Sa Sobrang Inggit ay Itinulak ng Bata ang Bunsong Kapatid sa Tulay Para Mahulog sa Ilog; Ikinawindang Niya ang Pagbabalik Nito

Sa Sobrang Inggit ay Itinulak ng Bata ang Bunsong Kapatid sa Tulay Para Mahulog sa Ilog; Ikinawindang Niya ang Pagbabalik Nito

HeartbreakingKarmaStories

Gusto ni Ebony na sa kaniya lang ang atensyon ng mga magulang kaya nang magkaroon siya ng kapatid ay labis ang inggit niya rito kaya palagi niya itong inaaway at sinasaktan.

“Akin lang itong laruan, akin lang!” sigaw niya sa bunsong kapatid na si Ivory.

“Ate, bigay ‘yan sa akin nina mommy at daddy, eh. Ibalik mo ‘yan sa akin, please, ate!”

“Walang sa iyo, Ivory. Akin ang lahat ng bagay na ibinibigay nina mommy at daddy. Pati na ang pagmamahal nila ay akin lang dapat, akin lang!” giit niya.

Umiyak nang umiyak ang kapatid dahil ayaw niyang ibalik ang laruan nito. Dahilan iyon para mas lalo siyang magalit.

“Sige, umiyak ka pa, hinding-hindi mo na makikita sina mommy at daddy. Ilalayo ko sila sa iyo!” pananakot niya sa kapatid.

Dahil sa takot ay huminto sa pag-iyak si Ivory. Wala itong nagawa sa pananakot ng nakatatandang kapatid.

Nakaisip naman ng paraan si Ebony kung paano mawawala sa landas niya ang kapatid nang pumunta silang mang-anak sa probinsya. Habang abala ang mga magulang sa paghahanda ng kanilang makakain ay patagong niyaya niya si Ivory sa isang lumang tulay na ang nasa ilalim ay ilog.

“Uy tingnan mo, Ivory ang ganda ng ilog ‘no!”

“Oo nga, ate. Ang ganda, pero mukhang malalim, nakakatakot!”

Maya-maya ay itinulak niya sa tulay ang kapatid hanggang sa mahulog ito sa ilog.

“Ate, ate, tulungan mo ako, ate!” sigaw ni Ivory.

Lihim na natuwa si Ebony sa ginawa niya. Sa wakas, mawawala na sa buhay niya ang bwisit niyang kapatid. Masosolo na niya ang pagmamahal ng kaniyang mommy at daddy.

“Mommy, daddy, si Ivory, may kumuha kay Ivory!” sigaw niya.

Nang puntahan niya ang mga magulang, sinabi niyang may kumuha sa kaniyang kapatid.

“Mommy, daddy, may kumuha po kay Ivory sa ilog!”

“Ano? Paano nangyari ‘yon, anak? Sino ang kumuha sa kaniya?” naguguluhang tanong ng ina.

“Samahan mo kami ng mommy mo sa tulay, baka naroon pa ang kapatid mo!” natatarantang sabi ng kaniyang ama.

Nang balikan nila ang ilog na nasa ilalim ng tulay ay wala na roon si Ivory. Hindi na rin narinig ni Ebony ang sigaw ng kapatid. Wala silang nakitang anumang lumulutang o gumagalaw sa ilog. Pinahanap ng mga magulang niya ang kapatid ngunit wala silang natagpuang katawan. Tuluyan nang nilamon ng ilog si Ivory.

Hindi matanggap ng mag-asawa ang nangyari sa bunsong anak ngunit may isang nagdiriwang sa pagkawala ni Ivory at iyon ay walang iba kundi si Ebony.

Ilang taon ang lumipas, namayapa na rin ang mga magulang ni Ebony. Hindi kinaya ng mommy niya ang pagkawala ni Ivory kaya naglason ito sa sarili at binawian ng buhay. Ang daddy naman niya ay inatake sa puso dahil sa ginawang pagpapatiwak*l ng asawa. Kahit nawala ang mga magulang ay iniwan naman ng mga ito sa kaniya ang bahay at lupa, negosyo at ipong pera sa bangko ng mag-asawa ngunit hindi marunong sa buhay ang dalaga. Nilustay lang niya sa bisyo at pagpapasarap ang perang iniwan sa kaniya. Napabayaan din niya ang negosyo ng kanilang pamilya at ito’y tuluyang nalugi. Dahil walang-wala na siyang pera ay naisip niyang ibenta ang bahay at lupa. Masuwerte naman at may nagka-interes na bumili niyon.

“Handa na ang mga papeles. Siya na lamang at hinihintay ko. Kailan ba siya makikipagkita sa akin?” tanong ni Ebony sa kausap.

