Mahilig Manloko sa Social Media ang Lalaki; Grabe ang Panghihina Niya Nang Makasalubong ang Isa sa mga Niloko

Mahilig Manloko sa Social Media ang Lalaki; Grabe ang Panghihina Niya Nang Makasalubong ang Isa sa mga Niloko

FunKarmaStories

Tatawa-tawa na naman si Axel habang kaharap ang kaniyang cellphone. Paano ay may napikon na naman sa kaniya sa social media!

Kanina pa siya comment nang comment sa picture ng isa niyang friend sa Facebook; nilalait niya ito kahit pa hindi naman niya ito personal na kakilala.

“Ang pangit mo, nagpo-post ka pa ng picture!”

“Wag ka na lang mag-picture, pare, pumapangit ka lalo!”

“Anoʼng pakialam mo? Akala mo kung sino ka, ah!” sagot ng lalaking may-ari ng picture na nilalait ngayon ni Axel.

“Wala. Basta, ‘wag ka nang mag-post. Hindi bagay sa ʼyo!”

Tawa nang tawa si Axel nang umabot na sa puntong minura siya nito bago i-block sa Facebook. Isa na naman ang nabwisit niya ngayong araw.

Ang dahilan ng panti-trip ni Axel? Wala lang. Gusto niya lang mang-trip dahil nabo-bore siya sa kaniyang buhay. Wala kasing trabaho si Axel. Tamad. Ni ayaw niya ngang mag-apply kahit na wala naman siyang ginagawa sa kanilang bahay. Simula pagkagising niya ay social media kaagad ang kaniyang kaharap. Minsan nga, kahit wala siyang makain ay okay lang. Babad siya sa paghawak ng gadgets at kahit na bente-kuwatro anyos na siya ay asa pa rin siya sa kaniyang ina!

“Pikon pala itong kausap ko,” ngingisi-ngising puna ni Axel habang iinio-off ang data ng kaniyang cellphone. Lowbat na kasi iyon at kailangan nang i-charge. Nanggagalaiti sa kaniya ang lalaking pinagsabihan niya ng kung ano-ano sa mga comments niya sa picture nito.

“Makalabas na nga muna para bumili ng yosi,” aniya sa kaniyang sarili bago niya kinapa ang kaniyang bulsa kung may natitira pang laman iyon. Mabuti na lang at may nakapa pa siyang sampung piso. Tamang-tamaʼt may pambili pa siya ng kendi.

Lumabas si Axel. Maangas pa nga siyang naglalakad nang nakapamulsa, nang biglang makasalubong niya ang isang lalaki…

“Pare, ikaw si Axel Buenaventura, ʼdi ba?” tanong nito sa kaniya sa pagalit na tono. Tinitigan ni Axel ang mukha nito. Pamilyar, ngunit talagang hindi niya makilala kung sino ito.

“Oo, bakit? Sino ka ba?” patanong na sagot pa ni Axel sa binata, ngunit bigla na lang siya nitong binigwasan!

Napaubo si Axel sa lakas ng banat ng lalaki!

“Bakit nambibigwas ka?! Sino ka ba, ha?” galit na tanong ni Axel na ni hindi man lang nakaporma ng ganti sa naturang lalaki.

“Hindi mo ako kilala pero panay ang comment mo sa profile pictures ko? Tingnan natin ngayon kung sino ang mas mukhang aso sa ating dalawa, yabang!” hiyaw pa nito at tila doon lang naalala ni Axel ang binata!

Ito ang lalaking pinag-trip-an niya kanina sa Facebook!

“Tulong! Tulong!” sisigaw si Axel. Marami namang dumaraang mga kabarangay niya pero parang hindi siya naririnig ng mga ito, o nakikita. Dinaraanan lamang sila ng mga ito.

“Ate, binubugbog ʼyong lalaki, oh!” narinig niyang bulong ng isang binatilyo sa kasama nitong babae habang panay ang tadyak, suntok at sipa sa kaniya ng lalaking pinag-trip-an niya kanina.

“Pabayaan mo ʼyan. Napaka-tsimoso kasi niyan. Bukod doon, barumbado pa kaya tama lang sa kaniya ʼyan nang magtanda!”

Pagkatapos nʼon ay narinig niya na ang mga papalayong yabag ng kanilang mga paa. Walang may balak na awatin ang taong nanggugulpi sa kaniya.

Kilala si Axel sa kanilang lugar bilang sawsawero, tsismoso at mahilig mang-trip ng kaniyang makursunadahan. Noon ay wala siyang pakialam kung ganoʼn ang tingin sa kaniya ng mga tao, ngayon ay nagkaroon na iyon ng halaga. Paanoʼy ni isa, wala man lang lumapit upang tulungan siya! Ibig sabihin, halos lahat ng tagarito sa kanila ay may galit sa kaniya!

Doon napagtanto ni Axel na talaga ngang mali ang pinagagagawa niya dahil ikinapahamak na niya iyon. Tama nga ang kasabihang nasa huli ang pagsisisi. Hindi niya akalain na nakatira lamang pala sa malapit ang lalaking iyon na nilait-lait niya at eksaktong nagkasalubong pa sila. Banat tuloy ang inabot niya.

Black eye, putok na nguso at mga pasa ang inabot niya nang umuwi siya sa kanilang bahay. Hinang-hina si Axel dahil sa natamo. Inalok pa siya ng ina na magpunta sila sa barangay upang magreklamo, ngunit tinanggihan na rin niya iyon. Alam niyang kasalanan niya rin ang kaniyang sinapit.

Dahil dito, sinisigurado ni Axel na hindi na siya uulit pa sa mga kalokohang ginagawa niya. Ipinangako niya sa sariling aayusin niya ang kaniyang buhay.

More Stories