Walang Awang Sinibak sa Trabaho ng Bisor ang Babaeng Empleyado; Isang Malupit na Kapalit ang Singil Nito sa Kaniya

Walang Awang Sinibak sa Trabaho ng Bisor ang Babaeng Empleyado; Isang Malupit na Kapalit ang Singil Nito sa Kaniya

KarmaMysteryStories

Kilala si Joyce bilang isang mahigpit na bisor sa pinagtatrabahuhang call center. Palibhasa’y nangunguna ang grupo niya sa pinakamahusay na grupo sa kanilang account kaya kamay na bakal ang gamit niya sa pagpapalakad sa kaniyang mga ahente. Mabilis siyang magalit at talagang palamura. Kaunting pagkakamali lang at siguradong makakatikim nang masasakit na salita ang sinuman sa mga ahente niya.

Halos walang nagtatagal na ahente sa kaniya at hindi rin naman siya nagdadalawang-isip na magtanggal ng empleyado. Marami ang nagrereklamo laban sa kaniya pero sadyang malakas siya sa opisina. Ano nga naman ba ang laban ng isang hamak na ahente sa isang bisor?

“Tinatanong kita, Mylene, bakit ganito kababa ang nakuha mong iskor, 77%? Ano ba namang utak mayroon ka?” inis niyang sabi sa isang ahente.

Hindi nakakibo si Mylene. Hindi nito alam ang sasabihin. Inamin naman ng dalaga na nagkamali siya. Marahil dahil sa kaka-gradweyt pa lang nito at wala pang gaanong kaalaman sa mundo ng call center.

“Sorry po,” mahinang sagot ni Mylene na pinipigilan ang pagtulo ng luha.

“Sorry? I don’t need your sorry! What I need from you is a 100% QA score everytime!”

Dinig na dinig ang boses ni Joyce sa buong palapag na kinaroroonan nila ngunit walang pumapansin sa kaniya. Sanay na kasi ang mga tao roon sa ganoong eksena.

Mahinang hikbi lang ang sagot ng babae.

Mabilis na lumipas ang isang linggo at muling nagharap sina Joyce at Mylene. Kinakabahan ang huli dahil walang kibo ang bisor at nakatitig sa kaniya. Ilang minuto ang nagdaan bago ito nagsalita.

“How do you think you did last week?” tanong ni Joyce.

Tinitigang mabuti ni Mylene ang bisor, pilit na binabasa ang mukha nito.

“W-well, I’m not sure but I did my best.”

Mula sa isang folder sa kaniyang mesa ay kinuha ni Joyce ang isang pirasong papel at iniabot iyon kay Mylene.

Tiningnan ng babae ang papel. Ang QA score niya.

I-I got 95%!” Napangiti si Mylene. Mataas na ang QA score niya at isang maliit na pagkakamali lang ang nagawa niya. Nakahinga siya nang maluwag.

“That’s not enough,” kalmadong sabi ni Joyce. Biglang nawala ang ngiti sa mukha ng kausap.

“I-I’m sorry,” mahinang sabi ng babae.

“I said that’s not enough!” sigaw ni Joyce. “I didn’t ask you to give me a 95%, I specifically told you to give me a 100%! Not 96, not 99. I need 100%!”

Muling kumuha ng papel si Joyce sa folder. “This is your termination paper. I’m sorry but you don’t have what it takes!”

Sa sinabi ng bisor ay hindi na napigilan ni Mylene ang mapaiyak. Bumalik sa alaala niya ang lahat ng hirap niya sa training, at ang lahat nang masasakit na salitang natanggap niya mula kay Joyce.

“Ma’am… please, huwag niyo po akong tanggalin sa trabaho. Kailangan ko po itong trabahong ito.”

Umiling lang si Joyce.

“Sorry, pero hindi ko kailangan ang mga katulad mong mahihina!” sagot ni Joyce.

Hindi na nakapagsalita si Mylene. Lalong lumakas ang pag-iyak nito. Pinagtitinginan na sila ng ibang ahente na malapit sa kanila.

Ilang minutong walang kibo si Mylene, tinititigan lang ang papel sa harap nito. Pagkatapos ay biglang tiningnan ng matalim ang bisor.

“What? Do you have a problem?” mayabang na tanong ni Joyce.

“Oo, ikaw! Hindi pa tayo tapos, magkikita pa rin tayo!” pagalit na sagot ng babae at pagkatapos ay tumayo sa kinauupuan at galit na naglakad palayo.

Kinaumagahan ay hinihingal na kinausap ng isa niyang katrabaho si Joyce. Patakbo itong lumapit sa kaniya.

“O, Tanya, bakit pawis na pawis ka at hingal na hingal?” tanong niya sa kasama.

Huminga nang malalim ang babae at tinitigan siya sa mga mata.

“Mylene committed suic*de last night.”

Parang tumigil ang oras sa narinig si Joyce. Pati paghinga niya ay tumigil sa sinabi ng kasama. Sinubukan niyang magsalita ngunit parang natuyo ang kaniyang lalamunan at bumigat ang dila niya.

