Ikinahihiya ng Dalaga ang Kaniyang Kubang Ina; Isang Katotohanan sa Kaniyang Pagkatao ang Gugulat sa Kaniya

Dalawampung taon na ring taga-walis ng kalsada si Aling Iska. Dito siya kumukuha ng ipambubuhay at ipanunustos sa kaniyang nag-iisang anak na si Gemma. Simula kasi nang tumuntong ito sa kolehiyo ay ganoon na lang ang higpit ng kanilang pangangailangan kaya nagagawa pang umekstra ni Aling Iska bilang taga-linis sa kanilang mga kapitbahay. Hindi niya iniinda ang hirap kahit na isa siyang kuba. 

“Nay, tuyo na naman ang ulam? Sa bawat dighay ko, iyan na ang nalalasahan ko. Nangangati na po ang lalamunan ko sa araw-araw na pag-uulam ng tuyo,” reklamo ni Gemma sa ina. 

“Pasensiya ka na, anak. Nagbayad kasi ako ng kuryente at ang sobra ay inilalaan ko para sa matrikula mo,” paliwanag ng ina. 

“Hindi na nga lang ako kakain! Baka mamayang gabi ay ito pa rin ang nakahain dito, ‘nay!” inis ng anak. 

“Hayaan mo kapag nakadelihensya ako ng pera, hahatiran kita ng pagkain sa eskwelahan,” wika ni Aling Iska.

“Hindi po ba sinabi ko na sa inyo na huwag na huwag kayong pupunta sa eskwelahan ko. Gusto niyo ba akong pagtawanan?!” angil ng dalaga. 

“Ang sakit mo namang magsalita, anak. Hindi porket kuba ako ay ikakahiya mo na ang nanay mo. Ganiyan ba ang tinuturo sa inyo sa eskwela? Kung ganiyan kasi ay mabuti pang huminto ka na lang,” nasasaktan na wika ng ina. 

Napakamot ng ulo sa pagkainis si Gemma.

Advertisement

“Magdadrama na naman kayo, nay! Ngayon pa talaga kung kailan aalis na ako. Nasaan ba kasi ang tatay ko? Bakit hindi nyo pa ako ibigay na lang sa kaniya nang hindi ganitong buhay ang nararanasan ko,” padabog na wika ng dalaga sabay alis ng bahay. 

Kahit na nangingilid na ang luha ni Aling Iska dahil sa mga sinambit ng anak ay pinipilit niya pa ring ayusin ang sarili. Napapaisip siya kung saan siya nagkamali sa pagpapalaki sa anak. Nakita niya ang repleksyon ng kaniyang sarili sa salamin at nakita niya ang isang babaeng hindi maaliwalas tingnan at may bukol sa likuran. 

Tamang-tama naman ang pagdating ng kaniyang kumareng si Emma. 

“Nag-away na naman kayo ng magaling mong anak? Ano na naman ang sinabi sa’yo ngayon?” sambit ng kumare.

“H’wag na nating pag-usapan, Emma. Pabayaan mo na lang,” tugon ni Aling Iska.

“Naku, pinamimihasa mo ‘yang batang ‘yan. Bakit kasi hindi mo pa sabihin ang totoo nang mamulat na sa katotohanan ang batang ‘yan at alam niya kung saan siya lulugar?! Napakatapang magsasalita. Akala mo kung sino!” giit ni Emma. 

“Hindi pa sa ngayon, Emma. Lalo na’t parang nagrerebelde siya,” wika ng ginang.

Dahil sa madalas na pagtatalo nila Iska at Gemma ay minabuti na lang ng dalaga na kausapin na ang ina nang sa gayon ay aminin na sa kaniya ang katotohanan kung nasaan talaga ang kaniyang ama. 

Advertisement

Ang alam kasi ng dalaga ay lumisan na lamang bigla ang kaniyang ama at iniwan silang mag-ina. Ngunit hindi niya alam ang dahilan. 

“Hindi ko inaalis sa’yo na hanapin mo ang buo mong pagkatao pero hindi pa ba sapat ang pagmamahal na ibinibigay ko sa’yo, anak? Kung nais ka talagang makita ng tatay mo ay sana’y madalas siyang narito upang bisitahin ka,” malumanay na paliwanag ni Aling Iska.

“Pasensiya na ngunit maging ako ay hindi ko alam kung saan ang kinaroroonan ng tatay mo,” dagdag pa niya. 

“Sa tingin ko ay may iba na siyang pamilya,” sambit ni Gemma.

“Huwag mo nang saktan ang sarili mo, anak, sa mga bagay na ganiyan. Ang isipin mo na lamang ay narito ako at mahal kita. Pinipilit ko namang punan ang pagkukulang ng isang ama sa iyo,” sambit ng ina. 

