Naging Palaboy ang Bata Matapos Pumanaw ang Mayamang Lolo, Hindi Niya Akalaing Susundan Siya ng Pamana Nito

Naging Palaboy ang Bata Matapos Pumanaw ang Mayamang Lolo, Hindi Niya Akalaing Susundan Siya ng Pamana Nito

FamilyInspiringStories

Sariwa pa sa mga ala-ala ng siyam na taong gulang na batang babae ang mga nakaraan nila ng kaniyang pinakamamahal na lolo. Pumanaw na kasi ang kaniyang mga magulang sa isang aksidente noong sanggol pa lamang siya at ang naiwan sa kaniya na nag-aruga ay ang kaniyang Lolo Joe. Ang mga ngiti at tawanan nilang dalawa ang nais niyang laging balik-balikan. Takot na takot si Nica sa kalagitnaan ng dilim dahil siya’y pinalayas ng kaniyang tiyahin sa mansiyon matapos ilibing ang kaniyang lolo.

“Lumayas ka rito! Ikaw lang nang ikaw ang inaalala ni papa hanggang sa mawalan siya ng buhay! Wala na ang mama at papa mo rito kung kaya naman umalis kana rin dito sa pamamahay na’to!” mga huling salita na kaniyang natanggap mula sa kaniyang tiyahin.

Wari isang bangungot ito para kay Nica. Ang tanging kapiling lamang niya ng mga oras na iyon ay ang kaniyang malaking manika na bigay sa kaniya ng kaniyang lolo. Ngayong wala na ang lolo, wala na ring gusting mag-alaga sa kaniya at labis niya itong ikinalungkot.

Kinabukasan, nang magising si Nica, isang tagpi-tagping bahay ang kaniyang namulatan. Maingay na paligid, mga batang naglalaro, mga taong nagtatawanan at nag-uusap. Maya-maya pa’y mukha ng isang ginang ang kaniyang nasilayan.

“Kumusta ka neng? Ayos ka lang ba?” marahang tinig ng boses ng isang babae ang kaniyang narinig.

“O-opo. Ayos lang po ako. Nasaan po ako? Sino po kayo?” sunod sunod na tanong ng batang si Nica.

“Napulot ka naming sa may lugar kung saan ako nagbebenta ng mga daing at tuyo. Dinala kita dito sa bahay kasi inaapoy ka ng lagnat. Nawawala ka ba ineng?” tugon naman ng ginang na si Alma. Ina ng limang magkakapatid at asawa ni Ruben.

Nang marinig ang tanong na iyon, muling naalala ni Nica ang ginawang pagtataboy sa kaniya ng tiyahin, ang pumanaw na lolo, at ang kaniyang paglalakad mag-isa sa gitna ng dilim. Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata.

Matapos masaksihan iyon ni Alma, hindi na siya nagtanong pang muli. Dumating na rin kasi ang kaniyang asawa. Maghahanda pa siya ng pagkain at babalikan ang kaniyang mga labahin.

“Sino naman ‘yang batang ‘yan, Alma? San mo na naman napulot ‘yan? Aba! Wala na nga tayong kapera pera nagdagdag ka pa ng isa pang papalamunin natin? Buti sana kung nagtatrabaho ka eh!” panenermon ni Ruben sa kaniyang asawang si Alma. Wala naman itong kibo. Sa isip-isip niya, may punto nga naman ang kaniyang asawa. Dahil sa limang anak nila, isang kahig isang tuka rin sila sa araw araw. Naaawa man siya sa bata, ngunit wala siyang ibang magagawa kundi ang paalisin ito kapag gumaling na ito nang tuluyan.

Subalit lumipas ang ilang mga araw, sa bawat araw na iyon, walang tigil ang pang-aaway ni Ruben kay Alma hanggang sa umabot sa panahong sinaktan na ito ni Ruben. Nasaksihan iyon ng kanilang limang anak pati na ni Nica. Maya-maya’y dumating na ang ambulansiya at mga pulis upang maisaayos ang pangyayari at dalhin sa ospital si Alma.

“Ako ang may kasalanan… Hindi na dapat ako nandito… Aalis na lang ako…”

Nang mga oras na iyon, puno ng lungkot at pagsisisi ang batang si Nica. Umalis siya ng walang paalam kina Alma dahil sa trahedyang nangyari. Wala na siyang pag-asa pa at hindi rin niya alam kung saan siya tutungo. Kumakalam na ang kaniyang sikmura para sa gabing iyon. Pumapatak na rin ng kaunti na nagbabadya ng paparating na ulan. Ang tanging karamay niya, ay ang kaniyang manika.

Dumating na nga ang pagbuhos ng malakas na ulan. Habang nakayupyop sa isang sulok ng tindahan, atungal na lamang ang maririnig sa batang si Nica dahil sa takot sa kidlat at kulog at yakap yakap ang kaniyang manika.

Sa kabila ng kumakalam na sikmura, mga basang damit at malakas na buhos ng ulan, nakatulog si Nica sa kakaiyak at pagod sa paglalakad.

“Hoy! Bata! Naku ka! Huwag ka rito. Ang baho baho mo. Umalis ka rito sa tapat ng tindahan ko!” isang malakas na sigaw mula sa tindera ang gumising sa kaniya. Natakot siya sa kung ano pa ang gawin sa kaniya kung kaya naman tumakbo siya hanggang makarating siya sa isang parke.

Gutom na gutom na si Nica. Inaalala na lamang niya muli ang kaniyang lolo. Kung paanong dati ay lagi siya nitong ipinagluluto at sabay silang kumakain ng masasarap na pagkain. Napahiga si Nica dahil sa gutom at hilo na kaniyang nararamdaman. Hinihiling na may bumagsak na pagkain o pera mula sa langit para makakain na siya.

Inunanan niya ang kaniyang malaking manika at ninais na makatulog na lang ulit. Ngunit isang malaking tahi na malapit ng matastas sa bandang likod nito ang kaniyang napansin. Nagtaka siya dahil hindi naman iyon nasira kahit na kailan. Nang silipin niya ang tahi na kaniyang manika, napahiyaw si Nica sa sobrang tuwa. Limpak-limpak na salapi ang nasa loob ng kaniyang manika!

Muling bumalik si Nica sa pamilya nina Alma. Malayo pa lamang siya ay sinalubong na siya ng limang magkakapatid at ang huli ay si Alma.

“Alalang-alala kami sa’yo. Naku! Saan ka ba nanggaling? Hindi ka naman naming pinapaalis. Huwag mo na gagawin ulit ito ha? Mahal ka na naming bilang pamilya namin…” wika ni Alma na naluluha luha pa. Ipinakulong na nila si Ruben dahil hindi naman pala iyon ang unang beses na sinaktan nito si Alma.

Ibinalita ni Nica ang mga salapi na nasa kaniyang manika. Sapat iyon upang makapagnegosyo at makapagpaayos ng kanilang tahanan. Masaya ang lahat sa kanilang pagtatagpo bilang isang buo at tunay na pamilyang puno ng pagmamahal at pagtanggap.

More Stories