Napanganga ang Dalaga nang Kumatok sa Pinto ang Amang Matagal Nang Sumakabilang Buhay; Isang Rebelasyon ang Pasalubong Nito

Napanganga ang Dalaga nang Kumatok sa Pinto ang Amang Matagal Nang Sumakabilang Buhay; Isang Rebelasyon ang Pasalubong Nito

FamilyInspiringStories

Nanlaki ang mga mata ni Sandra nang mabungaran niya ang pamilyar na pigura ng isang lalaki pagbukas niya ng pintuan ng kanilang bahay. Pakiramdam niyaʼy nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan. Hindi siya makapaniwalang nakikita niya ang kaniyang ama!

Buhat nang mangibang-bansa ito, pitong taon na ang nakararaan ay hindi na nila ito muling nakita pa o nakausap man lang. Kung saan-saan na ito hinanap ng kaniyang mama at maging ang ibang mga kamag-anak nilaʼy hindi rin alam kung nasaan ito. Grabe ang paghihinagpis ng kaniyang ina noong mga unang taon na wala ang kaniyang ama. Ang nasa isip nila noon ay baka may masamang nangyari na rito sa ibang bansa. Walang nagawa ang kaniyang ina nang mga panahong iyon kundi ang piliting itaguyod silang magkakapatid nang nag-iisa. Inisip nilang pumanaw na ang kaniyang ama… pagkatapos ngayon, bigla niyang makikita ang ama sa harapan niya?!

“Sandra, anak, ikaw na ba ʼyan?” Malungkot na ngumiti ang ama ni Sandra. “Ang laki mo na!” saad pa nito na bakas ang tuwa sa mga mata.

Hindi sinagot ni Sandra ang sinabi ng ama, bagkus ay napatitig siya sa batang lalaking katabi nito. Doon pa lang ay nasagot na ang mga katanungang matagal nang naglalaro sa kaniyang isip. Kamukhang-kamukha kasi ng ama niya ang bata… tanda, na ito ay anak niya sa ibang babae. Mali pala ang akala nilang sumakabilang buhay na ito, dahil ang totooʼy sumakabilang bahay lang siyaʼt iniwan sila para sa iba!

“Sino ka? Hindi kita kilala. Baka nagkakamali ka lang,” galit na sabi ni Sandra. Agad na nilukob ng galit ang kaniyang damdamin para sa amang nang-iwan sa kaniya. Ayaw niyang magkaroon pa ng kahit anong kaugnayan dito laloʼt matagal nang naka-move on ang kaniyang mama.

“Sandra, sino ʼyan—”

Napalingon si Sandra sa kaniyang likuran. Nasapo niya ang sariling noo nang makitang nanginginig habang nakatayo roon ang kaniyang inang may namumuo nang luha sa mga mata. Ito na nga ba ang sinasabi niya!

“Hindi mo ba ako narinig? Ang sabi ko, hindi kita kilala. Umalis ka na!” Muling hinarap ni Sandra ang kaniyang ama. “Umalis ka na, dahil hindi ka namin kailangan!”

“Sandra, anak, magpapaliwanag ako!” saad ng kaniyang ama na pinigilan si Sandra sa tuluyang pagsasara niya ng pinto.

“Hindi namin kailangan ng paliwanag mo. Iniwan mo kami noong mga panahong kailangan ka namin, tapos babalik ka ngayon? Alis!”

Tuluyang pinalayas ni Sandra ang ama. Ang mama niyaʼy tuloy-tuloy ang pag-iyak buhat nang umalis ito.

Matapos ang araw na iyon ay napag-alaman nilang nakipag-live in pala ang kaniyang ama sa ibang babaeng nakilala lang nito sa ibang bansa. Nagsama sila nang mahigit pitong taon, hanggang sa noong nakaraang buwan lang ay maaksidente ang babaeng kinakasama nito. Ngayon ay wala na itong kasama sa buhay. Bukod pa roon ay over age na ito para magtrabaho pa at hindi nito alam kung papaanong bubuhayin ang anak nito sa labas. Iyon ang dahilan kung bakit naisipan nitong lumapit sa kanila at lalong nanggalaiti si Sandra at ang mga kapatid niya dahil doon.

“Mga anak, tulungan nʼyo sila. Walang kasalanan ang kapatid nʼyo. Huwag nʼyo siyang idamay sa galit nʼyo.”

Ikinagulat ni Sandra ang sinabing iyon ng kanilang mama. Sa kabila ng ginawa rito ng kaniyang papa, paanong naiisip pa nito ang kapakanan ng ebidensiya ng pagtataksil ng asawa niya sa kaniya?!

“Tungkol naman sa papa nʼyo… mga anak, matagal ko na siyang pinatawad.”

Doon ay napatunayan ni Sandra kung gaano kabuting tao ang kaniyang mama. At ano ang karapatan niyang suwayin ang utos nito gayong ito nga ang pinakanasaktan sa lahat?

Kaya naman gumawa siya ng paraan upang makausap ulit ang kaniyang papa. Masama pa rin ang kaniyang loob, ngunit pinilit niyang mag-isip nang tama para sa ikabubuti ng lahat.

Kinupkop nila ang ama at ang anak nito. Unti-unti ay pinag-aralan nilang pakisamahan ito, kasabay ng paghilom ng sugat sa kanilang mga puso.

Taos-puso namang humingi ng patawad ang kaniyang ama at nangakong babawi sa mga kasalanan nito sa kanila sa abot ng kaniyang makakaya. Hindi naman na tumutol pa si Sandra.

Sa huli, nanaig pa rin ang koneksyon at pagmamahalan ng kanilang buong pamilya. Ang kapatid nila sa labas ay minahal nila ng katulad ng pagmamahal nila sa isaʼt isa.

More Stories