Labis ang Pagtutol ng Ginang sa Kasal ng Anak, Sa Huli’y Grabe ang Pagsisisi Niya

Tutol si Brenda na makapangasawa ang kaniyang nag-iisang anak na lalaki na si Daniel ng isang kapwa nila mahirap. Marami kasi ang nagkakagusto sa binata at ang ilan dito ay maykaya kaya hindi maintindihan ng ginang kung bakit mas pinili nito ang kapitbahay nilang si Lisa.

“Malaki ang pagkagusto sa iyo ni Diane. Nanay nya ang nagmamay-ari ng halos lahat ng pwesto sa palengke. Kung siya ang makakatuluyan mo ay gaganda ang buhay natin. Hindi na natin kailangan pa ang magbenta sa palengke. Magiging katuwang ka na lamang nila pagpapaandar ng kanilang mga negosyo, anak,” sambit ni aling Brenda sa binata.

“Pero ‘nay, nagmamahalan kami ni Lisa. Kahit na pareho kaming hindi nakapagtapos ng pag-aaral, maayos naman ang trabaho namin sa pabrika. Hindi naman din namin pababayaan na hanggang dito na lamang ang aming mararating,” saad ni Daniel.

Hindi man siya nakakatapos ng kaniyang sinasabi ay agad na siyang binara ng ina.

“Saan ka dadalhin ng pag-ibig na sinasabi mo, Daniel. Gusto mo bang parehas lang ng buhay natin ang maibibigay mo sa mga magiging anak mo? Saka iparanas mo naman sa akin ang magandang buhay, anak. Nagpakasubsob ako sa pagtitinda sa palengke pero hanggang ngayon ay ganitong buhay pa rin ang mayroon tayo. Tulad ka rin ng iyong ama, iniisip ninyo lamang ang inyong mga sarili!” giit ng ginang.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin ng ina ay buo na ang pasya ni Daniel na pakasalan ang kanyang kasintahang si Lisa. Makalipas nito ay hindi pa rin nakabukod ang mag-asawa at tumira sa piling ng ina ni Daniel.

Hindi naging madali ang buhay ng mag-asawa sa piling ni Aling Brenda. Dahil nga sa tutol itong mapangasawa ng anak si Lisa ay palagi nitong pagmumukha sa manugang na hindi niya ito gusto. Pilit mang makisama ni Lisa at kunin ang loob ng biyenan ay hindi pa rin maganda ang pakitungo ng matanda sa kaniya.

“Nay, nag-uwi po ako ng tinapay. Gusto po ba ninyo na timplahan ko kayo ng kape?” alok ni Lisa sa biyenan.

Advertisement

“Tinapay? Naku, sawang sawa na ako sa tinapay, Lisa. Bakit hindi donut o kaya ay cake ang iniuwi mo para maiba naman? Huwag mo na akong pagtimplahan ng kape at wala rin akong ganang makasabay ka sa meryenda,” pagsusungit ni Aling Brenda.

Natahimik na lamang si Lisa at hindi na umimik pa. Pero mababakas sa kaniyang mukha ang pagkapahiya at lungkot. Dahil sa hindi magandang pakikitungo ni Aling Brenda kay Lisa na ay napilitan na siyang sabihin sa asawa ang kaniyang nararamdaman.

“Mahal, ayoko na maging dahil ako sa hindi ninyo pagkakasundo ng nanay mo. Pero kahit anong gawin ko ay alam kong hindi niya ako gusto para sa’yo. Nahihirapan na rin akong makisama sa kaniya kasi nasasaktan ako sa tuwing hindi maganda ang pakikitungo niya sa akin. Hindi ko alam kung saan ako lulugar sa bahay na ito,” paglalahad ni Lisa.

“Gusto mo ba ay bumukod na tayo, mahal?,” tanong ni Daniel sa asawa. “Dahil sa totoo lamang ay wala pa tayong kakayahan na mangupahan ng sarili nating bahay. Pero kung ito ang gusto mo ay pagsisikapan ko,” dagdag pa ni Daniel.

“Hindi sa ganoon, mahal. Gusto ko lang naman ilabas ang tunay kong saloobin. Alam kong hindi pa rin natin kaya at saka naaawa rin ako sa nanay mo kung maiiwan siyang mag mag-isa rito. Tumatanda na rin siya. Kailangan ay may nakakasama siya,” wika ni Lisa.

“Sa ngayon ay ako na muna ang uunawa sa nanay, mahal. Huwag mo na akong intindihin. Ayoko na mag-isip ka pa ng kung ano pa man. Ayos lang ako at lumuwag na ang bigat sa dibdib ko sapagkat nailahad ko na ang sama ng loob ko,” pagpapatuloy ni Lisa.

Kaya ganoon na lamang ang ginawa ng mag-asawa. Hindi na lamang nila ininda ang mga patutsada sa kanila ng matanda. Kahit pa madalas ay masakit sa damdamin ni Lisa ay pilit niyang ipinagpasa-Diyos na lamang ang lahat. Alam niyang isang araw ay ituturing din siya ni Aling Brenda bilang isang manugang.

Halos alipinin ni Aling Brenda si Lisa at walang magawa si Lisa kundi ang sumunod. Nang hindi na nakayanan pa ni Daniel ang mga ginagawa ng ina sa kaniyang asawa ay hindi na nito napigilan pa ang magsalita.

