Tumatanggi sa Lalaki, Laging Umuuwi nang Maaga at Ayaw Sumama sa Lakad ng mga Ka-Opisina Niya ang Dalaga; May Itinatago Pala Itong Lihim

Tumatanggi sa Lalaki, Laging Umuuwi nang Maaga at Ayaw Sumama sa Lakad ng mga Ka-Opisina Niya ang Dalaga; May Itinatago Pala Itong Lihim

InspiringLoveStories

“Ano, tinatanggihan mo ang alok kong pag-ibig sa iyo?” gulat na tanong ni Remus kay Maria Fe.

“Ipagpaumanhin mo, Remus pero hindi pa ako handa na umibig. Sa iba mo na lamang ibaling ang iyong pagtingin,” sagot ng dalaga sa binatang kasama nito sa opisina.

Si Maria Fe ang pinakamagandang babae sa kanilang opisina ngunit wala itong nobyo. Napakaraming nanliligaw sa kaniya ngunit tinatanggihan lang niya ang mga ito. Palagi nitong sinasabi na hindi pa ito handang umibig.

“Sayang naman ‘yang si Maria Fe kung hindi makakapag-asawa. Aba’y napakagandang babae, hindi man lang maikakalat ang lahi,” wika ni Flor na kasamahan din nito sa trabaho.

“Oo nga e, gusto yatang magpaka-manang na lang habambuhay,” natatawang sabi naman ng katrabahong si Yda.

Biglang dumating at nakisali sa usapan sina Aliel at Emman.

“O, kayong mga lalaki kayo, kung gusto niyo ng challenge, e hinahamon namin kayong dalawa. Kung sino sa inyong dalawa ang makapagpasagot kay Maria Fe ay napakasuwerteng lalaki!” paghahamon ni Yda sa dalawang kasamahan.

“Tama si Yda. Bakit hindi niyo ligawan iyang si Maria Fe at tingnan natin kung sino sa inyong dalawang magkaibigan ang magwawagi,” gatong ni Flor.

Napakamot sa ulo ang dalawang binata.

“Sa dami ng nanligaw riyan kay Maria Fe ay kahit isa’y walang pumasa, kami pa nitong pards ko ang naisipan niyong manligaw sa kaniya?” wika ni Emman.

“Bakit naman hindi, e guwapo naman kayong dalawa lalo na itong si Aliel na habulin ng mga babae at b*ding dito sa opisina,” nakangiting sabi ni Flor.

“Mukhang mahirap iyang pinagagawa niyo sa amin nitong kaibigan ko, e,” sagot naman ni Aliel.

“Talagang imposible ‘yang gusto niyong mangyari dahil iyang si Maria Fe ay may lahing aswang!” sabad naman ni Lolita na matagal ng may lihim na inis sa dalaga.

“Ano naman iyang kalokohan na iyan, Lolita? Aswang, e sa gandang babae ni Maria Fe, mukha bang aswang ‘yon? Ang sabihin mo ay matagal ka nang inis sa kaniya dahil mula nang magtrabaho siya dito ay natalbugan na ang kagandahan mo!” natatawang sabi ni Yda.

“H-hindi niyo ba napapansin. Palaging nagmamadaling umuwi sa tuwing sasapit ang alas singko nang hapon? Ayaw raw niyang magpagabi. Hindi rin sumama sa mga outing at party natin dito sa opisina ang babaeng iyan? Naku, may itinatago talaga siyang lihim, e!” giit pa ng babae.

“Alam niyo mukhang may punto rin itong si Lolita. Kakaiba nga kung kumilos iyang si Maria Fe. Ayaw magpaligaw, ayaw abutin ng dilim sa daan, palaging nagmamadaling umuwi, hmmm… parang may itinatago nga,” wika ni Flor.

Nakaisip ng magandang ideya ang magkaibigang Aliel at Emman.

“Huwag kayo mag-alala, aalamin namin iyan nitong pards ko,” sabi ni Emman.

“Anong ibig niyong sabihin?” tanong ni Yda.

“Kami ang tutuklas sa totoong pagkatao ni Maria Fe. Aalamin namin ang kaniyang pinakatatagong lihim,” hayag ni Aliel sa mga kasama.

Isang araw ay nilapitan ng dalawang lalaki si Maria Fe sa mesa nito.

“Hi, Maria Fe!” nakangiting sabi ni Emman.

“O, huwag niyong sabihin na manliligaw din kayo sa akin? Sorry pero alam niyo na ang isasagot ko!” bungad agad sa kanila ng dalaga.

“A, e h-hindi naman iyon ang dahilan. G-gusto ka lang namin maging kaibigan,” sabi ni Aliel.