“Nakita ang walang buhay niyang katawan sa loob ng banyo. Uminom siya ng lason,” patuloy na kuwento ni Tanya.

Natigalgal si Joyce. Hindi siya makapaniwala sa ibinalita ni Tanya. Bigla na lamang nanlamig at nanigas ang buo niyang katawan.

“A-ayos ka lang ba?” may pag-aalalang tanong ni Tanya.

“Y-yeah. I’m fine. I just need to sit down,” mahina niyang tugon sabay pabagsak na naupo sa silya.

“Relax ka lang,” wika ni Tanya. “It wasn’t your fault.” Tiningnan nito ang katrabaho na halatang nanghina sa balita, pagkatapos ay dahan-dahang lumakad palayo.

Matagal na natahimik si Joyce. Malalim ang iniisip. Maya-maya ay naisipan niyang tumayo sa kaniyang puwesto at tangkang pupunta sa CR para mag-ayos ng sarili.

Habang nasa loob ng CR at nananalamin ay bigla na lamang nagdilim ang paligid. Namat*y ang ilaw sa loob. Nakaramdam siya ng kaba at takot dahil mag-isa lamang siya roon. ‘Di nagtagal ay muling bumukas ang ilaw at laking gulat niya nang makita ang kaharap na salamin. May babaeng nakatalikod at umiiyak. Tumayo ang mga balahibo sa kaniyang katawan nang mapagtanto kung sino ang babaeng kasama niya sa loob ng CR.

“M-Mylene?” nangangatal niyang tanong.

Dahan-dahang humarap sa kaniya ang babae. Tumambad kay Joyce ang walang buhay na mukha ni Mylene. Nangangasul ang mukha nito at nanlilisik pa ang mga mata na punumpuno ng galit.

Nagmamadali siyang lumabas sa CR. Matinding takot ang bumalot sa kaniya, takot na noon lamang niya naramdaman. Tumakbo siya nang tumakbo at nang makita niyang bukas ang elevator ay mabilis siyang sumakay roon. Pagbukas ng elevator sa unang palapag ay muli siyang tumakbo. Tumigil lang siya nang makitang nakalabas na siya sa gusali.

Hingal na hingal siya at pawis na pawis. Iginala niya ang paningin habang hinahabol ang kaniyang hininga. Pilit niyang ipinanatag ang sarili. Nang mahimasmasan ay nagpasya na muling bumalik sa loob ng gusali.

Maya-maya ay nakasalubong niya si Tanya.

“Joyce, okay ka lang ba?” tanong nito.

“O-oo,” nauutal niyang sabi. “T-Tanya, samahan mo naman ako sandali. I’ll just get something from my station.”

“Sure!”

Walang kibong tinungo ni Joyce ang kaniyang puwesto habang nakasunod si Tanya. Pagdating doon ay natigilan siya.

Nakaupo sa kaniyang silya at nakaharap sa kompyuter ang multo ni Mylene na halatang inaabangan ang pagbabalik niya.

“No… No…” mahinang sabi ni Joyce. Napahakbang siya paatras ngunit nabangga siya kay Tanya na nasa likod lang niya.

“What’s wrong?” gulat nitong tanong.

Mabilis na nagtatakbong muli sa elevator si Joyce at nang marating ang unang palapag ay lumabas ulit siya sa gusali kung saan siya nagtatrabaho. Halos pagtinginan siya ng mga taong nakakasalubong niya dahil sa walang habas niyang pagsigaw. Wala siyang ginawa kundi ang sumigaw at magwala sa daan hanggang sa makita na lamang niya ang sarili na nakakulong sa isang silid kasama ang mga pasyenteng may sakit sa pag-iisip. Napansin niya na nakasuot din siya ng strait jacket.

“Anong ginagawa ko rito? Palabasin niyo ako rito, hindi ako baliw! Hoy, Mylene, tigilan mo ako, umalis ka na sa buhay ko! Hindi ako baliw!” paulit-ulit niyang sabi.

Sa labas ng silid ay malungkot siyang pinagmamasdan ni Tanya at ng iba niyang kaibigan sa opisina na dumalaw sa kaniya.

“Kawawa naman si Joyce, masyado yata niyang inisip at dinibdib ang pagkawala ni Mylene kaya hindi na nakayanan ng utak niya ang mga nangyari,” wika ni Tanya sa mga kasama.

Ang hindi nila alam ay bukod sa kanila ay mayroon pang isa na nakamasid sa kinaroroonan ni Joyce. Ito ay walang iba kundi si Mylene na abot tainga ang ngiti.

Kahit kailan ay walang mabuting maidudulot ang pangmamaliit at panghahamak sa kapwa gaya ni Joyce na ginantihan ng karma sa mga ginawa nito kay Mylene nang nabubuhay pa ito. Ang kapalit ng kaniyang pagiging mahigpit at mapagmataas ay ang pagkawala ng hibla ng kaniyang katinuan.

More Stories