Advertisement

“‘Nay, kung ganiyan kayo ng ganiyan sa asawa ko ay mapipilitan na kaming bumukod. Hirap na hirap na si Lisa na pakisamahan kayo! Bakit hanggang ngayon ay hindi niyo pa rin matanggap na siya ang pinakasalan ko?” naiinis na sambit ni Daniel.

“Tingnan mo nga ang buhay natin, Daniel. Wala namang pinagkaiba. Nag-uwi ka lang ng isang dagdag na palamunin sa bahay na ito. ‘Yang kakarampot na kinikita ninyong dalawa sa pabrika, tingin niyo ba sasapat para gumanda ang buhay natin? Aba, dumilat ka sa katotohanan, Daniel, narito pa rin tayo sa barung-barong natin at hindi pa rin masarap ang kinakain natin sa araw-araw,” pangagalaiti ni Aling Brenda.

“Kung ginamit mo lang kasi ang utak mo at si Diane ang pinakasalan mo ay sana’y ayos ang pamumuhay natin ngayon!” dagdag pa ng ina.

“Tama na ang paggigiit niyo sa Diane na ‘yan, ‘nay! Mahal ko ang asawa ko at siya ang pinili ko! Kung hindi niyo siya matatanggap ay mabuti pang umalis na kami sa bahay na ito,” saad ni Daniel.

Hindi ito sinasadyang marinig ni Lisa. Napayuko na lamang siya at napaiyak. Ngunit kahit ganoon pa rin ay hindi hinayaan ni Lisa na lisanin nilang mag-asawa ang tumatanda nang biyenan. Pinakiusapan niya si Daniel upang humingi na rin ng tawad sa pagsagot sa ina.

“Mahal kita, Daniel at ayokong nag-aaway kayo ng nanay mo nang dahil lang sa akin. Titiisin ko ang lahat kasi mahal na mahal kita. Pasasaan din at mapapatunayan ko sa nanay mo na ako ang karapat-dapat para sa iyo,” saad ni Lisa.

Lumipas ang mga buwan at hindi sinasadya na inatake sa puso si Aling Brenda habang nagtitinda sa palengke. Agad siyang sinugod sa ospital. Dahil sa nangyari sa kanya ay naparalisa na ang kanyang katawan at hindi na nakakakilos pa.

Dahil ayaw ni Lisa na maiwan ang biyenan na mag-isa ay mas pinili na lamang nito na lisanin ang kaniyang trabaho upang matutukan ang pag-aalaga sa matanda. Dahil na rin sa mahal ang gamutan na kinakailangan ni Aling Brenda at si Daniel lamang ang nagtatrabaho sa kanila ay umisip si Lisa ng paraan upang magkaroon sila ng pandagdag na pagkakakitaan.

Advertisement

Naisipan niyang manahi ng mga kobre kama at punda na ibinebenta niya sa kanilang mga kapitbahay. Hanggang sa marami na siyang naging suki at umaangkat na ang mga ito sa kaniya. Sa ganitong paraan ay kahit na abala sa pananahi si Lisa ay naaalagaan pa rin niya ang kaniyang biyenan.

“Huwag po kayong mag-alala, ‘nay. Hindi namin kayo pababayaan ni Daniel. Gagawa kami ng paraan para maibalik ang dati niyong sigla at pangangatawan. Ang gagawin niyo lamang po ay lumaban at palakasin ang sarili ninyo. Huwag po kayong mag-alala sa lahat ng gastos dahil kaya po naming ibigay sa inyo ito ng asawa ko,” paninigurado ni Lisa.

Hindi napigilan ni Aling Brenda na mapaluha. Hindi man lamang kasi niya magawang manghingi ng kapatawaran sa lahat ng kaniyang nagawa sa kaniyang manugang. At sa kabila ng lahat ay nanatili pa rin ito sa kaniyang tabi at ngayo’y nag-aalaga sa kaniya na parang ito ay nanggaling din sa kaniya.

Hindi nagtagal ay bumuti na rin ang kalagayan ni Aling Brenda. Hirap man ngunit kahit paano ay nakakalakad na rin siya at bahagyang nakakapagsalita. Dahil dito ay hindi na niya pinatagal pa ang mga salitang gusto niyang sabihin kay Lisa.

“Patawarin mo ako, Lisa. Patawarin mo ako sa lahat ng mga maling nagawa ko sa’yo noon. At maraming salamat sa pagtitiyaga mo sa akin. Sa aruga, kalinga at pagmamahal na ipinakita mo sa akin sa kabila ng mga nagawa ko sa’yo. Sana ay makapagsimula tayong muli,” saad ni Aling Brenda.

“Wala na po sa akin iyon, ‘nay. Ito po ang ganti ko sapagkat kung wala po kayo ay wala po ang taong pinakamamahal ko ngayon. Wala po akong hiniling sa Diyos kung hindi maging ayos po tayo,” tugon ni Lisa.

Mula noon ay naging maayos na ang pakikitungo ni Aling Brenda sa kaniyang manugang. Napatunayan ni Lisa ang kabutihan ng kaniyang damdamin ay higit sa ano pa mang yamang matatamasa ng biyenan. Hindi siya sumuko hanggang sa mapatunayan rin niyang tama si Daniel na siya ang ibigin nito.