“’Yun lang naman pala, e. Walang problema sa akin,” anito na napangiti na rin.

“Salamat naman kung gayon. M-maaari ka ba naming yayain na lumabas mamaya paglabas natin sa opisina? Group dinner tayo, kasama natin sina Flor, tutal Biyernes naman ngayon at walang pasok bukas,” yaya ng lalaki.

“A, e h-hindi ako puwede, e. Kailangan kong makauwi nang maaga sa bahay. Ayokong nagpapaabot ng dilim sa kalye,” pagtanggi ng dalaga.

Walang nagawa ang dalawang binata ngunit bahagi talaga iyon ng plano nila. Susundan nila ito sa  pag-uwi sa bahay nito para makita kung anuman ang tinatagong lihim sa pagkatao nito.

Paglabas sa opisina ay palihim na sinundan nina Aliel at Emman si Maria Fe habang pauwi ito sa bahay. Halos isang oras lang nang marating nito ang tinutuluyang maliit na bahay sa dulo ng isang kalye. Napansin pa nila na may lumabas na isang babae a loob ng bahay nito. Ilang minuto pa lang ang nakakalipas nang pumasok ito sa bahay, napagpasyahan na ng dalawa na katukin na ang pinto nito.

Hindi nagtagal ay pinagbuksan sila nito ng pinto. Laking gulat ni Maria Fe nang makita sila.

“A-anong ginagawa ninyo rito?!” gulat na tanong ng dalaga.

“Pasensya na, pero sunundan ka talaga namin dito. Gusto naming malaman kung ano ba ang lihim mo at ayaw mong nililigawan ka ng mga lalaki, ayaw mo ring magpagabi sa daan at umiiwas kang sumama sa mga lakad namin sa opisina at…” hindi pa man natatapos sa pagsasalita si Emman ay ikinagulat nito ang nagsalita sa harapan nila.

“Sino sila Fe, mga manliligaw mo?” tanong ng isang matandang babae na nakaupo sa wheelchair. Sa tantiya nila ay nasa edad sisenta o sitenta anyos na ang matanda na halatang may sakit.

“Inay, hindi ko po sila manliligaw, sila po ang mga kasamahan ko sa trabaho!” sabi ni Maria Fe sa ina.

“Ano kamo mabaho? Hindi ako mabaho ah, ang bango-bango ko nga, e!” wika ng matanda sabay hagalpak nang tawa.

“Pagpasensyahan niyo na si inay, may sakit siya, e nag-uulyanin na siya. Siya ang dahilan kung bakit hindi ako nagpapaligaw at kung bakit ayaw kong umuwi nang gabi at ang hindi ko pagsama sa mga lakad ninyo. Hindi ko maiwan si inay sa ganiyang kondisyon. Sa tuwing papasok ako sa opisina ay ipinagkakatiwala ko siya sa mabait naming kapitbahay. Kapag umuuwi naman ako galing sa trabaho ay ako na ang nag-aalaga sa kaniya. Nag-iisa lang akong anak at mula nang pumanaw ang aking ama ay ako na ang umako sa responsibilidad nang pag-aalaga sa kaniya.

Mahal na mahal ko si inay, minahal at pinag-aral nila ako ni itay kahit hindi nila ako totoong anak. Higit pa sa tunay na anak ang turing nila sa akin at kahit kailan ay hindi nila pinaramdam sa akin na hindi nila ako kadugo. Hinding-hindi ko maiiwan si inay kaya nga lahat ng lalaking nanliligaw sa akin ay tinatanggihan ko, dahil ang gusto nila ay iwan ko ang aking ina kapalit ng kanilang pag-ibig sa akin na kahit kailan ay hindi ko magagawa. Kung iibig man ako sa isang lalaki ay gusto kong tanggap niya ang sitwasyon ko at tanggap rin niya at mamahalin ang aking ina,” paliwanag ni Maria Fe.

Hindi nakakibo ang dalawang binata. Napagtanto nila na wala naman palang lihim si Maria Fe. Napakabusilak pala ng puso ng dalaga na handang isakripisyo ang sariling kaligayahan para sa pinakamamahal nitong ina.

Ipinaalam nila sa opisina ang totoong kalagayan ni Maria Fe at ang lahat ng kasama nila sa trabaho ay humanga sa dalaga, maging si Lolita na inis dito ay napahiya sa mga sinabi nito kay Maria Fe.

Humanga naman sina Aliel at Emman sa kabutihang loob ng dalaga kaya napagpasyahan nilang ligawan ito. Sino man sa kanila ang magtagumpay sa puso ni Maria Fe ay handa silang tanggapin ang sitwasyon nito at handa silang mahalin din ng buong-buo ang sinumang mahalaga sa buhay nito.

More Stories