Labis ang Pagdududa ng Misis sa Kaniyang Sundalong Asawa na Mayroon Itong Ibang Kinakasama; Nang Sundan Niya Ito’y Nagulat Siya sa Natuklasan

Labis ang Pagdududa ng Misis sa Kaniyang Sundalong Asawa na Mayroon Itong Ibang Kinakasama; Nang Sundan Niya Ito’y Nagulat Siya sa Natuklasan

FamilyLoveStories

“Akala ko pa naman ay makakauwi ka na ngayong buwan, mahal. Bakit na-extend ka uli diyan sa Mindanao?” nagtatampong wika ni Laila sa asawa habang kausap sa telepono. 

“O, siya wala naman akong magagawa kahit miss na miss na kita. Sana totoo na ‘yang sinasabi mong makakauwi ka sa susunod na buwan. Nasasabik na akong makasama ka,” dagdag pa ng ginang. 

Isang sundalo si Greg, asawa ni Laila. Halos mag-iisang taon na rin nang huli silang nagkasama. Kailangan kasing lumayo ng kaniyang asawa dahil sa tawag ng kaniyang tungkulin. Tanging tinig na lamang ni Greg ang nakakapiling ng ginang. 

“Mare, kumusta? Aba, ano ‘yang pinaghahandaan mong iluto?” usyoso ng kaibigan ni Laila na si Ruth. 

“Hindi ko na nga iluluto. Akala ko kasi ay makakauwi na mamayang gabi ang asawa ko kaso hanggang ngayon ay nasa Mindanao pa sila. Tumawag siya kanina at kailangan pa raw niyang magtagal pa ng isang buwan doon. Anibersaryo pa naman namin ngayon,” malungkot na wika ng ginang. 

“Mahirap talaga ang set-up ninyong mag-asawa, ano? Napakahirap makapag-asawa ng sundalo. Hindi mo alam kung nasaan siya, kung nakakatulog o nakakakain ba siya ng maayos. Saka hindi mo alam kung baka may iba nang pamilyang inuuwian!” pagbibiro ni Ruth sa kaibigan. 

Lalong nalungkot si Laila sa sinabi ng kaibigan. 

“Ito naman, hindi na mabiro. Pero totoong mahirap ang makapangasawa ng sundalo kasi una ang bayan kaysa sa sarili. Mahirap kalaban ang sariling bayan. Huwag ka nang mag-isip ng ano pa man, mare. Tara at ituloy mo na ang niluluto mo at anibersaryo n’yo pa rin naman kahit malayo ang mister mo. Tayo na lang kumain niyan!” sambit ni Ruth. 

“May tiwala ako sa asawa ko, Ruth. Pero minsan hindi ko rin maiwasang mag-isip kung ako pa ba ang mahal niya. Minsan nga kapag hindi ko na kaya ang lungkot at pangungulila sa kaniya, gusto ko na lang siyang papiliin kung ako o trabaho niya,” wika ni Laila.

“Alam kong pangarap niyang maging sundalo simula noong bata pa lamang siya at galing siya sa pamilya ng mga sundalo. Pero paano naman kami? Paano lalo kung mayroon na kaming anak, hindi ba?” paglalahad pa ng ginang. 

“Huwag ka nang mag-isip ng kahit ano pa dyan. Mabilis na ang isang buwan. Kita mo bukas ay narito na rin ang asawa mo,” pag-alo ni Ruth kay Laila. 

Marahil nga ay dahil lang sa pananabik niyang makasama ang asawa at sa pag-aalala na rin niya sa napili nitong propesyon. Kaya napagdesisyunan na ni Laila na ayain ang asawa na itigil na ang pagiging sundalo at magnegosyo na lamang sila. 

Wala pang isang buwan ay nakauwi na rin si Greg. Labis ang tuwa ni Laila. Natapos ng yakap na mahigpit ang lahat ng pangamba at kaniyang pangungulila. 

“Sa wakas, mahal, narito ka na. Sana ay hindi ka na umalis,” wika ni Laila. 

“Kakauwi ko lang, mahal, pag-alis agad ang naririnig ko sa iyo. Huwag mo na muna isipin ‘yan,” tugon ni Greg. 

Agad sinabi ni Laila ang kanyang plano sa asawa na kung maaari ay magnegosyo na lamang. Nabigla siya sa naging tugon nito. 

“Sa totoo lang, nanghingi ako ng leave sa trabaho ko. Mga tatlong buwan, mahal. Pag-iisipan ko ang bagay na ‘yan. Dahil gusto rin kitang makasama,” sambit ni Laila. 

Maayos ang naging pagsasama nila Greg at Laila. Simula nga nang umuwi ito galing Mindanao ay halos hindi na ito lumalayo sa asawa. Ngunit may mga pagkakataon na napapansin ni Laila na malalim ang iniisip nito at tila may bumabagabag sa kaniyang isipan. 

Sa tuwing tinatanong naman niya ang asawa ay tinatanggi niya ito. Lagi lamang niyang sagot na normal ito sapagkat matagal silang nasa kampo at may mga bagay siyang nakasanayan na. 

