Kuntento na ang Babaeng Mamuhay Bilang Kalaguyo ng Isang Pamilyadong Lalaki; Nagbago ang Lahat sa Isang ‘Di Inaasahang Pangyayari

Kuntento na ang Babaeng Mamuhay Bilang Kalaguyo ng Isang Pamilyadong Lalaki; Nagbago ang Lahat sa Isang ‘Di Inaasahang Pangyayari

FamilyHeartbreakingStories

Kitang-kita mula sa bintana ang liwanag ng buwan. Amoy ang halimuyak ng pabango ng isang dalagang nakaharap sa salamin at naglalagay ng mga palamuti at pulang lipstick. Hapit na hapit ang suot nitong kulay kahel na bestida. Huling sipat nito sa kaniyang malaking salamin, ay ang pagbitaw ng mga nakaaakit na mga ngiti at tingin.

Hating-gabi na kasi, oras na upang kitain ni Sherly ang kaniyang nobyong si Andrew. Hindi naman siya nabigo dahil maya-maya lamang ay pagkatok na sa pintuan ng kanilang silid sa isang hotel ang kaniyang narinig. Napuno muli ng saya ang mga mukha ng dalaga.

Pagbukas ng pinto, sinalubong ni Sherly ang nobyo ng isang mahigpit na yakap.

Ilang oras lamang ang nakalilipas, habang nasa kalagitnaan ng kanilang pagtulog, tumunog ang telepono na bitbit ni Andrew. Nabulahaw sa pagtulog ang dalawa nang biglang tumayo nang agad-agad ang nobyo. Nagbihis at nag-ayos ng kaniyang sarili.

“Sandali! Isang oras pa lang ah? Saan ka pupunta?” nag-aalalang tanong ng dalaga sa nobyo. Subalit wala iyong tugon sa kaniya. Hinahabol nito ang kaniyang paghinga at halatang kabado ito.

Isang yakap at halik lamang ang iniwan nito kay Sherly at kumaripas na papalabas ng silid na iyon.

Samantala, naiwan sa silid si Sherly. Luhaan. Gusto man niyang tanungin ngunit alam niyang hindi siya maaaring tumawag sa nobyo. Hindi malaman ang gagawin at nagmadali na ring umalis ng silid na iyon upang umuwi sa kanilang tahanan.

Pagpa*tay ng makina ng kaniyang sasakyan, tatlong lalaki ang sumalubong sa kaniya na noo’y papalabas ng kanilang bahay. Sumimangot ang dalaga ng mga oras na iyon. Nadatnan na marumi at makalat ang bahay. Tambak na labahan. Tambak ang hugasin. Nakakalat na mga abo sa bandang sala.

Hindi na sana niya papansinin ito at tutungo na lamang sa kaniyang silid. Nang harangin siya bigla ng ina na kakatapon lamang ng kaniyang sigarilyo.

“At saan ka na naman nanggaling kagabi, ha? Akala mo ba hindi ko alam na wala ka kila Ann kagabi. Eh iyon ang paalam mo ha? Saan ka nanggaling? Sherly! Magtapat ka nga?!” sunod-sunod na tirada ng kaniyang ina na si Thelma.

Subalit kahit na anong taas ng boses nito sa kaniya, hindi pa rin tumitinag ang dalawampu’t tatlong taong dalaga. Panay ang pag-iwas sa ina na walang tigil ang bunganga.

“Sherly! Kinakausap kita! Kailan mo balak itigil ang pakikipagkita diyan sa sinasabi mong nobyo mo, ha? Kailan mo balak ayusin ang buhay mo at itigil ang pagiging isang kabit?!” huling wika ng kaniyang ina na nag-uumapaw sa galit.

Napatigil nang sandali si Sherly.

“Eh, ikaw? Kailan ka titigil sa panlalalaki mo?” huling tugon sa ina pagkatapos ay sinarado na ang kaniyang pinto.

Napatigil ang kaniyang ina. Halos bumigat ang damdamin nito matapos marinig mismo iyon mula sa kaniyang nag-iisang anak.

