Isang Napakagandang Babae ang Nagpahanga sa Lahat ng Kasali sa Sayawang Iyon; Nagulat Sila nang Malaman Kung Sino Ito

Isang Napakagandang Babae ang Nagpahanga sa Lahat ng Kasali sa Sayawang Iyon; Nagulat Sila nang Malaman Kung Sino Ito

InspiringKarmaStories

“Wow!”

“Sino, ʼyan? Ang ganda-ganda niya!”

“Parang pamilyar siya, pero hindi ko maalala kung saan ko siya nakita. Sobrang ganda niya!”

Dinig ni Franchesca⏤o mas kilala sa tawag na Iska⏤ang mga bulungang iyon ng mga kapwa niya estudyante habang binabagtas niya ang entrance ng venue ng ngayon ay nagaganap na JS Prom nila. Naririnig niya ang matinding paghanga ng mga ito sa kaniya, ngunit hindi niya alam kung bakit hindi siya makaramdam ng tuwa roon.

Dati-rati, halos laitin siya ng mga ito mula ulo hanggang paa. “Manang” ang madalas na tawag ng mga ito sa kaniya, dahil sa paraan niya ng pananamit. Laking probinsya si Iska at dahil doon ay sanay siyang magsuot ng simple at komportableng damit, hindi tulad ng mga tubong siyudad na halos nagpapaiksian na ng suot. Outcast

“Ngayong nakapostura ako, may kolorete sa mukha, may suot na alahas at magarang damit ay tanggap na nila ako? Hinahangaan, pinupuri, halos hindi alisan ng tingin. Iyon ba talaga ang basehan ng karamihan para tanggapin nila at igalang ang kagustuhan at karapatan ng ibang tao?” Nalungkot si Iska sa naisip. Tila nagsisi pa nga siya na pumayag siya sa kagustuhan ng kaniyang tiya na um-attend pa sa JS prom na ito. Paanoʼy napatunayan lamang naman niya sa sarili na ang karamihan ng mga tao ritoʼy mas gusto ang peke kaysa sa totoong pagkatao.

“Pwede ba kitang isayaw, miss?” tanong ng lalaking lumapit kay Iska.

Hindi naman niya gustong maging bastos kaya naman pumayag na rin siya, kahit pa ang lalaking ito ay isa sa mga dating nangmaliit sa kaniya, dahil sa kaniyang pagiging manang.

“Ang ganda-ganda mo, miss,” komento pa nito, habang sinasabayan nila ng marahang paggalaw ang malumanay na tugtuging umi-ere sa paligid. “Bakit hindi man lang kita nakita sa campus?” dagdag pang tanong nito.

Bumuntong-hininga muna si Iska bago sinagot ang kausap. “Hindi mo ba talaga ako nakikilala?”

Umiling ito.

“Ako ito, si Manang Iska,” ang maiksi ngunit malungkot na sagot niya. Diniinan niya talaga ang pagbanggit ng salitang manang upang matandaan nito kung sino siya.

Napasinghap ang lalaking kausap niya at nanigas sa kinatatayuan nito. “I-ikaw si Iska?” Napalakas ang boses nito kaya naman narinig iyon ng mga nakaupo sa mesang katabi nila. Mesa pala iyon ng barkadahan ng lalaking ito. Ang grupong madalas na mam-bully sa kaniya. Halatang nagulat din ang mga iyon nang malamang siya si Iska.

Lingid sa kaalaman ni Iska, ang mga kababaihan sa barkadahang iyon ay nakaramdam ng matinding insecurity o pagkainggit sa katawan nang malamang ganoon pala siya kaganda kapag naayusan. Nagkamali sila ng taong hinusgahan. Ang mga kalalakihan ay biglang nahiya sa kanilang mga sarili. Lahat sila ay nakaramdam ng pagsisisi sa huli.

Natapos ang ball na kalat na sa buong campus ang balitang si Iska ang napakagandang babaeng iyon na siyang umagaw ng atensyon ng lahat sa pagpasok pa lamang niya sa venue. Napahiya ang mga bullies ng school. Humanga ang iba, habang ang karamihan naman ay nainggit, hindi lang dahil sa napakaganda niyang hitsura, kundi dahil sa pagiging simpleng babae ni Iska. Doon nila napagtantong hindi basehan ng respeto ang pagkakaroon ng magandang mukha o postura.

Simula nang araw na ʼyon, unti-unti na ring bumalik ang tiwala ni Iska sa sarili dahil tumigil na ang pambu-bully sa kaniya. Marami na rin ang sumubok na kaibiganin siya at kilalanin pa siya nang lubusan.

Samantala, isang araw ay lumapit sa kaniya ang grupo ng mga dating nangmamaliit sa kaniya…

“Patawarin mo kami, Iska, sa lahat ng masasamang salitang sinabi namin sa ʼyo noon,” hinging paumanhin ng isa habang nakayuko sa kaniyang harapan.

“Oo nga, Iska. Sorry talaga. Na-realize na naming mali iyon,” segunda naman ng iba.

Hinarap sila ni Iska sa malambot at mapang-unawang mukha. “Sana, sinasabi nʼyo ʼyan hindi dahil nakita ninyo akong nakapostura noon. Kasi, alam nʼyo, hindi lang ang may magagandang hitsura, eleganteng pananamit, mapuputi, matatangos ang ilong at may mga kaya sa buhay ang dapat na inirerespeto. Dapat, lahat ng tao. Sana, bago kayo manglait, isipin nʼyo muna ang sarili nʼyo kung kayo ang nasa ganoong posisyon. Sana, natuto na kayo.”

Iyon ang mga katagang iniwan ni Iska sa kanila, bago niya isinatinig ang huli niyang sasabihin sa kanila.

“Pinapatawad ko na kayo.”

More Stories