Napapadalas din ang pakikipag-usap ni Greg sa telepono at minsan ay umaalis ito ng hindi kasama si Laila. Ang dahilan nito ay may iniuutos sa kaniya sa opisina. 

“Naghihinala na ako sa asawa ko, Ruth. Kinukutuban ako na may ginagawa siya lingid sa kaalaman ko,” pag-amin ni Laila sa kaibigan. 

“Anong ibig mong sabihin, na may babae ang asawa mo?” tanong ni Ruth. 

“Parang. Ewan ko, naguguluhan talaga ako, Ruth. Kasi malambing siya sa akin sa tuwing magkasama kami pero madalas din ay parang lumilipad ang isip niya. Parang wala siya dito, ganoon,” wika ni Laila. 

“Kung sundan kaya natin si Greg, Ruth. Sundan natin siya para alam natin kung saan siya nagpupunta sa tuwing umaalis siya rito,” sambit pa ng ginang. 

Pumayag si Ruth sa plano ng kaibigan. Mabuti ng kasama siya sapagkat kung may iba nga ang asawa ni Laila ay baka kung ano pa ang gawin ng kumare. Nag-intay sila ng pagkakataon hanggang sa may natanggap na tawag muli si Greg at saka umalis. Dito na siya sinundan ng magkaibigan. 

Huminto ang sasakyan ni Greg sa tapat ng isang simpleng bahay. Doon ay nakita niyang pinagbuksan ito ng isang bata na nagmano sa kaniya at agad namang hinagkan ni Greg at isang babaeng maganda ang ngiti ng siya ay makita. 

Hindi na agad napigilan ni Laila ang kaniyang galit at luha. 

“Teka lang, Laila. Huwag ka munang sumugod doon. Maghintay pa tayo ng sandali,” pigil ni Ruth sa kaibigan. 

“Hahayaan mo na lang bang lokohin ako ng asawa ko, Ruth? Kaya pala parang kahit nasa akin siya at parang iba naman ang kaniyang iniisip!” umiiyak na sambit ni Laila. 

Hindi na nagpapigil pa ang ginang at bumaba ng sasakyan saka sinugod ang asawa at ang inaakala niyang kalaguyo nito. 

“Walanghiya ka, Greg! Ito ba ang babae mo?” sigaw ni Laila. 

“A-anong ginagawa mo rito?” nangangatal na tinig ni Greg. 

“Bakit? Akala mo ba hanggang wakas ay kaya mo akong gawing tanga? Ang kakapal ng mukha ninyo!” halos mapatid ang litid ni Laila sa pagsigaw habang inaawat siya ng kaibigan. 

“Mali ang inaakala mo!” paliwanag ng asawa. “Wala akong babae. Hindi kita niloloko kaya kumalma ka lang!” awat din ni Greg sa misis. 

“Patawad kung hindi ko agad sinabi sa’yo, Laila. Pero hindi ko babae si Gina. Asawa siya ng kasamahan kong sundalo,” paliwanag ng mister. 

“Noong nasa Mindanao kami, bigla na lang kaming nilusob ng mga rebelde. Wala kaming kaalam-alam sapagkat ang alam namin ay hawak na namin ang lugar. Ngunit nagkakamali kami. Ang asawa ni Gina, iniligtas niya ako mula sa pagsabog. At dahil doon ay nakaratay siya ngayon na parang lantang gulay. Nakukunsensya ako, Laila. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Dapat ako ang nasa katayuan niya,” nangingilid ang luha ni Greg. 

“Kaya palagi akong nakikibalita. Lagi akong nagtutungo dito para mabigyan ko ng suporta ang mag-iina niya. Nang sa maliit na paraan ay makabawi ako sa ginawa ng kasamahan ko para sa akin,” dagdag pa ng mister. 

“Parang bangungot ang lahat sa akin, Laila. Patawad kung hindi ko nasabi sa iyo ang lahat. Hindi ko talaga alam kasi kung paano sasabihin lagi akong pinanghihinaan ng loob at sa tuwing maaalala ko ay hindi ko alam ang mararamdaman ko,” pagtatapos ng ginoo. 

Naliwanagan na si Laila sa nangyayari. Agad siyang humingi ng tawad kay Gina at lubusan siyang nagpapasalamat sa pagligtas ng buhay ng kaniyang mister. Humingi rin siya ng tawad kay Greg kung pinagdudahan niya ang katapatan nito. 

Maging siya ay hindi niya lubusang maisip kung ano na kaya ang mangyayari kung siya ang nasa katayuan ng asawa ng sundalong sumagip sa buhay ng kaniyang mister. 

Bilang ganti ay naging katuwang na ni Greg si Laila sa pagbibigay ng suporta sa pamilya ng nasabing sundalo hanggang sa tuluyan itong gumaling. Hindi na rin bumalik pa sa pagsusundalo si Greg at nagnegosyo na lamang silang mag-asawa. 

Lalong pinatibay at pinatatag ng pangyayaring iyon ang pagsasama nila Greg at Laila. Dahil palagi na silang magkasama ay tuluyan na nilang nasimulan ang pagbuo ng sarili nilang pamilya. 

More Stories