Lumipas ang mga araw, hindi nagpapansinan halos ang mag-ina. Halos hindi sila nagkikita sa buong araw. Kung minsan ay wala ang ina, kung minsan naman ay si Sherly. Subalit hindi pa rin mapakali ang dalaga. Wala ni isang mensahe kasing dumarating mula sa kaniyang nobyo na si Andrew. Ang tangi lang niyang nagagawa ay tingnan ang social media account nito at ng asawa nito.

Isang gabi, muling nabuhayan ng loob si Sherly matapos mabasa ang mensahe mula kay Andrew. Magkikita na rin sila ulit ng gabing iyon. Muli, masiglang nagbihis ang dalaga at nagpunta sa silid kung saan sila magkikita.

Dahan-dahan siyang kumatok ng pintuan. Masigla ang mga mata at hindi maalis ang mga ngiti sa labi nito. Subalit pagkabukas ng pinto, tumambad sa kaniyang harapan ang taong pinakakinakatakutan niya. Hindi si Andrew na kaniyang nobyo kung hindi ang asawa nito na si Marie.

Naghahalong kaba at takot ang tanging nararamdaman ni Sherly ng mga oras na iyon. Kaharap ang asawa ni Andrew, na ilang minuto na ngunit hindi pa rin nagsasalita.

Huminga siya nang malalim at inihanda ang sarili sa mga masasakit na salita at maaari, mga pisikal na atake mula rito.

Subalit isang tunog ang hindi niya inasahang manggagaling kay Marie. Mga hikbi at atungal mula sa ginang. Hinawakan nito ang mga kamay ni Sherly.

“Ang sakit… Sobrang sakit…” unang wika ng ginang kay Sherly. Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin pati na kung ano ang kaniyang mararamdaman ng mga oras na iyon.

“Inamin na sa akin lahat ni Andrew… Sherly, may dalawa kaming anak… Please, itigil niyo na anuman ang mayroon kayo… Parang awa mo na…” pagmamakaawa ng ginang na panay ang pagluha.

Tumayo si Sherly, tinanggal ang pagkakahawak ng ginang sa kaniyang mga kamay. Mahal niya si Andrew. Anuman ang mangyari at anuman ang mga sitwasyon, hindi niya ito kayang pakawalan. Mabilis siyang umalis sa silid na iyon na may luha sa kaniyang mga mata.

“Hindi pwede… Hindi maaari…”

Ang dami niyang iniisip habang siya’y nagmamaneho pauwi ng kanilang bahay. Nag-iisip siya ng paraan kung paano niya muling makakausap si Andrew. Subalit, hindi pa man siya nakakalapit sa kanilang bahay, tumpukan ng mga tao naman ang kaniyang nadatnan. Sa labas lamang ng kanilang bahay. May mga sasakyan ng pulis, barangay, at ambulansiya.

Lumabas siya palabas ng kaniyang sasakyan at papasok sana sa kanilang bahay. Ngunit bigla na lamang siya sinabihan ng isa sa mga tao doon na dinakip ng mga pulis ang kaniyang ina. Hindi daw nakapagtimpi si Thelma nang marinig ang tsismis ng kanilang kapitbahay na isang kabit si Sherly.

Mabilis na pumunta ng presinto ang dalaga nang marinig iyon. Kitang-kita ng kaniyang dalawang mata ang ina na nakapihit at nakaposas doon. Puno ng luha at pagsisisi ang mga mata.

Marahan siyang lumapit sa ina at niyakap ito nang mahigpit…

“Ma, sorry… Ma…” paulit ulit niyang sambit sa ina habang lumuluha.

“Patawarin mo si mama, ‘nak… Patawad din. Sobrang mahal na mahal ka ni mama, ‘nak. Magiging ayos din ang lahat… Ayusin na natin ang buhay natin, anak…” tugon naman ng ina habang nsa bisig siya ng kaniyang pinakamamahal na anak.

Simula noon, naging maayos na ang relasyon ng mag-ina at pinutol na ni Sherly ang lahat ng ugnayan mula sa kaniyang dating nobyo na si Andrew. Nagkaroon ng kapatawaran at pagmamahalan ang mga pamilya. Natutunan ni Sherly ang tunay at wagas na pag-ibig sa isang malupit na karanasan.

More Stories