Mala-Diyosa ang Ganda ng Babae Ngunit Saksakan Naman ang Sama Ng Ugali; Isang Malaking Aral ang Natutunan Niya Matapos Isumpa ng Matandang Hinamak-hamak Niya

Mala-Diyosa ang Ganda ng Babae Ngunit Saksakan Naman ang Sama Ng Ugali; Isang Malaking Aral ang Natutunan Niya Matapos Isumpa ng Matandang Hinamak-hamak Niya

KarmaMysteryStories

Masasabing isa si Tricia sa mga babaeng tunay na pinagpala. Pinanganak siya sa isang mayamang pamilya kaya kahit kailan ay hindi nakaranas ng hirap at gutom. Bukod dito, biniyayaan si Tricia ng napakagandang mukha, hubog ng katawan at kutis.

Napakaraming inggit na inggit kay Tricia dahil nasa kanya na ang lahat. Ang di alam ng nakakarami, sa likod ng maamong mukha at kaaya-ayang mga ngiti, nagkukubli ang ugaling nakakasura at umaalingasaw sa sobrang sama.

Kunwari lamang na mabait at palakaibigan si Tricia. Pero hindi nila alam, saksakan ito ng arte at napakamatapobre.

Isang araw, pagkatapos kumain sa isang kilalang restawran kasama ang mga kaibigan, nilapitan si Tricia ng isang matandang babae na madumi at puro grasa ang katawan at mukha.

“Ineng, baka maaari mo naman ako bigyan na kaunting pangkain diyan. Gutom na gutom na kasi ako at buong araw na akong hindi kumakain,” sabi ng matanda.

Napangiwi naman si Tricia sa nakita. Ngumiti siya kunwari upang hindi mapansin ng mga kaibigan ang kaartehan.

“Guys, mauna na kayo ng uwi. Ipag-take out ko lang si nanay sa loob. Hindi pa raw kasi kumakain e. Ingat kayo ha?” pagpapaalam ng dalaga sa mga kaibigan.

“Napakabait mo talaga, Tricia. Grabe, parang anghel ka na bumaba sa lupa. Ang ganda-ganda mo na, ang bait mo pa!” sabi ng isang kaibigan ni Tricia.

Nagpaalam na ang mga kaibigan at naiwanan na si Tricia katabi ang matanda. Ganoon ang gusto ni Tricia, ang umani ng papuri mula sa ibang tao at saka aarte na tila ba nahihiya, pero ang totoo, nabubuhay siya para sa papuri lamang ng ibang tao.

“Oy!” pagtawag ni Tricia sa matanda. “Eto na lang o, sa’yo na ‘tong take out ko na tira-tira kanina. ‘Wag ka nang choosy, lamang tiyan din ‘yan!” masungit na sabi ni Tricia sa matandang babae.

“S-salamat ineng. Napakaganda at napakaamo naman ng iyong mukha,” sabi pa ng matanda.

Hindi sinasadyang nahawakan ng matanda ang kamay ni Tricia. Napasigaw ang dalaga at saka galit na galit na sinigawan ang matanda.

“Ano ba?! Bakit mo ako hinawakan? Ang kapal ng mukha mo! Binigyan ka na ng lalamunin mo, hahawaan mo pa ako ng kung ano mang sakit na meron ‘yang marurumi mong kamay!” sigaw ng dalaga at saka inihampas sa mukha ng matanda ang dala-dalang tirang pagkain.

Napaupo ang matanda sa lakas ng pagkakahampas ng dalaga.

“Napakaganda ka ng iyong mukha, pero napakagaspang naman ng iyong ugali,” mahinang sabi ng matanda.

“Wow ha?! Ikaw na itong humingi ng tulong, ikaw pa yung ganyan? Ang baho mo kaya! Mamaya kung anong sakit pa ang mayroon ka eh. Maligo ka at maghilod. Ang pangit mo na nga, ang baho mo pa!” walang respetong sigaw ng dalaga.

“Tandaan mo ito, hija. Ang magandang panlabas na anyo ay unti-unting maglalaho sa paglipas ng panahon, pero ang mabuting puso ay hindi.

Tandaan mo itong sasabihin ko… ang nasa labas ay maglalaho at lilitaw ang nasa loob. Ang hindi nakikita ng mata ay magpapakita habang ang magandang anyo ay unti-unting maglalaho. Hangga’t puso’y mo’y hindi natututong magpakumbaba, ika’y magdurusa sa kasamaang ikaw rin ang may gawa.

Ang nakakubli’y magpapakita at ang nakikita’y magkukbli. Lahat ng baho mo ay magsisimula nang sumingaw!” nakangising sabi ng matanda. Nanlilisik ang mga mata nito at nakakatakot ang tono ng boses.

Humangin ng malakas noon kaya’t napapikit si Tricia. Sa kaniyang pagmulat ay tila ba bulang naglaho ang matandang kanina’y kaharap lamang.

Labis na nangilabot ang dalaga sa narinig. Nakaramdam siya ng matinding takot dahil may kakaiba sa mga salitang inusal ng matanda.

Pagkauwi’y agad niyang sinagi ang kasambahay at itinulak ito. Nagmadali siya ng pagligo sa takot na baka may nakahahawang sakit ang matandang humawak kanina.

Nasugatan at nasaktan ang kasambahay ngunit hindi man lang humingi ng pasensiya ang maarteng dalaga.

