jonvic na tumama sa lotto ang natupad, ang totoo pala ay dininig ng Panginoon ang panaghoy ng isang ina na matuto ang minamahal na anak sa buhay at tuluyan itong magbago.