“Hindi niyo ako maintindihan, ‘nay, kasi hindi niyo alam ang mabuhay nang hindi kumpleto ang pamilya. Siguro kaya kayo ng iniwan ng tatay dahil na rin sa itsura ninyo!” giit ng dalaga. 

“Hindi ko alam kung ano ang mali sa itsura ko, anak. Kahit na may bukol ako sa likod ay pinpilit kong magtrabaho at buhayin ka. Kahit kasing bigat halos ng timbang ko itong nakabukol sa likod ko ay hindi ko inaalintana sapagkat gusto kong maibigay sa iyo ang lahat ng pangangailangan mo,” wika ni Aling Iska.

“Sinusumbat niyo ba sa akin ang lahat ng iyan? Sana kasi ay binigay niyo na lang ako sa tatay ko. Kung hindi sana ay mas maayos pa ang buhay ko at hindi rin ako pinagtatawanan sa eskwela–,” sigaw ni Gemma.

Advertisement

Biglang entra naman ni Aling Emma.

“Hoy, Gemma, tumino ka nga sa nanay mo! Ang kapal kapal ng mukha mong magsasalita ng ganyan!” sambit ng ginang. 

“Huwag mong mapagsasalitaan ng ganyan ang kaibigan ko. Sa totoo lang dapat nga ay magpasalamat ka pa sa lahat ng bagay na ginawa niya sa’yo!” hindi na maawat pa si Aling Emma.

“Emma, tama na ‘yan. Umalis ka na at hayaan mo na kaming mag-usap dalawa,” sambit ni Aling Iska.

“Hindi, sumosobra na ‘yang ga*ga na ‘yan, eh!” galit na tugon ng ginang. “Hoy, Gemma! Napulot ka lang nitong kaibigan ko sa isang tambakan. Halos mamam*tay ka na noon pero ginawa niya ang lahat upang maisalba ka! Ngayon ay gaganiyan-ganiyan ka sa kanya!” hindi na mapigil pa ang bunganga ng ginang. 

Gulat na gulat si Emma sa kanyang narinig.

“Totoo ba ‘to?” nangangatog na wika ni Gemma.

“Oo! At kung gusto mong mahanap ang magaling mong ama ay pumunta ka sa kulungan. ‘Yung adik mong ama gusto kang ibenta at pagkakitaan. Nang nakitang nanghihina ka na ay basta ka na lang tinapon sa kalsada. Kung tatanungin mo naman kung nasaan ang magaling mong nanay, ay hindi namin alam! Basta iniwan ka lang sa ama mong lulong sa dr*ga!” dagdag pa ni Aling Emma. 

Advertisement

“Kung gusto mo ng ganong buhay, sige, malaya kang umalis. Kaysa kinakawawa mo itong kaibigan ko! Anong probelma mo sa pagiging kuba niya. Siya nga nagpakamagulang sa iyo habang ang mga tunay mong magulang na walang bukol sa likod ay nagpakasarap lamang na gawin ka!” patuloy sa pagbubunganga si Aling Emma.

Napaluha na lamang si Gemma sa lahat ng kaniyang narinig. 

“Nay, bakit hindi niyo sinabi sa akin agad ang mga bagay na ito?” tanong ni Gemma.

“Dahil ayaw kong masaktan ka. Ayaw kong dalhin mo sa isip mo na ganon ang uri ng mga magulang na mayroon ka. Kaya kahit anong hirap, anak, tinitiis ko sapagkat gusto kong mapunan lahat ng iyan. Pasensya ka na kung ang buhay na kaya kong ibigay ay ganito lamang pero ginagawa ko ang lahat maniwala ka,” wika ni Aling Iska.

Napaluhod na lamang sa sobrang pagkahiya at pagsisisi si Gemma. Hindi niya lubusang akalain na ang kinahihiya niyang ina ay ang tanging taong tunay na nagmamahal sa kaniya. Lubusan ang paghingi niya ng kapatawaran sa katotohanang nasambulat sa kaniya.

“Ngayon ay buo na ako, ‘nay. Alam ko na ang totoo. Patawarin niyo ako sa lahat ng mga masasakit na sinabi at ipinakita ko sa inyo. Patawad po. Patawarin niyo ako!” pagsusumamo ni Gemma. 

“Mahal kita, anak. At kahit hindi ka nanggaling sa akin, alam ng Diyos kung gaano ko gustong alagaan at mahalin ka bilang anak. Tumahan ka na,” sambit ni Aling Iska.

Magmula noon ay naging maayos na ang pakikitungo ni Gemma sa taong nag-aruga sa kaniya. Buong puso niyang tinanggap ang kanyang nakaraan at hinarap ang kasalukuyan kasama ang nag-iisang tinuturing niyang pamilya, ang kaniyang inang si Aling Iska.