Habang nagsusuklay ng buhok ay napansin ni Tricia ang paglabas ng mga malalaking pula sa kaniyang mga braso. Kumalat ito sa iba pang parte ng katawan pati na sa mukha. Unti-unting ang mga pulang marka ay umalsa at nagsimulang kumati.

“Oh my gosh! Ano ‘to?!” sigaw ng dalaga.

Agad siyang nagpahatid sa kaniyang personal drayber papunta sa isang dermatologist. Ngunit kahit ang doktor ay hindi maipaliwanag ang nangyayari. Niresetahan lamang siya ng mga gamot na ipapahid upang maibsan ang pamumula at pangangati ng mga tumubo sa katawan ng dalaga.

Kinabukasan, isang malakas na tili ang bumulabog sa buong kabahayan nila Tricia.

“Aaaaaah!!!” sigaw ni Tricia. “Diyos ko! What is this?” biglang hagulgol na dahil hindi matanggap ang nakikita.

Agad na nagpuntahan ang mga tao sa kwarto niya para makita kung ano ang nagaganap, at lahat sila, napanganga at ang iba’y napatakip ng bibig sa kanilang nasulyapan.

Ang mga mapupulang pantal kagabi ay tila ba nasunog at naaagnas na balat na ngayon. Napakakati nito at napakahadpi rin kung madadampian. May kakaibang amoy din na umaalingasaw mula rito. Tila ba nabubulok na laman ang singaw nito.

Ang makinis na kutis ni Tricia noon ay natadtad na ng hindi maipaliwanag at nakakadiring karamdaman. Ang mukhang kay amo naman ay parang nabura dahil sa mga sugat na naroroon.

Hindi na nakapasok pa si Tricia sa eskwelahan. Isang kaibigan rin ang nakakita sa kanyang kalagayan nang minsang magpunta sa kanila upang bisitahin siya, ngunit palihim pala itong kumuha ng litrato at ikinalat sa kanilang paaralan.

Ang mga dating manliligaw ay nawala na, pati ilang mga kaibigan ay nandiri at tinalikuran na rin siya. Ang mga taong naiinggit at kagalit niya ay nagbunyi naman sa nabalita.

Umiyak na lamang nang umiyak ang dating mala-diyosang dalaga. Nawala na ang lahat ng bagay na labis niyang iniingatan. Wala na ang kanyang gandang ipinagmamalaki sa lahat. Isa na siya ngayong halimaw sa mata ng mga tao.

Dahil sa pangyayari, unti-unti nang nawalan ng pag-asa si Tricia na babalik pa sa dati ang hitsura. Kasabay noon ang unti-unti namang paglambot ng kanyang puso. Walang-wala na siya ngayon at wala na rin maipagmamalaki, kaya natutunan niyang makisama at magpakumbaba sa mga tao sa paligid.

Ipinatawag niya ang mga kasambahay at ilang manggagawa sa bahay na dating nasaktan.

“Patawarin ninyo sana ako sa nagawa ko sa inyo. Napakalaki ng naging kasalanan ko, lalo na sa mga panahong nasaktan ko kayo. Pangakong hindi ko na ito uulitin. Sana’y mapatawad niyo ako,” maluha-luhang pahayag ng dalaga.

Ngumiti naman ang mga kasambahay at saka hinawakan ang kanyang kamay.

“Iyan lamang po ang iniintay namin sa inyo ma’am. Isang sorry lamang po ay sapat na sa amin. Ipagdarasal po namin ang inyong paggaling,” sabi naman ng isa nilang kasambahay.

Tinawagan din ni Tricia ang ilang mga taong nasaktan noon. May mga personal na mensahe din siyang ipinaabot sa ilang kakilalang nasaktan din. Buong puso siyang humingi ng tawad at nagpakumbaba.

Magmula noon, tila ba isang milagro ang naganap. Ang mga sugat ay unti-unti nang naghilom. Natuyo ang mga ito at isang himalang biglaan na lamang nawala.

Ang masakit lamang doon ay hindi natanggal ang mga markang naiwan ng mga sugat sa katawan. Unti-unting naging peklat ang mga ito. Hindi na talaga maibabalik pa sa dati ang makinis na balat ni Tricia, subalit buong puso na lamang niya itong tinanggap.

Natutunan niya ang pagpapakumbaba sa napakahirap na pamamaraan. Pero nagpapasalamat pa rin siya dahil ngayon, nagagawa na niya ang lahat ng bagay ng walang pag-iinarte. Nakatagpo rin siya ng mga tunay na kaibigan na buong puso siyang tinanggap. Doon lamang siya nakaramdam ng kalayaan at tunay na kaligayahan.

Binalikan niya ang lugar kung saan nakita ang matanda noon, ngunit hindi na niya ito muli pang nasumpungan.

Nagpasalamat na lamang din siya sa aral na itinuro sa kanya ng matanda. Ngayon, masaya na si Tricia at hindi na nanghahamak pa ng kapwa. Naroroon pa rin kasi ang takot na muling niyang maranasan ang mga pinagdaanan noon. Masaya na siya sa kanyang sarili kahit na alam niyang malayong-malayo na siya sa halos perpektong kagandahan.

Hindi lisensya ang pagkakaroon ng magandang mukha, katawan at talento upang mangmaliit at manghamak tayo ng kapwa. Sa mundong ito, lilipas ang mga kagandahang nasisilayan ng mukha, ngunit maiiwan magpakailanman ang kagandahan ng pusong busilak at mapagkumbaba.

More Stories