“Bukas ay available si ma’am. Tatawagan kita bukas nang umaga kung anong oras siya pupunta riyan. Kunin ko na lang ang address ng bahay?” sagot ng babaeng sekretarya ng buyer. Gusto raw kasi nitong makita muna ang bahay bago iabot sa kaniya ang bayad. Ang napagkasunduan nilang halaga ay ibibigay ng buyer pag nagkita sila.

Ang lapad ng ngiti ni Ebony dahil naibenta niya ang bahay at lupa ng mga magulang. Pumayag kasi ang buyer sa gusto niyang halaga.

Kinaumagahan, tumawag ang sekretarya ng kaniyang buyer at sinabi nitong alas-diyes nang umaga darating ang amo nito. Dali-daling nagbihis si Ebony, pinili niya ang pinakamaganda niyang damit at naglagay rin ng kaunting makeup sa mukha para presentable siya sa pagharap sa bisita. ‘Di nagtagal ay tumunog na ang doorbell.

“Narito na siya! Money, here I come!” excited siya na kumekembot pa ang balakang habang bumababa sa hagdan.

Nang buksan niya ang gate ay bumungad sa kaniya ang isang magandang babae.

“Hello, ikaw ba si Ms. Dela Fuente?” tanong niya habang sinisipat ang kabuuan ng babae.

“Yes, ako nga. Ako ang bibili nitong bahay. Maaari ko bang makita ang loob?”

Ipinakita niya ang loob ng malaking bahay. Habang inililibot ang paningin sa bawat sulok ay hindi naman maalis ni Ebony ang tingin sa babae. Hindi niya mawari ngunit parang nakita na niya ito. Hindi lang niya matandaan kung saan o kung kailan. Mayamaya ay nagulat na lamang siya nang makitang umiiyak ang babae habang hawak nito ang picture frame ng mommy at daddy niya.

“M-miss, bakit ka umiiyak? Kilala mo ba sina mommy at daddy? Wala na sila, eh, pat*y na sila,” tanong niya sa nagtatakang tono.

“Kilala ko sila, kilalang-kilala. At ikaw ang may kasalanan kung bakit sila nawala,” mahinang sagot ng babae.

Hindi nakakilos si Ebony sa sinabi ng babae. Nilakasan niya ang loob at muling nagtanong.

“S-sino ka ba? Ano’ng alam mo sa akin at sa pamilya ko?”

Humarap sa kaniya ang babae.

“Hindi mo ba ako natatandaan? Tuluyan mo na ba akong kinalimutan, ate? Ako ang iyong bunsong kapatid na walang awa mong itinulak noon sa tulay para mahulog sa ilog para tuluyan na akong mawala sa buhay mo, para masolo mo sina mommy at daddy. Ako si Ivory, ang kinamumuhian mong kapatid!”

Nawindang si Ebony. Kinilabutan. ‘Di siya makapaniwalang buhay pa ang kapatid niya.

“P-Paanong…”

“Hindi ka nagtagumpay sa balak mong pagpat*y sa akin, ate. Mabuti na lamang at may mangingisda na nagligtas sa akin sa pagkalunod sa ilog. Kinupkop niya ako, itinuring na sariling anak at pinag-aral. Ipinangako ko sa sarili ko na magtatapos ako sa pag-aaral at magiging isang ganap na Doktor para sa pagbabalik ko’y may ipagmalaki ako kina mommy at daddy ngunit wala na pala akong babalikan. Nabalitaan kong matagal na pala silang pumanaw at iyon ay kasalanan mo, ate. Nang mawala sila ay nilustay mo lang ang pera nila at pinabayaan ang negosyong pinaghirapan nila noon. Pati ang bahay at lupang ito na kanilang ipinundar ay ibebenta mo? Masyado kang sakim, ate! Ngayong nagbalik na ako, titiyakin kong pagbabayaran mo ang iyong ginawa!”

Hindi na nakayanan ni Ebony ang mga sinabi ni Ivory. Humagulgol ito at tila nawala na sa sarili.

“H-hindi ka totoo. Wala ka na, Ivory! Pat*y ka na, kinuha ka na ng ilog. Layuan mo ako!” paulit-ulit na sambit ni Ebony.

Tuluyan nang nasiraan ng bait si Ebony. Hindi niya matanggap na nabuhay si Ivory at ito’y nagbalik para ipamukha ang mga ginawa niyang kasalanan. Dahil sa awa at dahil kapatid pa rin ang turing sa kaniya ni Ivory ay ipinasok siya nito sa ospital para sa may mga sakit sa pag-iisip upang ipagamot. Iyon na siguro ang karma niya sa lahat ng kasamaang ginawa niya sa kapatid lalo na ang pagtatangka niya noon sa buhay nito.

More Stories