Pedicab Lamang ang Inaasahan ng Ginang sa Araw-araw, Grabe ang Panlulumo Niya Nang May Magnakaw Nito

Sa edad na sitenta ay malakas pa rin si Nida, ngunit hindi na kagaya noong kabataan niya. Biyuda at nag-iisa na lamang siya sa buhay. Mayroon siyang apat na anak, ngunit minsan na lang din kung sa kaniya’y magparamdam. Masaya na siya kapag naalala siya ng mga ito.

Dahil matanda na siya’y hindi na niya kaya pa ang magtrabaho para sa kaniyang sarili. Kaya naisip ni Nida, na magpa-boundary ng dalawang pedicab na nabili niya gamit ang naipon niyang pera galing sa kaniyang pensiyon.

“Aling Nida, ito na po ang boundary ko sa inyo ngayong araw na ito,” masayang inabot ni Junior ang two hundred pesos na pera kay Nida.

“Maraming salamat Junior, makakabili na rin ako ng pagkain nito. Marami bang pasahero ngayon?” Nakangiting tanong ni Nida.

“Kahit papaano po Aling Nida ay kumita po ako ng limang daan ngayong araw,” masayang balita ni Junior sa kaniya. “Mabibilhan ko na rin ng masarap na pagkain ang dalawa kong anak.”

“Hala sige na at umuwi ka na sa bahay niyo para matuwa na ang mga anak mo,” wika ni Nida. “Na padlock mo ba ng maayos ang pedicab na ginagamit mo?” Pahabol niyang tanong.

“Opo, Aling Nida,” sagot ni Junior bago tuluyang umalis.

Sumunod namang nag-abot sa kaniya si Diego.

Advertisement

“Nakarami ka ngayon Diego?” tanong ni Nida.

“Medyo lang po Aling Nida, hindi matao sa pwesto ko kanina. Pero kumita pa rin naman ako ng four hundred,” wika ni Diego.

“Ayos na iyon hijo, bawi ka na lang bukas,” sambit ni Nida.

Kahit papaano ay malaking tulong na rin para kay Nida ang boundary ng kaniyang pedicab. Nakakabili siya ng kaniyang maintenance at kahit papaano ay nakakabili siya ng kaniyang pagkain sa loob ng isang araw. Ito lamang ang kaniyang inaasahan, habang nabubuhay pa siya.

“Aling Nida, nawawala po ang pedicab na ginagamit ko!” Natatarantang wika ni Junior.

“Ano! Saan napunta?” Takang tanong ni Nida.

“Hindi ko po alam. Sira na po ang padlock na nakalagay sa pedicab. Duda ko’y kagabi pa kinuha ng kawatan ang pedicab ninyo,” wika ni Junior.

Agad namang pinuntahan ni Nida ang kinalalagyan ng kaniyang pedicab. Tama si Junior, hati na ang makapal na kadenang nakagapos sa katawan ng kaniyang pedicab. Sino naman ang walang pusong gagawa nito sa kaniya?

Advertisement

Agad na nagtungo si Nida sa kanilang barangay upang i-report ang pagkawala ng pedicab niya.

“Madam, gusto ko lang pong makita ang CCTV ninyo sa barangay. Nais ko lang makita kung sino ang walang pusong kawatan ang kumuha ng nananahimik kong pedicab. Iyon na lamang ang inaasahan ko, sir. Paano na ako makakabili ng maintenance na gamot ko kung wala na ang pedicab ko?” tumatangis na nakikiusap si Nida na pansinin ang reklamo niya at bigyan ng aksyon.

“Sige po, nanay. Balik kayo rito bukas, kailangan pa kasing ihanda ang record ng CCTV. Follow-up niyo na lang po bukas,” wika ng b*klang staff ng barangay.

“Bakit bukas pa po, madam? Bakit hindi na lamang po ngayon?” makulit na tanong ni Nida.

Bakit ipagbubukas pa? Kung pwede naman nilang asikasuhin ang bagay na iyon ngayon.

“Nay, marami pa po kasi akong ginagawa. Hindi kita kayang asikasuhin. Nakikita niyo po ba ito?” wika nito sabay turo sa makakapal na papel na nakapatong-patong. “Kailangan ko pa iyang gawin ngayon,” mataray na wika ng staff na nakausap niya.

“Pero wala po bang ibang makakatulong sa’kin madam?”

“Sa ngayon ‘nay ay wala pa. Masyado pa kasing maaga para sa reklamo. Balik ka na lang po mamayang tanghali,” mataray pa rin na wika ng staff saka siya tinalikuran.

Advertisement

Nanghihinang tumayo si Nida upang umuwi na lang sa bahay niya ng bigla siyang harangin ng babaeng kanina pa pala nakikinig sa reklamo niya.

“Hi nanay,” nakangiting bati nito. “Ako nga po pala si Jessa. Kanina pa po ako nakitingin at nakikinig sa reklamo niyo. Pasensiya ka na sa inasal ng staff na iyon, aligaga na kasi siya sa dami ng trabaho niya. Ano po ba ang problema niyo ‘nay?” Malambing na kausap ng babaeng maganda.

“‘Yong pedicab ko kasi neng ninakaw. Gusto ko lang namang malaman kung sino ang nagnakaw ng pedicab ko baka sakaling mabawi ko pa ‘yon. Kaso kailangan ko pang bumalik bukas, ang inaalala ko baka ibenta na iyon ng kawatan mas lalong hindi ko makukuha ang pedicab ko. Iyon na lang kasi ang inaasahan ko, ‘neng. Ninakaw pa,” malungkot na sambit ni Nida.

“Tungkol sa CCTV ‘nay ay hindi kita matutulungan. Pero kung tungkol sa pedicab ay pwede kitang matulungan. Huwag na po kayong malungkot ‘nay,” wika ni Jessa.

Sobrang tuwa ang naramdaman ni Nida ng bilhan siya ni Jessa ng dalawang pedicab. ‘Yong isa ay kapalit sa nawala niyang pedicab at ang isa naman ay regalo na nito mismo. Pinaayos na rin ni Jessa ang pagpa-parking-an ng pedicab ni Nida, upang hindi na maulit ang nangyaring pagkawala ng pedicab niya.

“Maraming salamat, ineng,” buong pusong pasasalamat ni Nida. Parang anghel na nahulog sa langit si Jessa para sa kaniya.

“Masaya akong nakikita kang masaya. ‘nay Nida. Sapat na kabayaran na po ang ngiti ninyo. Sana ay mabuhay pa po kayo ng matagal, kung kailangan niyo ng tulong ay huwag kayong mahiyang lapitan ako,” wika ni Jessa sabay yakap sa kaniya. “Naaalala ko sa inyo ang lola ko,” mahinang wika nito.

“Diyos na lang ang magbabalik ng ginawa mo sa’kin neng,” mangiyak-iyak na wika ni Nida na tanging ngiti lamang ang sagot ng babae.

Advertisement

Ang buong akala ni Nida ay wala nang pag-asa noong nawala ang kaniyang pedicab at tinanggihan siya ng staff sa barangay. Ngunit mas higit pa pala ang matatanggap niya. May mga tao pa ring may mabubuting puso, katulad ni Jessa na handang tumulong na walang hinihinging kapalit kung ‘di ngiti lamang.